PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Efeso 3:20—“Makakagawa [ang Diyos] Nang Higit Pa Kaysa Maaari Nating Hilingin at Isipin”
“Sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa atin ng Diyos, magagawa niya ang mga bagay na di-hamak na nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin. Kaya sumakaniya nawa ang kaluwalhatian.”—Efeso 3:20, 21, Bagong Sanlibutang Salin.
“Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; sa kanya nawa ang kaluwalhatian.”—Efeso 3:20, 21, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Efeso 3:20
Sinasabi ni apostol Pablo na nagtitiwala siya na kayang sagutin ng Diyos ang mga panalangin ng mga mananamba Niya. Kaya Niyang ibigay ang mga inaasahan nila sa mga paraan na sa tingin nila ay imposible. Puwede pa ngang mas nakakahigit sa iniisip o inaasahan nila ang sagot Niya.
“Sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa atin ng Diyos.” Itinuturo sa atin ng talata 21 na ang Diyos na Jehova ang nagbibigay ng kapangyarihan. a Sinabi doon ni Pablo: “Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kongregasyon at ni Kristo Jesus.” Kaya rin tayong bigyan ng Diyos ng kapangyarihan, o lakas, na kailangan natin para magawa ang kalooban niya.—Filipos 4:13.
Sa talata 20, may idiniin si apostol Pablo tungkol sa kakayahan ni Jehova na tulungan ang mga mananamba Niya. Tungkol sa mga salitang ‘sa pamamagitan ng kapangyarihan’ at sa ipinapakita nitong kakayahan ni Jehova, sinabi ng isang reperensiya: “Hindi lang sinasabi ng talatang ito na kayang gawin ng Diyos ang isang bagay o na posibleng gawin niya iyon. Sinasabi nito na may kapangyarihan talaga siyang gawin ito.” May mga kaibigan tayo na gusto tayong tulungan, pero hindi nila tayo kayang tulungan sa lahat ng pagkakataon o may mga bagay na hindi nila kayang gawin. Pero si Jehova, kaya niyang gawin ang lahat ng bagay sa lahat ng pagkakataon, para maalagaan ang mga mananamba niya at sagutin ang mga panalangin nila. Walang limitasyon ang kapangyarihan at awtoridad niya.—Isaias 40:26.
“Magagawa [ng Diyos] ang mga bagay na di-hamak na nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin.” Kayang magbigay ni Jehova ng marami o sobrang dami pa nga para sa mga mananamba niya. Ang paraan niya ng pagtulong ay di-hamak na mas higit pa sa iniisip natin na sobra-sobra.
May idinidiin pa ang pananalitang “nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin.” Sa sinabi ni apostol Pablo na “nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin,” gusto niyang maintindihan ng lahat ng Kristiyano na kaya silang tulungan ng Diyos sa mga paraang hindi nila inaasahan. Ganito isinalin ng New International Version ang unang bahagi ng talata 20: “Ngayon sa isa na kayang gumawa ng ibayo pang higit sa lahat ng bagay na ating mahihingi o maiisip.” Minsan, baka maisip ng mga Kristiyano na napakalaki o napakahirap ng mga problema nila. Baka hindi nga nila alam kung ano ang sasabihin nila sa panalangin. Pero nauunawaan at nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay at kaya niya silang tulungan. Sa tamang panahon na iniisip ng Diyos, sosolusyunan niya ang lahat ng problema at gagawin niya ito sa paraan na parang imposible sa atin. (Job 42:2; Jeremias 32:17) Pero sa ngayon, binibigyan niya sila ng lakas para makapagtiis nang masaya!—Santiago 1:2, 3.
Konteksto ng Efeso 3:20
Ang aklat ng Efeso ay isinulat ni apostol Pablo para sa mga Kristiyano na nakatira sa lunsod ng Efeso sa Asia Minor, na bahagi ng Turkey ngayon. Mababasa sa liham na ito ang panalangin niya para sa kanila. (Efeso 3:14-21) Ipinanalangin niya na tularan sana nila—at ng lahat ng Kristiyano—ang pag-ibig ng Kristo sa paraan ng pag-iisip nila at pagkilos. Sa dulo ng panalangin ni Pablo, pinuri niya ang Diyos gaya ng mababasa natin sa Efeso 3:20, 21.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Efeso.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”