Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Hindi Dapat Gayahin ang Image na Ipinakikita sa Media?—Bahagi 2: Para sa mga Lalaki

Bakit Hindi Dapat Gayahin ang Image na Ipinakikita sa Media?—Bahagi 2: Para sa mga Lalaki

Ano bang image ng mga tin-edyer ang ipinakikita sa media?

 Tingnan ang mga salitang ito, at saka sagutin ang kasunod na mga tanong.

Kolum 1

Kolum 2

Rebelde

Magalang

Makasarili

Maalalahanin

Sigà

Makonsiderasyon

Tamad

Masipag

Pabaya

Responsable

Madaya

Tapat

  1. Alin sa mga iyan ang madalas na ipinakikitang image ng mga tin-edyer na lalaki sa media (pati na sa pelikula, TV, at advertisement)?

  2. Alin sa mga iyan ang gusto mong maging reputasyon mo?

Malamang na ang sagot mo sa unang tanong ay mula sa kolum 1 at mula naman sa kolum 2 ang sagot mo sa ikalawang tanong. Kung oo, mabuti iyan. Bakit? Dahil ang image ng mga tin-edyer na ipinakikita sa media ay malamang na hindi naman talaga ikaw—o ang uri ng pagkataong gusto mo. Tingnan kung bakit.

  • Sa media, ang mga lalaki ay madalas na ipinakikitang marahas at rebelde. Ayon sa aklat na Why Boys Don’t Talk—and Why It Matters, ang pinakasikat na mga lalaki sa TV, pelikula, at isport ay “malalaki ang katawan at mainitin ang ulo. . . . Kapag ang isa ay sigà at rebelde, cool siya.”

    Pag-isipan: Ikaw ba ay magiging isang mabuting kaibigan, katrabaho, o asawa kung mainitin ang ulo mo? Kapag nagagalit ka, alin ang mas nanaig sa iyo—ilabas ang galit mo o kontrolin ito? Alin dito ang magpapakitang isa kang tunay na lalaki?

    Sabi ng Bibliya: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.”—Kawikaan 16:32.

    Kapag kinokontrol mo ang iyong galit, mas malakas ka pa kaysa sa isang mandirigma

  • Sa media, ang mga lalaki ay ipinakikitang mahilig sa sex. “Sa pelikula at sa TV, ang mga lalaki ay mas madalas magpalit ng girlfriend kaysa sa magpalit ng damit,” ang sabi ng 17-anyos na si Chris. At sinabi pa ni Gary, 18 anyos, “Ang tipikal na lalaki sa media ay mahilig sa sex.” Halimbawa, sa ilang pelikula, para bang wala nang ibang gustong gawin ang mga lalaki kundi ang mag-party, uminom, at makipag-sex.

    Pag-isipan: Ang image bang iyan ang gusto mong maging reputasyon mo? Tinatrato ba ng isang tunay na lalaki ang mga babae na parang mga sex object lang, o iginagalang niya sila?

    Sabi ng Bibliya: “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso.”—1 Tesalonica 4:4, 5.

  • Sa media, ang mga lalaki ay ipinakikitang iresponsable. Sa maraming popular na pelikula at palabas sa TV, ang mga tin-edyer na lalaki ay madalas na ipinakikitang tamad at walang abilidad. Iyan siguro ang dahilan kung bakit walang gaanong tiwala ang mga adulto sa kakayahan ng mga tin-edyer. Sinabi ni Gary, na binanggit kanina: “No’ng mag-16 ako, nahirapan akong makakuha ng trabaho dahil puro babae lang ang kinukuha ng mga negosyante sa lugar namin. Iniisip kasi nilang iresponsable o di-mapagkakatiwalaan ang lahat ng tin-edyer na lalaki!”

    Pag-isipan: Patas ba ang ipinakikitang image na iyan ng mga tin-edyer na lalaki? Paano mo maipakikitang naiiba ka?

    Sabi ng Bibliya: “Huwag hamakin ng sinumang tao ang iyong kabataan. Sa halip, sa mga tapat ay maging halimbawa ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”—1 Timoteo 4:12.

