TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | JONATAN
Isang Tunay na Kaibigan
Tapós na ang labanan, at tahimik na ang Libis ng Elah. Habang humihihip ang hangin ng dapit-hapon sa mga tolda sa kampamento, nakipagpulong si Haring Saul sa kaniyang mga tauhan. Naroon ang panganay niyang si Jonatan, habang isang kabataang pastol ang sabik na sabik na nagkukuwento. Ang kabataang iyon ay si David, na napakasigla. Matamang nakinig si Saul sa bawat salita ni David. Pero ano kaya ang nadarama ni Jonatan? Marami na siyang tagumpay sa mahabang pagseserbisyo niya sa hukbo ni Jehova. Pero hindi siya ang nagdala ng tagumpay ngayon kundi ang kabataang ito. Napatay ni David ang higanteng si Goliat! Naiinggit kaya si Jonatan sa papuring tinatanggap ni David?
Baka magulat ka sa reaksiyon ni Jonatan. Mababasa natin: “At nangyari nga, nang matapos siyang makipag-usap kay Saul, ang mismong kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” Ibinigay ni Jonatan kay David ang kaniyang kasuotang pandigma, pati na ang kaniyang busog. Hindi basta-basta ang regalong ito dahil si Jonatan ay isang kilaláng mámamanà. Nagtibay rin sina Jonatan at David ng isang tipan na magiging magkaibigan sila at laging magtutulungan.—1 Samuel 18:1-5.
Ganito nagsimula ang isa sa pinakadakilang pagkakaibigan sa Bibliya. Mahalaga sa mga lingkod ng Diyos ang pagkakaibigan. Kung pipili tayo ng tamang mga kaibigan at magiging matulungin at tapat na kaibigan din tayo, mapapatibay natin ang ating pananampalataya sa mga panahong ito na walang pag-ibig. (Kawikaan 27:17) Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin kay Jonatan tungkol sa pakikipagkaibigan.
Ang Pundasyon ng Pagkakaibigan
Bakit naging magkaibigan agad sina Jonatan at David? Malalaman natin ito kapag tiningnan natin ang dahilan kung bakit sila naging magkaibigan. Mahirap ang sitwasyon noon ni Jonatan. Sa paglipas ng mga taon, unti-unting sumasamâ ang ama niyang si Haring Saul. Kahit dating mapagpakumbaba at masunurin, si Saul ay naging arogante at masuwaying hari.—1 Samuel 15:17-19, 26.
Tiyak na nakaapekto kay Jonatan ang mga pagbabagong ito kay Saul dahil malapít siya sa kaniyang ama. (1 Samuel 20:2) Malamang na nabahala si Jonatan sa magiging epekto ni Saul sa piniling bansa ni Jehova. Magiging dahilan kaya ang pagkamasuwayin ng hari para mapalayo kay Jehova ang kaniyang mga sakop at maiwala ang Kaniyang pagsang-ayon? Talagang napakahirap ng sitwasyon ni Jonatan nang panahong iyon.
Kaya naman maiintindihan natin kung bakit napalapít si Jonatan kay David. Nakita ni Jonatan ang matibay na pananampalataya ni David. Di-gaya ng mga kawal sa hukbo ni Saul, hindi natakot si David sa higanteng si Goliat. Nangatuwiran si David na kung susugod siya sa labanan dala ang pangalan ni Jehova, magiging mas makapangyarihan siya kaysa kay Goliat at sa lahat ng sandata nito.—1 Samuel 17:45-47.
Ganito rin ang pangangatuwiran ni Jonatan maraming taon na ang nakararaan. Sigurado siya na kayang salakayin at talunin ng dalawang lalaki—siya at ang kaniyang tagapagdala ng baluti—ang isang buong himpilan ng nasasandatahang kawal. Bakit? “Walang balakid para kay Jehova,” ang sabi ni Jonatan. (1 Samuel 14:6) Kaya may pagkakatulad sina Jonatan at David: ang kanilang matibay na pananampalataya at matinding pag-ibig kay Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit sila naging magkaibigan. Si Jonatan ay isang makapangyarihang prinsipe at halos 50 anyos na. Si David naman ay isang hamak na pastol at malamang ay wala pang 20 anyos. Pero hindi ito naging hadlang para maging magkaibigan sila. a
Naging proteksiyon sa kanilang pagkakaibigan ang kanilang tipan. Paano? Alam ni David kung ano ang gusto ni Jehova para sa kaniya: Siya ang susunod na magiging hari ng Israel! Inilihim ba niya ito kay Jonatan? Hindi! Sa mabuting pagkakaibigan, kailangan ang bukás na komunikasyon—walang mga lihim at kasinungalingan. Paano kaya nakaapekto kay Jonatan ang katotohanang ito? Nangarap kaya si Jonatan na balang-araw ay magiging hari siya at itutuwid niya ang mga pagkakamali ng kaniyang ama? Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa anumang negatibong damdamin ni Jonatan. Pero sinabi nito ang pinakaimportante—ang katapatan at pananampalataya ni Jonatan. Kitang-kita ni Jonatan na ginagabayan si David ng espiritu ni Jehova. (1 Samuel 16:1, 11-13) Kaya tinupad ni Jonatan ang kaniyang pangako at itinuring si David, hindi bilang karibal, kundi bilang kaibigan. Gustong makita ni Jonatan ang katuparan ng kalooban ni Jehova.
