MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Pag-dive ng Gannet
Ang mga gannet ay malalaking ibon na kayang mag-dive sa dagat sa bilis na 190 kilometro kada oras. Kapag tumama ang gannet sa tubig, ang impact nito ay posibleng umabot nang mahigit 20 beses na mas malakas kaysa sa puwersa ng grabidad ng lupa. Paano nakakayanan ng gannet na mag-dive nang ganoon kalakas at ulit-ulitin ito?
Pag-isipan ito: Bago tumama ang gannet sa tubig, iuunat nito sa likuran ang pakpak niya para maging patusok na gaya ng palaso. May tatakip na protective membrane sa mata nito at papalobohin nito ang mga organ sa leeg at dibdib para maging gaya ng airbag na sasalo sa impact.
Pagsisid ng gannet sa dagat, ang tuka, ulo, at leeg nito ay nakahugis-apa. Dahil dito, nababawasan ang lakas ng impact kasi hindi lang isang muscle ang sumasalo sa impact kundi lahat ng muscle sa leeg ng gannet. Sa isang iglap, nag-a-adjust ang mga mata ng gannet para makakita sa ilalim ng tubig.
Gaano kalalim ang kayang sisirin ng gannet? Sa bilis ng pag-dive nito, kaya nitong sumisid nang halos 11 metro, at kaya pa nitong sumisid nang mas malalim kung ikakampay niya ang nakatuping pakpak at ipapadyak ang mga paa niya. Ang totoo, may nakita nang mga gannet na nakapag-dive nang mas malalim pa sa 25 metro sa ilalim ng dagat. Pagkatapos sumisid, magpapalutang na lang ang gannet paakyat sa ibabaw ng tubig, at handa na ulit itong lumipad.
Panoorin kung paano mag-dive ang gannet
Gumawa ang mga mananaliksik ng mga robot na gannet na magagamit para sa mga search-and-rescue operation. Dinisenyo ang mga ito para lumipad, mag-dive sa tubig, at lumipad ulit. Pero nang subukan ito, isang robot ang paulit-ulit na nasira dahil sa lakas ng impact nito sa tubig. Dahil dito, nasabi ng mga mananaliksik na ang ginawa nilang robot ay “hindi kasinggaling ng gannet sa pag-dive.”
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng gannet sa pag-dive ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?