Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Makakasundo ang mga Magulang Ko?

Paano Ko Makakasundo ang mga Magulang Ko?

 Quiz

  • Sino ang mas madalas mong makaaway?

    • Tatay

    • Nanay

  • Gaano kadalas kayo mag-away?

    • Bihira

    • Paminsan-minsan

    • Madalas

  • Gaano katindi ang inyong pag-aaway?

    • Naaayos ito agad sa mapayapang paraan.

    • Naaayos naman ito pagkatapos ng mahabang pagtatalo.

    • Hindi ito naaayos—kahit pagkatapos ng mahabang pagtatalo.

Kung parang hindi kayo magkasundo ng mga magulang mo, baka isipin mong sila ang kailangang magbago. Pero gaya ng makikita natin, mayroon kang puwedeng gawin para mabawasan ang inyong pagtatalo. Una, pag-isipan . . .

 Kung bakit kayo nagtatalo

  • Kakayahang mag-isip. Habang lumalaki ka, mas nagiging palaisip ka sa mga bagay-bagay. Nagkakaroon ka na rin ng mga prinsipyo, at baka ang ilan sa mga ito ay salungat sa pananaw ng mga magulang mo. Pero sinasabi ng Bibliya: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.”—Exodo 20:12.

    Tandaan: Kailangan ang pagiging matured at mahusay para makipagdiskusyon sa mapayapa at mahinahong paraan.

  • Kalayaan. Habang nagiging matured ka, malamang na bigyan ka ng mga magulang mo ng higit na kalayaan. Kaya lang, baka gusto mong ibigay nila ito agad sa iyo o gusto mo ng kalayaang higit sa kaya nilang ibigay sa iyo—at puwedeng mauwi iyan sa pagtatalo. Pero sinasabi ng Bibliya: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang.”—Efeso 6:1.

    Tandaan: Kadalasan, ang kalayaang ibibigay sa iyo ng mga magulang mo ay nakadepende sa paggamit mo sa kalayaang nasa iyo ngayon.

 Ang puwede mong gawin

  • Isipin ang iyong papel. Kapag nagtalo kayo, sa halip na ibunton ang sisi sa iyong mga magulang, isipin kung ano ang magagawa mo para magkaayos kayo. “Kung minsan, lumalaki ang pagtatalo n’yo, hindi dahil sa sinasabi ng mga magulang mo, kundi dahil sa reaksiyon mo,” ang sabi ng kabataang si Jeffrey. “Malaki ang magagawa ng pagiging mahinahon para magkaayos kayo.”

    Sabi ng Bibliya: “Hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo.”—Roma 12:18.

  • Makinig. “Para sa ’kin, napakahirap nitong gawin,” ang sabi ng 17-taóng-gulang na si Samantha. “Pero kapag nakikita ng mga magulang mo na nakikinig ka, makikinig din sila sa iyo.”

    Sabi ng Bibliya: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.

    Ang pagtatalo ay parang apoy—kapag pinabayaan, lalagablab ito at hindi mo na makokontrol

  • Isiping magkakampi kayo. Ituring ang pagtatalo na parang isang sport, gaya ng tennis. Pero ang kalaban mo ay ang problema, hindi ang iyong mga magulang. “Gusto ng mga magulang ang sa tingin nila’y makabubuti sa kanilang tin-edyer at gusto naman ng tin-edyer ang sa tingin niya ay makabubuti para sa kaniya,” ang sabi ng kabataang si Adam. “Kaya kahit paano, pareho sila ng tunguhin.”

    Sabi ng Bibliya: “Itaguyod . . . ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.”—Roma 14:19.

  • Maging maunawain. “Tandaan nating napapaharap din ang mga magulang natin sa mga problema, na kadalasa’y mas matitindi kaysa sa atin,” ang sabi ng tin-edyer na si Sarah. Higit pa rito ang sinabi ng kabataang si Carla. “Inilalagay ko ang aking sarili sa sitwasyon ng mga magulang ko,” ang sabi niya. “Ano kaya ang gagawin ko kung may anak ako at gano’n din ang sitwasyon ko? Ano kaya ang makabubuti sa anak ko?”

    Sabi ng Bibliya: “[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Filipos 2:4.

  • Maging masunurin. Iyan naman talaga ang hinihiling sa iyo ng Bibliya. (Colosas 3:20) At mas magiging madali ang mga bagay-bagay kung susunod ka. “Nababawasan ang stress ko basta’t sumusunod ako sa sinasabi ng mga magulang ko,” ang sabi ng kabataang si Karen. “Marami na silang isinakripisyo para sa ’kin, kaya ito lang ang magagawa ko para sa kanila.” Pagkamasunurin ang isa sa pinakamabisang solusyon sa pagtatalo!

    Sabi ng Bibliya: “Kung saan walang kahoy ay namamatay ang apoy.”—Kawikaan 26:20.

Tip. Kung nahihirapan kang makipag-usap sa iyong mga magulang, isulat o i-text ang iniisip mo. “Ginagawa ko ’yan kapag hindi ko kayang makipag-usap,” ang sabi ng tin-edyer na si Alyssa. “Sa ganitong paraan, nasasabi ko ang gusto ko nang hindi sumisigaw o nagsasalita ng bagay na pagsisisihan ko.”