Sina Jonatan at David ay parehong may pananampalataya at pag-ibig kay Jehova
Naging pagpapala ang pagkakaibigang iyon. Ano ang matututuhan natin sa pananampalataya ni Jonatan? Dapat kilalanin ng mga lingkod ng Diyos ang halaga ng pagkakaibigan. Hindi kailangang kaedad natin ang ating mga kaibigan o kapareho ng pinagmulan. Ang importante ay mayroon silang tunay na pananampalataya. Maraming beses na napatibay nina Jonatan at David ang isa’t isa. Kailangan nila iyon dahil masusubok ang kanilang pagkakaibigan.
Kanino Dapat Maging Tapat?
Sa umpisa, gustong-gusto ni Saul si David at inilagay niya ito para manguna sa kaniyang hukbo. Pero di-nagtagal, nabiktima si Saul ng kaaway na napagtagumpayan ni Jonatan—ang inggit. Sunod-sunod ang tagumpay ni David sa mga kaaway ng Israel, ang mga Filisteo. Kaya si David ay umani ng papuri at paghanga. Umawit pa nga ang ilang babae sa Israel: “Si Saul ay nagpabagsak ng kaniyang libu-libo, at si David ay ng kaniyang sampu-sampung libo.” Hindi nagustuhan ni Saul ang kantang iyon. Sinabi ng ulat na si Saul ay “lagi nang tumitingin kay David nang may paghihinala magmula nang araw na iyon.” (1 Samuel 18:7, 9) Natakot siya na baka agawin ni David sa kaniya ang pagkahari. Kamangmangan iyon kay Saul. Kahit alam ni David na siya ang papalit kay Saul, hindi man lang niya inisip na agawin ang trono ng pinahirang hari ni Jehova!
Pinlano ni Saul na ipapatay si David sa labanan, pero nabigo siya. Patuloy na nagwawagi si David sa mga labanan, at minahal at iginalang siya ng bayan. Sinikap naman ni Saul na pagkaisahin ang kaniyang sambahayan—ang lahat ng kaniyang lingkod at ang panganay niyang anak—para ipapatay si David. Tiyak na nasuklam si Jonatan na makita ang ginagawang ito ng kaniyang ama! (1 Samuel 18:25-30; 19:1) Tapat si Jonatan bilang anak, pero isa rin siyang tapat na kaibigan. Dahil sa pagkakasalungatang ito, kanino siya magiging tapat?
Sinabi ni Jonatan: “Huwag nawang magkasala ang hari laban sa kaniyang lingkod na si David, sapagkat hindi siya nagkasala sa iyo at ang kaniyang mga gawa ay naging napakabuti sa iyo. At inilagay niya ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang palad at pinabagsak ang Filisteo, anupat si Jehova ay gumawa ng dakilang pagliligtas para sa buong Israel. Nakita mo iyon, at nagsaya ka. Kaya bakit ka magkakasala laban sa dugong walang-sala dahil sa pagpatay kay David nang walang dahilan?” Mahirap mang paniwalaan, nakinig si Saul kay Jonatan at sumumpa pa nga na hindi niya papatayin si David. Pero walang isang salita si Saul. Nang patuloy na magtagumpay si David, gayon na lang ang inggit at galit ni Saul kung kaya hinagisan niya ito ng sibat! (1 Samuel 19:4-6, 9, 10) Tumakas si David mula sa korte ni Saul.
Naipit ka na ba sa isang sitwasyon na kailangan mong pumili kung kanino ka magiging tapat? Napakasakit nito. Sa gayong sitwasyon, sasabihin ng iba na dapat mong unahin ang pamilya mo. Pero alam ni Jonatan na hindi tama iyon. Paano niya magagawang kampihan ang kaniyang ama gayong si David ay isang tapat at masunuring lingkod ni Jehova? Naging tapat si Jonatan kay Jehova kaya ipinagtanggol niya si David. Pero naging tapat din si Jonatan sa kaniyang ama dahil prangkahan niya itong pinayuhan sa halip na sabihin lang ang gusto nitong marinig. Makakatulong din sa atin na tularan ang pagpapakita ni Jonatan ng katapatan.
