Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Wala Akong Kaibigan?

Bakit Wala Akong Kaibigan?

Tinitingnan mo sa Internet ang mga naka-post na picture ng isang party kamakailan. Naroon lahat ng kaibigan mo, at masayang-masaya sila. Pero may isang kulang​—ikaw!

‘Bakit kaya hindi ako inimbitahan?’ ang tanong mo.

Mayamaya, sumamâ na ang loob mo. Pakiramdam mo’y pinagkaisahan ka! Sa isang iglap, parang biglang nasira ang pagkakaibigan ninyo. Lungkot na lungkot ka, at naitanong mo, ‘Bakit wala akong kaibigan?’

 Quiz tungkol sa kalungkutan

Tama o Mali

  1. Kung marami kang kaibigan, hindi ka na malulungkot.

  2. Kung kasali ka sa isang social network, hindi ka na malulungkot.

  3. Kung lagi kang magte-text, hindi ka na malulungkot.

  4. Kung gagawa ka ng mabuti para sa iba, hindi ka na malulungkot.

Ang sagot sa apat na ito ay mali.

Bakit?

 Ang katotohanan tungkol sa pakikipagkaibigan at kalungkutan

  • Ang pagkakaroon ng maraming kaibigan ay di-garantiya na hindi ka na malulungkot.

    “May malasakit ako sa mga kaibigan ko, pero kung minsan, parang wala naman silang malasakit sa ’kin. Ang pinakamalungkot sa lahat ay y’ong kasama mo ang mga kaibigan mo pero parang wala naman silang pakialam sa ’yo.”​—Anne.

  • Ang pagsali sa isang social network ay di-garantiya na hindi ka na malulungkot.

    “May mga taong nangongolekta ng friends na parang nangongolekta ng pigurin. Pero punuin mo man ng koleksiyon ang kuwarto mo, hindi ka pa rin makakaramdam ng pagmamahal. Kung wala kayong matibay na samahan, ang mga online friend ay walang ipinagkaiba sa mga walang-buhay na pigurin.”​—Elaine.

  • Ang maya’t mayang pagte-text ay di-garantiya na hindi ka na malulungkot.

    “Kung minsan kapag nalulungkot ka, lagi mong tinitingnan ang phone mo kung may nag-text sa ’yo. At kung wala, lalo ka pang malulungkot!”​—Serena.

  • Ang paggawa ng mabuti sa iba ay di-garantiya na hindi ka na malulungkot.

    “Mabait ako sa mga kaibigan ko, pero napansin kong hindi naman sila gano’n sa ’kin. Hindi ko naman pinagsisisihan ang mga kabaitang ’pinakita ko sa kanila, nagtataka lang ako kung bakit hindi gano’n ang trato nila sa ’kin.”​—Richard.

Tandaan: Higit sa lahat, ang kalungkutan ay isang kalagayan ng isip. “Nanggagaling ’yon sa iyo, hindi sa iba,” ang sabi ng kabataang si Jeanette.

Ano ang puwede mong gawin kung pakiramdam mo’y wala kang kaibigan at nalulungkot ka?

 Kung paano madaraig ang kalungkutan

Magkaroon ng tiwala sa sarili.

“Ang kalungkutan ay puwedeng dahil sa pagiging insecure. Mahirap makipagkaibigan kung ikaw mismo ang nag-iisip na hindi ka magugustuhan ng iba.”​—Jeanette.

Sabi ng Bibliya: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Galacia 5:14) Kung gusto nating maging maganda ang pakikipagsamahan natin sa mga kaibigan, kailangang may pagpapahalaga tayo sa sarili​—pero siyempre, hindi naman sobra-sobra.​—Galacia 6:3, 4.

Huwag mag-self-pity.

“Ang kalungkutan ay parang kumunoy. Habang nagtatagal ka rito, lalo kang hindi makakaalis. Kung lagi kang nagse-self-pity, wala nang gugustong makipagkaibigan sa ’yo at lalo kang malulungkot.”​—Erin.

Sabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Ang totoo, kapag masyado tayong nakapokus sa sarili, hindi na tayo nagiging mapagmalasakit sa iba at baka wala nang makipagkaibigan sa atin. (2 Corinto 12:15) Aminin: Kung ang tagumpay mo ay iniaasa mo sa ikinikilos ng iba, siguradong mabibigo ka! Kapag sinasabi mong “Wala man lang tumatawag sa akin” o “Wala man lang nagyayaya sa akin,” iniaasa mo sa iba ang kaligayahan mo. Gusto mo ba iyon?

Huwag makipagkaibigan sa kahit sino na lang.

“Ang mga taong nalulungkot ay naghahanap ng atensiyon, at kung minsan, hindi na importante sa kanila kung kanino ito galing. Gusto lang nilang madama na gusto sila. Pero may mga taong magpapadama sa iyo na gusto ka nila, kaso, gagamitin ka lang nila. At lalo kang malulungkot.”​—Brianne.

Sabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Kapag gutóm ang isa, kahit ano ay kakainin niya. Ganiyan din ang mga taong sabik sa kaibigan. Kahit sino ay kakaibiganin nila. Madali pa nga silang maging target ng mga mapagsamantala, anupat iniisip na normal lang ang gayong pagtrato at na iyon lang ang nararapat sa kanila.

Konklusyon: Lahat tayo ay nalulungkot paminsan-minsan; iba-iba nga lang ang antas. At bagaman nakapanghihina ng loob ang kalungkutan, ang totoo, damdamin lang iyon. Ang damdamin natin ay kadalasan nang nanggagaling sa ating isip, at puwede nating kontrolin ang ating iniisip.

Maging makatotohanan din sa mga inaasahan mo sa iba. “Hindi lahat ng tao, puwede mong maging best friend forever,” ang sabi ni Jeanette, na nabanggit kanina, “pero may makikilala kang mga tao na magmamalasakit sa iyo. At kapag may nagmamalasakit sa ’yo, sapat na ’yon para huwag kang malungkot.”

Kailangan mo ba ng higit pang tulong? Basahin ang “ Daigin ang Takot sa Pakikipagkaibigan.” I-download din ang PDF na “Pagharap sa Kalungkutan.”