MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Kakaibang Balat ng Pilot Whale
Malaking pahirap sa barko ang pagkapit dito ng mga taliptip at iba pang organismo sa dagat. Tinatawag itong biofouling. Dahil dito, bumabagal ang barko, mas maraming fuel ang nagagamit, at kailangan itong linisin nang regular pagkaraan ng ilang taon. Kaya naman ang mga siyentipiko ay naghahanap ng solusyon mula sa kalikasan.
Pag-isipan ito: Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang balat ng long-finned pilot whale (Globicephala melas) ay may kakayahang maglinis ng sarili nito. Nababalutan ito ng maliliit na umbok, na tinatawag na nanoridge, at sa liit ng mga ito, hindi makakakapit ang mga larva ng taliptip. Sa pagitan ng mga umbok na ito ay may gel na panlaban sa algae at baktirya. Naglalabas ang whale ng panibagong gel sa tuwing magpapalit ito ng balat.
Gustong gayahin ng mga siyentipiko ang kakayahan ng pilot whale na linisin ang sarili. Dati, pinapahiran ang mga barko ng espesyal na pintura para maiwasan ang biofouling. Pero kamakailan, ipinagbawal ang pinakakaraniwang pinturang ginagamit dahil nakakasamâ ito sa mga nilalang sa dagat. Kaya ang solusyong naisip ng mga mananaliksik ay balutan ang ilalim ng barko ng metal na parang net. Sa ilalim nito ay may mga butas na naglalabas ng kemikal na hindi nakakasira sa kalikasan. Kapag nahaluan ng tubig-dagat, ang kemikal na ito ay lumalapot na parang gel at bumabalot sa ilalim ng barko. Kapag tumagal, ang nakabalot na gel, na mga 0.7 milimetro ang kapal, ay naaalis kasama ang anumang organismong kumapit dito. Pagkatapos, may lalabas ulit na bagong gel na babalot sa ilalim ng barko.
Ipinapakita ng mga pagsusuri sa laboratoryo na sa sistemang ito, mababawasan nang mga 100 beses ang biofouling ng mga barko. At malaking tulong iyan sa mga shipping company, dahil malaking pera ang nagagastos nila kapag pinadadaong ang mga barko para linisin.
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng balat ng pilot whale na linisin ang sarili nito ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?