Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ako Mapapasiglang Mag-ehersisyo?

Paano Ako Mapapasiglang Mag-ehersisyo?

 Bakit dapat akong mag-ehersisyo?

Sa ilang lupain, hindi gaanong naglalaan ng panahon ang mga kabataan para mag-ehersisyo, at makakasamâ ito sa kalusugan nila. May mabuting dahilan ang Bibliya na sabihing may “pakinabang sa pisikal na pagsasanay.” (1 Timoteo 4:8) Pag-isipan ang mga sumusunod:

  • Ang pag-eehersisyo ay makapagpapaganda ng pakiramdam mo. Habang nag-eehersisyo ka, naglalabas ang katawan mo ng mga endorphin—mga kemikal sa utak na nakapagpaparelaks at nakapagpapasaya. Tinatawag ng ilan ang ehersisyo bilang likas na panlaban sa depresyon.

    “Kapag tumatakbo ako sa umaga, nagiging mas produktibo at kasiya-siya ang araw ko. Mas maganda ang pakiramdam ko at mas masaya ako.”Regina.

  • Ang pag-eehersisyo ay tumutulong na maging maaliwalas ang mukha mo. Ang katamtamang pag-eehersisyo ay tumutulong para lumakas ka, gumanda ang katawan mo, at malamang na mas magkaroon ka ng kumpiyansa sa sarili.

    “Ang saya-saya ko dahil nagagawa ko nang mag-chin-up nang 10 beses. Noong nakaraang taon, hindi ko ito magawa kahit isang beses lang! Higit sa lahat, alam kong inaalagaan ko ang katawan ko.”—Olivia.

  • Ang pag-eehersisyo ay makapagpapahaba ng buhay. Kapag aktibo ka, nakikinabang ang cardiovascular at respiratory system mo. Nakakatulong din ang aerobic exercise para hindi ka magkaroon ng sakit sa puso—isang pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga lalaki at babae.

    “Kapag mayroon tayong sinusunod na iskedyul sa pag-eehersisyo, ipinapakita natin sa ating Maylalang na pinahahalagahan natin ang katawang ibinigay niya sa atin.”—Jessica.

Tandaan: Talagang may malaking pakinabang sa pag-eehersisyo, hindi lang ngayon, kundi pati sa hinaharap. “Kahit kailan hindi mo sasabihin, ‘Sana hindi ako nag-hiking o tumakbo,’” ang sabi ng kabataang si Tonya. “Kapag nagsisikap akong mag-ehersisyo, hindi ko iyon pinagsisisihan.”

Ang isang kotseng pinabayaan ay hindi na gagana sa bandang huli; ganiyan din ang mangyayari sa katawan mo kung hindi ka mag-eehersisyo

 Ano ang nakakahadlang sa akin?

Ito ang ilang posibleng hadlang:

  • Walang ganang mag-ehersisyo. “Tingin ko, iniisip ng mga tao na malusog sila kasi bata pa sila. Ang hirap isiping magkakasakit ka. At iniisip mong matatanda lang ang nagkakasakit.”—Sophia.

  • Walang panahon. “Dahil marami akong ginagawa, kailangan kong magtakda ng panahon para sa pagkain at pagtulog, pero mas mahirap maglaan ng panahon para sa pag-eehersisyo.”—Clarissa.

  • Hindi miyembro ng gym. “Kung gusto mong mag-gym para manatiling maganda ang katawan mo, malaki ang magagastos mo!”—Gina.

Pag-isipan:

Ano ang talagang nakakahadlang sa iyo na mag-ehersisyo? Kailangan ang pagsisikap para mapagtagumpayan iyan, pero sulit naman ito.

 Paano ako makapag-eehersisyo?

Narito ang ilang mungkahi:

  • Huwag iasa sa iba ang pangangalaga sa iyong kalusugan.—Galacia 6:5.

  • Iwasang magdahilan. (Eclesiastes 11:4) Halimbawa, hindi mo kailangang magpamiyembro sa gym para lang makapag-ehersisyo. Mag-isip ng ehersisyong nagugustuhan mo at gawin ito nang regular.

  • Para magkaideya ka, tanungin ang iba kung paano sila nag-eehersisyo.—Kawikaan 20:18.

  • Magkaroon ng espesipikong iskedyul. Magtakda ng mga tunguhin at isulat ang mga resulta nito para hindi ka mawalan ng gana.—Kawikaan 21:5.

  • Maghanap ng makakasama mo sa pag-eehersisyo. Kung makakahanap ka ng isang kaibigan na regular mong makakasama sa pag-eehersisyo, mapapasigla ka niyang magpatuloy sa paggawa nito.—Eclesiastes 4:9, 10.

  • Asahang may pagkakataong mawawalan ka ng ganang mag-ehersisyo, pero huwag sumuko.—Kawikaan 24:10.

 Maging balanse

Sinasabi ng Bibliya na dapat magkaroon ng “kontrol sa . . . paggawi” ang mga lalaki at babae. (1 Timoteo 3:2, 11) Kaya maging balanse pagdating sa pag-eehersisyo. Kadalasan nang hindi maganda ang resulta ng sobra-sobrang pag-eehersisyo. “Kung puro muscle ang isang lalaki pero kulang naman sa talino, hindi ako naa-attract sa kaniya,” ang sabi ng kabataang si Julia.

Mag-ingat sa mga islogan na magtutulak sa iyong gawin ang mga bagay na hindi na makakabuti sa kalusugan mo. Ang gayong mga payo ay nakakasakit sa pisikal, at maililihis nito ang pokus mo sa “mas mahahalagang bagay.”—Filipos 1:10.

Isa pa, posibleng iba ang maging epekto ng gayong mga islogan. Ganito ang napansin ng kabataang si Vera: “Maraming babae ang nangongolekta ng mga larawan ng mga gusto nilang tularan. Tinitingnan nila ang mga ito kapag nasisiraan na sila ng loob. Pero sa bandang huli, naikukumpara nila ang sarili nila sa mga taong iyon at nadidismaya lang sila. Mas okey kung ang tunguhin mo ay gumanda ang kalusugan mo, hindi lang ang hitsura mo.”