Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

May Masama Ba sa Flirting?

May Masama Ba sa Flirting?

 Ano ba ang flirting?

Para sa ilan, ang flirting ay ang pagpapahiwatig, sa salita o kilos, na may gusto ka sa isang di-kasekso. Masama bang ipakita na mayroon kang romantikong interes sa isang tao? Hindi naman. “Kung nasa kalagayan ka nang makipag-date at may gusto ka sa isang tao,” ang sabi ng dalagang si Ann, “paano mo pa malalaman kung may gusto rin siya sa ’yo?”

Pero sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang uri ng flirting kung saan kumikilos ang isa na parang may gusto siya sa isang tao pero hindi naman talaga seryoso ang kaniyang intensiyon.

“Ayos lang na magpakita ng espesyal na atensiyon sa isang tao dahil gusto mong maging kayo. Pero ibang usapan na kapag pinapaasa mo ang isang tao ’tapos bigla ka na lang mawawala dahil hindi ka naman pala seryoso.”​—Deanna.

 Bakit ginagawa ito ng iba?

May mga taong nagpi-flirt para lang gumanda ang tingin nila sa sarili. “Kapag nakita mo na napapansin ka sa ganoong paraan, baka hanap-hanapin mo iyon,” ang sabi ng dalagang si Hailey.

Pero kung sinasadya mong magpahiwatig na may gusto ka sa isang tao pero sa totoo ay wala naman, ipinapakita mong manhid ka at walang malasakit sa damdamin niya. Makukuwestiyon din ang iyong kakayahang magpasiya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay kasayahan niyaong kapos ang puso.”—Kawikaan 15:21.

Kaya naman, sinabi ni Hailey, “Sa umpisa, parang katuwaan lang ang pakikipag-flirt, pero kadalasan sa bandang huli, may masasaktan.”

 Ano ang mga panganib?

  • Ang flirting ay makakasira sa iyong reputasyon.

    “Ang taong flirt ay mukhang insecure at immature. Ramdam mong hindi siya totoo kasi may kailangan lang siya sa ’yo.”​—Jeremy.

    Sinasabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Corinto 13:4, 5.

    Pag-isipan ito: Sa anong mga pananalita o pagkilos ka maaaring makilala bilang flirt?

  • Ang flirting ay nakakasakit sa taong pinapaasa mo.

    “Kapag may nakilala akong mahilig mag-flirt, gusto ko siyang iwasan. Para bang kinakausap lang niya ako kasi babae ako. Wala naman talagang malasakit sa ’kin ang mga nagpi-flirt; gusto lang nilang tumaas ang tingin nila sa kanilang sarili.”​—Jaqueline.

    Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”—1 Corinto 10:24.

    Pag-isipan ito: May nagpaasa na ba sa iyo, pero hindi naman pala siya seryoso? Kung oo, ano ang nadama mo? Paano mo maiiwasang makasakit sa iba sa ganoong paraan?

  • Ang flirting ay makakasira sa iyong tsansang makahanap ng tunay na pag-ibig.

    “Talagang walang gustong magpakasal o makipag-date man lang sa isang flirt. Paano ko makikilala nang husto o mapagkakatiwalaan ang isang tao kung palabas lang ang lahat?”​—Olivia.

    Sa Bibliya, sinabi ng salmistang si David: “Hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.”—Awit 26:4.

    Pag-isipan ito: Anong uri ng tao ang magkakagusto sa mga flirt? Ganiyan ba ang taong gusto mong magkagusto sa iyo?