Ang dapat mong malaman

  •   Ang media ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensiya sa iyo. Halimbawa, maaari kang maimpluwensiyahan ng media na kailangan mong sumunod sa uso para maging popular. “Ipinakikita sa mga advertisement kung ano ang dapat isuot ng mga lalaki at ipinakikitang pinagkakaguluhan sila ng mga babae,” ang sabi ng 17-anyos na si Colin. “Kaya naman napapabili ang isang tao ng gano’ng mga damit. At ilang beses kong ginawa ’yon!”

    Pag-isipan: Ipinakikita ba ng pananamit mo kung sino ka talaga, o may ginagaya ka lang? Sino talaga ang nakikinabang kapag gumagastos ka para makasunod sa uso?

    Sabi ng Bibliya: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.”—Roma 12:2.

  • Baka lalo ka pa ngang di-pansinin ng mga babae kapag ginagaya mo ang image na ipinakikita sa media. Tingnan natin ang sinabi ng ilan sa kanila:

    • “Ang gusto ko sa isang lalaki, y’ong nagpapakatotoo at hindi y’ong nagpapapansin lang at nagpapakitang gilas. Sa totoo lang, kapag masyadong nagpapa-impress ang isang lalaki, lalo siyang nagmumukhang katawa-tawa!”—Anna.

    • “Dahil sa mga advertisement, iniisip ng mga lalaki na dapat silang magkaroon ng ilang gadyet o sumunod sa isang istilo para magustuhan sila ng mga babae. Pero habang nagkakaedad ang mga babae, hindi na iyon mahalaga sa kanila. Sa halip, ang tinitingnan na nila ay ang pagkatao ng isang lalaki at kung paano siya makitungo sa iba. Halimbawa, gusto ng mga babae ang mga lalaking tapat at maalalahanin.”—Danielle.

    • “Karaniwan nang mayabang ang isang guwapo, at ayokong makasama ang gano’ng tao. Maaaring ikaw na ang pinakaguwapo sa buong mundo, pero pangit ka pa rin kung hindi maganda ang ugali mo.”—Diana.

    Pag-isipan: Nang ilarawan ang batang si Samuel, sinabi sa Kasulatan na siya ay “lumalaki at nagiging higit na kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.” (1 Samuel 2:26) Anong mga katangian ang kailangan mo para magkaroon ng gayong reputasyon?

    Sabi ng Bibliya: “Magpakalalaki kayo.”—1 Corinto 16:13.

Ang puwede mong gawin

  •   Huwag maging sunud-sunuran sa media. Pansinin ang sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.”—1 Juan 2:16.

    Sinasamantala ng media ang mga pagnanasang iyan at ipinakikitang normal lang ang mga ito. Kaya huwag maging sunud-sunuran sa mga nakikita mo. Karaniwan nang iniimbento lang iyan ng mga negosyanteng gustong kumita.

  • Bumuo ng sariling pagkatao. Sinasabi ng Bibliya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito”—hindi ayon sa larawan, o image, na pinauuso ng media.—Colosas 3:10.

    Para makasunod sa payong iyan, tingnan ulit ang mga katangiang pinili mo sa pasimula ng artikulong ito—mga katangiang gusto mong maging reputasyon mo. Puwede mo nang simulang ipakita o pasulungin ang mga ito.

  • Humanap ng magagandang huwaran. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 13:20) Sino sa mga kakilala mong lalaki ang nagpapakita ng karunungan? Baka ang ilan dito ay kapamilya mo, gaya ng iyong tatay o uncle. Puwede ring mga may-gulang na kaibigan mo o kakilala. Maraming kapuri-puring lalaki sa loob ng kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Sa Bibliya mismo ay may mababasang magagandang huwaran, gaya ni Tito, na puwedeng tularan ng mga kabataan.—Tito 2:6-8.

    Mungkahi: Gamitin ang aklat na Tularan ang Kanilang Pananampalataya at alamin ang tungkol sa mga halimbawa sa Bibliya ng huwarang mga lalaki, kasama na sina Abel, Noe, Abram, Samuel, Elias, Jonas, Jose, at Pedro.