Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Colosas 3:23—“Anuman ang Inyong Ginagawa, Gawin Ninyo Nang Buong Puso”

Colosas 3:23—“Anuman ang Inyong Ginagawa, Gawin Ninyo Nang Buong Puso”

 “Anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na parang kay Jehova kayo naglilingkod at hindi sa mga tao.”​—Colosas 3:23, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao.”​—Colosas 3:23, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng Colosas 3:23

 Kailangang maging masipag ang isang Kristiyano sa pagtatrabaho kasi konektado ang pananaw niya sa trabaho sa pagsamba niya sa Diyos na Jehova.

 “Anuman ang inyong ginagawa.” Kung gustong sambahin ng isang tao si Jehova, kailangang makita sa lahat ng ginagawa niya na sinusunod niya ang sinasabi ng Bibliya. Lagi niyang sinisikap na maging masipag, tapat, at mapagkakatiwalaan sa bahay, sa trabaho, at sa paaralan.​—Kawikaan 11:13; Roma 12:11; Hebreo 13:18.

 “Gawin ninyo nang buong puso.” Ang pananalitang “nang buong puso” ay galing sa pananalitang Griego na “tumutukoy sa determinasyon ng isang tao na gawin ang kalooban ng Diyos sa abot ng makakaya niya.” a

 Kaya kapag may ginagawa siya, ginagamit niya ang buong lakas niya at mental na mga abilidad para magawa niya ito nang mahusay. “Buong puso” rin ang ginamit sa ibang salin ng Bibliya.​—Tingnan ang “ Iba Pang Salin ng Colosas 3:23.”

 “Kay Jehova kayo naglilingkod, at hindi sa mga tao.” Sineseryoso ng mga Kristiyano ang anumang ginagawa nila dahil alam nila na may epekto ito sa kaugnayan nila sa Diyos na Jehova. Pangunahin sa kanila na pasayahin siya, kaysa amo nila o iba pang tao. Kapag masipag at mahusay ang isang Kristiyano sa ginagawa niya, magiging maganda ang tingin ng mga tao sa kaniya at sa Diyos na sinasamba niya. Kaya ginagawa ng isang Kristiyano ang lahat ng makakaya niya “para hindi mapagsalitaan ng masama ang pangalan ng Diyos.”​—1 Timoteo 6:1; Colosas 3:22.

Konteksto ng Colosas 3:23

 Isinulat ni apostol Pablo ang aklat ng Colosas para sa mga Kristiyano na nakatira sa lunsod ng Colosas. b Malamang na isinulat niya ito bago siya mapalaya sa unang pagkakabilanggo niya sa Roma noong mga 60-61 C.E.

 May mga payo ang Colosas para tulungan ang mga Kristiyano na sama-samang sambahin ang Diyos anuman ang kanilang pinagmulan o kalagayan sa buhay. (Colosas 3:11) Pinapasigla sila nito na maipakita ang mga katangian ng Diyos, gaya ng pag-ibig, kabaitan, at awa. (Colosas 3:12-14) Ipinapaliwanag din nito kung paano dapat makaapekto sa buhay ng isang tao ang pagsamba niya sa Diyos.​—Colosas 3:18–4:1.

 Iba Pang Salin ng Colosas 3:23

 “Anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao.”​—Ang Bibliya, Bagong Salin sa Pilipino.

 “Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao.”​—Ang Biblia

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Colosas.

a Mula sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1993, Tomo 3, pahina 502.

b Makikita ngayon sa Turkey.