Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Gaano Ako Karesponsable?

Gaano Ako Karesponsable?

 I-rate ang sarili!

  • Ako ay . . . laging, madalas na, paminsan-minsang, o hindi

    • tapat

    • maaasahan

    • nasa oras

    • masipag

    • maayos

    • matulungin

    • patas

    • magalang

    • mapagmalasakit

  •  Alin sa mga iyan ang masasabing pinakamagandang katangian mo?

    Patuloy mong ipakita ang katangiang iyon.—Filipos 3:16.

  •  Aling katangian ang kailangang-kailangan mong pasulungin?

Makatutulong sa iyo ang sumusunod na impormasyon.

 Ano ang ibig sabihin ng pagiging responsable?

Ginagampanan ng mga responsableng tao ang kanilang obligasyon sa bahay, paaralan, at komunidad. Alam nilang mananagot sila sa kanilang ginagawa. Kaya kapag nagkamali sila, inaamin nila iyon, humihingi ng paumanhin, at itinutuwid ang pagkakamali.

Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”—Galacia 6:5.

 Bakit dapat akong maging responsable?

 Ang responsableng tao ay may-katalinuhang gumagamit ng kaniyang mga abilidad kung kaya mas malamang na igalang siya, tratuhing parang adulto, at bigyan ng kalayaan at mga karapatan.

Sinasabi ng Bibliya: “Nakakita ka na ba ng taong dalubhasa sa kaniyang gawain? Sa harap ng mga hari siya tatayo.”—Kawikaan 22:29.

 Ang responsableng tao ay karaniwan nang bukas-palad kung kaya mas malamang na magkaroon siya ng mahuhusay na kaibigan.

Sinasabi ng Bibliya: “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo.”—Lucas 6:38.

 Ang responsableng tao ay nakadaramang may nagagawa siya na puwedeng ipagmalaki kung kaya nagkakaroon siya ng tiwala sa sarili.

Sinasabi ng Bibliya: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang.”—Galacia 6:4.

 Paano ako magiging mas responsable?

Para masagot iyan, tingnan ang sumusunod na mga komento. Alin sa mga ito ang kapareho ng nararamdaman mo?

“Ayokong tinatrato akong parang bata na kailangang laging magreport kina Mommy at Daddy kung nasa’n ako!”—Kerri.

“Walang kahirap-hirap magpaalam sa parents ko kapag gusto kong lumabas kasama ng mga kaibigan ko.”—Richard.

“Kapag nakikita ko ang nagagawa ng mga kaedad ko, naiisip ko, ‘Bakit kaya ako, hindi pinapayagan ng parents ko na gawin ’yon?’”—Anne.

“Karaniwan nang pinapayagan ako ng parents ko na gawin ang gusto ko. Nagpapasalamat ako sa kanila dahil sa kalayaang ibinibigay nila sa akin.”—Marina.

Ang punto: May mga kabataang binibigyan ng higit na kalayaan kaysa sa iba. Bakit kaya?

Tandaan: Ang kalayaang ibinibigay sa iyo ay kadalasan nang depende sa laki ng tiwala sa iyo ng mga magulang mo.

Halimbawa, tingnan ang sinabi ng dalawang kabataang binanggit kanina.

Richard: “Noong una, duda ang parents ko kung puwede na nila akong bigyan ng kalayaan. Pero ngayon, may tiwala na sila sa akin dahil naging responsable ako. Hindi ako nagsisinungaling kung saan ako pupunta o kung sino ang mga kasama ko. Sa katunayan, sinasabi ko sa kanila ang mga gagawin ko kahit hindi sila nagtatanong.”

Marina: “Dalawang beses lang akong nagsinungaling sa parents ko, at dalawang beses din akong nabisto. Mula noon, naging tapat na ako sa kanila. Halimbawa, lagi kong sinasabi ang mga ginagawa ko, at kung wala ako sa bahay, tinatawagan ko sila. Ngayon, mas tiwala na sila sa akin.”

Alin ang inuuna mo—trabaho sa bahay o paglilibang?

Gusto mo bang tratuhin kang gaya nina Richard at Marina? Kung gayon, suriin ang iyong sarili sa sumusunod na kalagayan:

BAHAY

  •  Lagi mo bang tinatapos ang gawaing iniatas sa iyo?

  •  Sinusunod mo ba ang curfew mo?

  • Iginagalang mo ba ang iyong mga magulang at kapatid?

Alin sa mga iyan ang kailangan mong pasulungin?

Sinasabi ng Bibliya: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang.”—Efeso 6:1.

EDUKASYON

  •  Tinatapos mo ba ang homework mo sa takdang panahon?

  •  Sinisikap mo bang mapataas ang grades mo?

  •  Maganda ba ang iyong mga kaugalian sa pag-aaral?

Alin sa mga iyan ang kailangan mong pasulungin?

Sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay pananggalang.” (Eclesiastes 7:12) Ang magandang edukasyon ay tutulong sa iyo na magkaroon ng karunungan.

REPUTASYON

  • Tapat ka ba sa iyong mga magulang at sa iba?

  •  Marunong ka bang humawak ng pera?

  • Maaasahan ka ba?

Alin sa mga iyan ang kailangan mong pasulungin?

Sinasabi ng Bibliya: “Magbihis ng bagong personalidad.” (Efeso 4:24) Puwede mong mapasulong ang iyong mga katangian at reputasyon.

Mungkahi: Pumili ng isang kalagayan na kailangan mong pasulungin. Kausapin ang iba na mahusay roon at humingi ng payo. Magsulat ng espesipikong mga paraan kung paano mo mapapasulong ang katangiang iyon, at subaybayan ang pagsulong mo sa loob ng isang buwan. Irekord sa isang notebook ang iyong mga pagsulong at problema. Tingnan ang naging pagsulong mo sa pagtatapos ng buwan.