MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Pang-amoy ng Aso
Ayon sa mga mananaliksik, ginagamit ng mga aso ang ilong nila para matukoy ang edad, kasarian, at mood ng ibang aso. Puwede pa nga silang sanayin para matukoy ang mga pampasabog at ilegal na droga. Kung mata ang pangunahing ginagamit ng mga tao para malaman ang nasa paligid nila, ilong naman ang ginagamit ng mga aso. “Nagbabasa” ang mga aso sa pamamagitan ng kanilang ilong.
Pag-isipan ito: Napakatalas ng pang-amoy ng aso—libo-libong ulit na mas mahusay kaysa sa pang-amoy natin. Ayon sa U.S. National Institute of Standards and Technology, kayang maamoy ng isang aso ang ilang napakaliliit na bahagi ng substansiyang nakahalo sa iba pang substansiya. Sinabi pa nito na “maihahalintulad ito sa isa na kayang malasahan ang sangkapat na kutsaritang asukal na inihalo sa tubig ng swimming pool na kasinlaki ng ginagamit sa Olympics.”
Bakit napakatalas ng pang-amoy ng aso?
Basâ ang ilong ng aso kaya napakadali nitong makalanghap ng amoy.
May dalawang daanan ng hangin ang ilong ng aso—ang isa ay para sa paghinga; ang isa naman, para sa pang-amoy. Kapag sumisinghot ang isang aso, napupunta ang hangin sa bahagi ng nasal cavity kung saan naroroon ang mga scent receptor o pang-amoy.
Ang bahagi ng ilong ng aso na ginagamit nito sa pang-amoy ay may sukat na 130 sentimetro kuwadrado o higit pa, samantalang ang sa tao ay 5 sentimetro kuwadrado lang.
Mas marami nang 50 ulit ang selula ng scent receptor ng isang aso kung ikukumpara sa tao.
Dahil sa mga ito, kayang matukoy ng aso ang iba’t ibang substansiyang bumubuo sa isang masalimuot na amoy. Halimbawa, ang naamoy lang natin ay sopas, pero ayon sa ilang eksperto, kayang ma-detect ng aso ang bawat sangkap ng resipi.
Sinasabi ng mga mananaliksik sa Pine Street Foundation, isang research institute para sa kanser, na nagtutulungan ang utak at ilong ng aso para maging “isa sa pinakamahuhusay na pan-detect ng amoy sa planetang ito.” Nag-iimbento ang mga siyentipiko ng elektronikong mga “ilong” na makaka-detect ng mga pampasabog, kontrabando, at sakit na gaya ng kanser.
Ano sa palagay mo? Ang pang-amoy ba ng aso ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?