PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Marcos 11:24—“Anuman ang Hingin Ninyo sa Inyong Panalangin, Maniwala Kayong Natanggap Na Ninyo Iyon”
“Kaya sinasabi ko sa inyo, lahat ng bagay na ipinapanalangin ninyo at hinihiling, manampalataya kayong tinanggap na ninyo iyon, at tatanggapin ninyo iyon.”—Marcos 11:24, Bagong Sanlibutang Salin.
“Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon.”—Marcos 11:24, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Marcos 11:24
Sa mga sinabing ito ni Jesus, ipinakita niya sa mga tagasunod niya na mahalagang maniwala sila na makapangyarihan ang panalangin. Tiniyak niya sa kanila na hindi lang basta nakikinig ang Diyos sa mga panalangin nila. Sinasagot din niya ang mga iyon. Kaya kapag nananalangin ang isa ayon sa kalooban ng Diyos, makakatiyak siya na talagang mangyayari ang ipinanalangin niya, na para bang nasagot na ito.
Idiniin ni Jesus na mahalagang manampalataya kapag nananalangin. Sinabi niya na kapag nananalangin ang isang tao, hindi siya dapat ‘mag-alinlangan sa puso niya’ kundi dapat siyang ‘manampalataya na ang sinasabi niya ay mangyayari.’ (Marcos 11:23) Bakit? Kasi “hindi makaaasa ang taong [nag-aalinlangan] na tatanggap siya ng anuman mula kay Jehova.” a—Santiago 1:5-8.
Ang isang taong nananampalataya ay laging nananalangin, anuman ang sitwasyon. (Lucas 11:9, 10; Roma 12:12) Kapag ginagawa niya ito, ipinapakita niyang talagang kailangan niya ang hinihiling niya at na talagang naniniwala siya na kayang sagutin ng Diyos ang panalangin niya. Naniniwala rin siya na posibleng sagutin ng Diyos ang mga panalangin niya sa paraan at pagkakataon na iba kaysa sa inaasahan niya.—Efeso 3:20; Hebreo 11:6.
Pero hindi sinasabi ni Jesus na kahit sino, makakaasa na sasagutin ng Diyos ang ipinanalangin niya. Tandaan na mga tagasunod ni Jesus ang kausap niya noon—mga taong may pananampalataya at ginagawa ang buong makakaya nila para sambahin ang Diyos na Jehova sa paraang katanggap-tanggap sa Kaniya. Sinasabi ng Bibliya na mga panalangin lang na ayon sa kalooban ni Jehova ang sinasagot Niya. (1 Juan 5:14) Hindi siya nakikinig sa mga panalangin ng mga taong sadyang lumalabag sa mga pamantayan niya at gumagawa ng masama nang hindi nagsisisi. (Isaias 1:15; Mikas 3:4; Juan 9:31) Para sa higit na impormasyon tungkol sa mga panalanging sinasagot ng Diyos, panoorin ang maikling video na ito.
Konteksto ng Marcos 11:24
Noong mga huling araw ni Jesus sa lupa, sinabi niya sa mga alagad niya kung bakit mahalagang magpakita sila ng matibay na pananampalataya sa Diyos. Gumamit siya ng isang ilustrasyon para idiin ang aral na ito. Papunta siya noon sa Jerusalem nang mapansin niya ang isang puno ng igos na maagang nagkadahon. Pero walang bunga ang puno kaya isinumpa ito ni Jesus. (Marcos 11:12-14) Makikita sa mapandayang hitsura ng punong iyon ang kalagayan noon ng bansang Israel. Sumasamba sila sa Diyos, pero ang totoo, wala silang pananampalataya. (Mateo 21:43) Di-nagtagal, natuyot ang puno ng igos. Ipinapakita nito ang mangyayari noon sa bansang Israel.—Marcos 11:19-21.
Pero sigurado si Jesus na magkakaroon ang mga tagasunod niya ng pananampalatayang kailangan nila para makayanan ang mga hamon at makagawa ng kamangha-manghang mga bagay. (Marcos 11:22, 23) Tamang-tama ang payo ni Jesus tungkol sa panalangin kasi di-magtatagal, masusubok ang pananampalataya ng mga tagasunod niya. Mamamatay si Jesus at titindi ang pag-uusig sa kanila kaya kailangan nilang harapin iyon. (Lucas 24:17-20; Gawa 5:17, 18, 40) Sa ngayon, kung may pananampalataya sa Diyos at sa kapangyarihan ng panalangin ang mga tagasunod ni Jesus, makakayanan din nila ang anumang hamon sa buhay.—Santiago 2:26.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Marcos.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”