TANONG NG MGA KABATAAN
Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 2: Paghahanda Para sa Bautismo
Kung sinusunod mo na ang mga pamantayan sa Bibliya at nagsisikap na maging kaibigan ng Diyos, natural lang na pinag-iisipan mo na ang pagpapabautismo. Paano mo malalaman na handa ka na? a
Sa artikulong ito
Sapat na ba ang alam ko?
Kapag naghahanda ka para sa bautismo, hindi mo kailangang mag-memorize ng mga impormasyon, gaya ng ginagawa ng isang tao para makapasa sa exam. Ang kailangan mong gawin ay gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” para maging kumbinsido ka na talagang totoo ang itinuturo ng Bibliya. (Roma 12:1) Halimbawa:
Kumbinsido ka bang may Diyos at na dapat mo siyang sambahin?
Sinasabi ng Bibliya: “Ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya ay umiiral at nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.”—Hebreo 11:6.
Tanungin ang sarili: ‘Bakit ako naniniwala sa Diyos?’ (Hebreo 3:4) ‘Bakit dapat ko siyang sambahin?’—Apocalipsis 4:11.
Baka makatulong ito: Basahin ang “Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 1: Bakit Dapat Maniwala sa Diyos?”
Kumbinsido ka bang mula sa Diyos ang mensahe ng Bibliya?
Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, pagsaway, pagtutuwid, at pagdidisiplina ayon sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16.
Tanungin ang sarili: ‘Bakit ako naniniwala na ang nilalaman ng Bibliya ay hindi mula sa tao?’—Isaias 46:10; 1 Tesalonica 2:13.
Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Makakatulong sa Akin ang Bibliya?—Bahagi 1: Basahin ang Iyong Bibliya.”
Kumbinsido ka bang ginagamit ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano para gawin ang kalooban niya?
Sinasabi ng Bibliya: “Sumakaniya [sa Diyos] nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kongregasyon at ni Kristo Jesus, sa lahat ng henerasyon magpakailanman.”—Efeso 3:21.
Tanungin ang sarili: ‘Ano ang tingin ko sa mga natututuhan ko sa Kristiyanong pagpupulong—mula sa tao o mula kay Jehova?’ (Mateo 24:45) ‘Dumadalo ba ako sa pulong kahit hindi makakadalo ang mga magulang ko (kung payag naman sila)?’—Hebreo 10:24, 25.
Baka makatulong ito: Basahin ang “Bakit Magandang Dumalo sa mga Pulong sa Kingdom Hall?”
Ano’ng dapat kong gawin?
Hindi mo kailangang maging perpekto para mabautismuhan. Pero dapat makita sa iyo na gusto mo talagang “talikuran . . . ang masama at gawin ang mabuti.” (Awit 34:14) Halimbawa:
Sinusunod mo ba ang mga pamantayan ni Jehova?
Sinasabi ng Bibliya: “Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo.”—1 Pedro 3:16.
Tanungin ang sarili: ‘Naipapakita ko ba na ang kakayahan kong umunawa ay nasanay nang makakilala ng tama at mali?’ (Hebreo 5:14) ‘May pagkakataon na bang nakapanindigan ako sa panggigipit ng mga kasama ko? Natutulungan ba ako ng mga napili kong kaibigan na gawin ang tama?’—Kawikaan 13:20.
Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Ko Sasanayin ang Konsensiya Ko?”
Naiintindihan mo bang may pananagutan ka sa mga ginagawa mo?
Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:12.
Tanungin ang sarili: ‘Honest ba ako sa sarili ko at sa iba?’ (Hebreo 13:18) ‘Inaamin ko ba ang pagkakamali ko? O itinatago ko iyon o sinisisi ang iba?’—Kawikaan 28:13.
Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Ko Haharapin ang Aking mga Pagkakamali?”
Sinisikap mo bang makipagkaibigan kay Jehova?
Sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Tanungin ang sarili: ‘Ano’ng ginagawa ko para mapalapít kay Jehova?’ Halimbawa, ‘Gaano ako kadalas magbasa ng Bibliya?’ (Awit 1:1, 2) ‘Regular ba akong nananalangin?’ (1 Tesalonica 5:17) ‘Espesipiko ba akong manalangin? Kaibigan ba ni Jehova ang mga kaibigan ko?’—Awit 15:1, 4.
Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Makakatulong sa Akin ang Bibliya?—Bahagi 2: Kung Paano Mag-e-enjoy sa Pagbabasa ng Bibliya” at “Bakit Kailangan Kong Manalangin?”
TIP: Para makapaghanda sa bautismo, basahin ang kabanata 37 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2. Gawin ang worksheet sa pahina 308 at 309.
a Basahin ang artikulong “Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 1,” na tungkol sa kahulugan at kahalagahan ng pag-aalay sa Diyos at pagpapabautismo.