Ang Naging Kapalit ng Katapatan
Sinikap ni Jonatan na magkaayos sina Saul at David pero bigo siya. Palihim na lumapit si David kay Jonatan, at sinabing nangangamba siya sa kaniyang buhay. “Isang hakbang na lamang ang namamagitan sa akin at sa kamatayan!” ang sabi niya kay Jonatan. Sinikap alamin ni Jonatan ang damdamin ng kaniyang ama at kung handa itong makipagpayapaan kay David. Habang nagtatago si David, ipaaalam ni Jonatan sa kaniya ang balita gamit ang busog at palaso. Hiniling ni Jonatan na sumumpa si David: “Hindi mo papawiin ang iyong sariling maibiging-kabaitan mula sa aking sambahayan hanggang sa panahong walang takda . . . kapag nilipol ni Jehova ang mga kaaway ni David, ang bawat isa mula sa ibabaw ng lupa.” Nangako si David na hindi niya pababayaan ang mga miyembro ng sambahayan ni Jonatan.—1 Samuel 20:3, 13-27.
Sinikap ni Jonatan na magsalita sa hari ng mabuti tungkol kay David, pero nagalit si Saul! Tinawag niya si Jonatan na “anak ng isang mapaghimagsik na utusang babae.” Sinabi rin niya na ang katapatan ni Jonatan kay David ay isang kahihiyan sa kanilang pamilya. Sinikap niyang hikayatin si Jonatan na unahin ang sarili: “Sa lahat ng mga araw na buháy ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw at ang iyong pagkahari ay hindi matatatag nang matibay.” Pero hindi natinag si Jonatan at muling nakiusap sa kaniyang ama: “Bakit siya papatayin? Ano ba ang nagawa niya?” Sumiklab ang galit ni Saul! May-edad na si Saul pero isa pa rin siyang makapangyarihang mandirigma. Hinagisan niya ng sibat ang kaniyang anak! Pero kahit mahusay siya, nagmintis siya. Dahil sa sama ng loob at pagkapahiya, galít na umalis si Jonatan.—1 Samuel 20:24-34.
Pinatunayan ni Jonatan na siya ay tapat at hindi makasarili
Kinaumagahan, pumunta si Jonatan sa parang malapit sa pinagtataguan ni David. Gaya ng napag-usapan nila, pumana siya para ipaalám kay David na gusto pa rin itong patayin ni Saul. Pagkatapos, pinabalik ni Jonatan sa lunsod ang kaniyang tagapaglingkod. Nang dadalawa na lang sila ni David, saglit silang nakapag-usap. Umiyak sila, at malungkot na nagpaalam si Jonatan sa kaniyang kaibigang umalis para mamuhay bilang isang takas.—1 Samuel 20:35-42.
Sa mahihirap na kalagayang ito, pinatunayan ni Jonatan na siya ay tapat at hindi makasarili. Tiyak na gusto ni Satanas, ang kaaway ng lahat ng tapat, na gayahin ni Jonatan si Saul at unahin ang sarili niyang ambisyon sa kapangyarihan at kaluwalhatian. Tandaan na inaakit ni Satanas ang makasariling hilig ng mga tao. Nagtagumpay siya sa ating unang mga magulang na sina Adan at Eva. (Genesis 3:1-6) Pero nabigo siya kay Jonatan. Tiyak na dismayadong-dismayado si Satanas! Lalabanan mo rin ba ang ganiyang mga tukso? Nabubuhay tayo sa panahong makasarili ang mga tao. (2 Timoteo 3:1-5) Tutularan ba natin ang pagiging tapat at di-makasarili ni Jonatan?
“Naging Lubhang Kaiga-igaya Ka sa Akin”
Tumindi nang tumindi ang galit ni Saul kay David hanggang sa manaig ito sa kaniyang pag-iisip at damdamin. Walang magawa si Jonatan habang nakikita niya ang kaniyang ama na parang nababaliw at tinitipon ang hukbo nito para hanapin sa buong bansa at patayin ang isang lalaking inosente. (1 Samuel 24:1, 2, 12-15; 26:20) Nakisali ba si Jonatan sa pakanang ito? Hindi sinasabi ng Kasulatan na nasangkot siya sa mga pakanang iyon ng kaniyang ama. Imposible iyon dahil tapat si Jonatan kay Jehova, kay David, at sa kanilang sumpaan ng pagkakaibigan.
Hindi nagbago si Jonatan sa kaibigan niyang si David. Nakahanap siya ng paraan para muli silang magkita sa Hores, na ang ibig sabihin ay “Makahoy na Dako.” Ang Hores ay nasa isang magubat at bulubunduking rehiyon na mga ilang kilometro sa timog-silangan ng Hebron. Bakit isinapanganib ni Jonatan ang buhay niya para makipagkita sa takas na si David? Sinasabi ng Bibliya na gusto niyang “mapalakas . . . ang kamay nito may kinalaman sa Diyos.” (1 Samuel 23:16) Paano ito ginawa ni Jonatan?
Sinabi ni Jonatan sa kaniyang nakababatang kaibigan: “Huwag kang matakot.” Idinagdag pa niya: “Hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama.” Saan nakabatay ang pananalig niyang ito? Sa matinding pananampalataya ni Jonatan na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako. Sinabi pa niya: “Ikaw ang magiging hari sa Israel.” Maraming taon na ang nakararaan, inutusan si propeta Samuel na sabihin iyan kay David, at ipinaalaala ngayon ni Jonatan sa kaniya na laging maaasahan ang salita ni Jehova. Ano naman ang inaasahan ni Jonatan para sa kaniyang sarili? “Ako ang magiging ikalawa sa iyo.” Talagang mapagpakumbaba si Jonatan! Kontento na siyang maglingkod bilang kanang kamay ng lalaking ito na mas bata sa kaniya nang 30 taon! Bilang huli, sinabi ni Jonatan: “Nalalaman din ni Saul na aking ama na gayon nga.” (1 Samuel 23:17, 18) Sa puso niya, alam ni Saul na hinding-hindi siya mananalo laban sa lalaking pinili ni Jehova na magiging susunod na hari!
Sa sumunod na mga taon, tiyak na inalaala ni David ang pagkikita nilang iyon ni Jonatan. Iyon na ang huli nilang pagkikita. Nakakalungkot man pero hindi na nagkatotoo ang pangarap ni Jonatan na maging ikalawa kay David.
Kasama ng kaniyang ama, nakipaglaban si Jonatan sa mga Filisteo, ang mortal na kaaway ng Israel. Malinis ang konsensiya niya na makipaglaban kasama ng kaniyang ama. Hindi niya hinayaang makahadlang sa paglilingkod niya kay Jehova ang mga pagkakamali ng kaniyang ama. May katapangan at katapatan siyang nakipaglaban gaya ng dati, pero natalo pa rin ang Israel. Sa sobrang kasamaan ni Saul, bumaling siya sa espiritismo, na sa ilalim ng Kautusan ng Diyos ay may parusang kamatayan. Kaya naman naiwala ni Saul ang pagpapala ni Jehova. Tatlo sa mga anak ni Saul, kasama na si Jonatan, ang napatay sa labanan. Nasugatan si Saul at nagpakamatay.—1 Samuel 28:6-14; 31:2-6.
“Ikaw ang magiging hari sa Israel,” ang sabi ni Jonatan, “at ako ang magiging ikalawa sa iyo.”—1 Samuel 23:17
Labis ang pagdadalamhati ni David. Kahit nagdusa siya at naghirap dahil kay Saul, namighati pa rin ang mabait at mapagpatawad na lalaking ito! Sumulat si David ng panambitan para kina Saul at Jonatan. Marahil ang talagang nakakaantig na mga salita ay patungkol sa pinakamamahal na guro at kaibigan ni David: “Ako ay napipighati dahil sa iyo, kapatid kong Jonatan, naging lubhang kaiga-igaya ka sa akin. Higit na kamangha-mangha ang iyong pag-ibig sa akin kaysa sa pag-ibig ng mga babae.”—2 Samuel 1:26.
Hindi nakalimutan ni David ang panata niya kay Jonatan. Pagkaraan ng maraming taon, hinanap niya at pinangalagaan ang may-kapansanang anak ni Jonatan na si Mepiboset. (2 Samuel 9:1-13) Talagang natuto si David sa halimbawa ni Jonatan ng katapatan at pagiging marangal, at sa kaniyang matapat na paninindigan sa panig ng isang kaibigan kahit malaki ang kapalit nito. Matutularan din ba natin ang mga halimbawang iyan? Puwede ba tayong maghanap ng mga kaibigang gaya ni Jonatan? Puwede rin ba tayong maging ganoong uri ng kaibigan? Oo, kung tutulungan natin ang mga kaibigan natin na magkaroon ng pananampalataya kay Jehova at patibayin iyon, uunahin ang katapatan sa Diyos, at kung mananatili tayong tapat sa halip na unahin ang sarili nating kapakanan. Matutularan din natin ang pananampalataya ni Jonatan.
a Nang unang banggitin si Jonatan sa Kasulatan, noong pasimula ng paghahari ni Saul, isa siyang kumandante ng hukbo kaya malamang na siya ay di-bababa sa 20 anyos. (Bilang 1:3; 1 Samuel 13:2) Naghari si Saul nang 40 taon. Kaya nang mamatay si Saul, mga 60 anyos na si Jonatan. Treinta anyos si David nang mamatay si Saul. (1 Samuel 31:2; 2 Samuel 5:4) Kaya maliwanag na mga 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David.