TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Magkaroon ng Panahon sa Isa’t Isa
Madalang mag-usap ang maraming mag-asawa kahit magkasama naman sila. Bakit?
Magkalapit pero malayo sa isa’t isa—bakit?
Pagod
“Kapag may pagkakataon na kaming mag-usap, kung hindi siya ang pagod, ako ang pagod. Kapag pagod ako, madali akong mairita kahit sa maliliit na bagay. Kaya mas mabuti pang manood na lang kami ng TV.”—Anna.
Internet
“Puwedeng maubos ang panahon mo sa social media at Internet. Baka doon na mapunta ang panahon mo, at wala ka nang oras para makausap ang asawa mo. Magkasama nga kayo, pero parang hindi naman.”—Katherine.
Magkaiba ng hilig
“Pag-uwi ng asawa ko galing sa trabaho, madalas na napupunta ang panahon niya sa mga hobby niya. Dapat lang na may panahon siya para sa sarili niya, kasi masipag naman siya. Pero sana marami din kaming panahon sa isa’t isa.”—Jane.
Trabaho
“Dahil sa teknolohiya, posibleng nagtatrabaho pa rin tayo kahit nasa bahay na tayo kasama ng pamilya natin. Madalas na nagre-reply ako sa mga e-mail at text tungkol sa trabaho sa mga panahong para na sana sa asawa ko.”—Mark.
Ang puwede mong gawin
Tandaan na kailangan ninyo ng panahon sa isa’t isa at hindi iyan opsiyonal.
Prinsipyo sa Bibliya: “[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”—Filipos 1:10, talababa.
Pag-isipan: Makikita ba sa mga ginagawa mo na mas mahalaga sa iyo ang asawa mo kaysa sa trabaho o mga libangan mo? Tira-tira na lang bang panahon at atensiyon ang naibibigay mo sa asawa mo?
Tip: Huwag lang basta maghintay ng pagkakataon. Mag-iskedyul ng panahon para sa asawa mo nang hindi ka nagagambala.
“Gustong-gusto ko kapag nag-iiskedyul ang asawa ko ng panahong para lang sa ’ming dalawa. Nararamdaman kong mahal niya ’ko at gusto niya ’kong kasama. Kaya lalo tuloy akong nai-in love sa kaniya.”—Anna.
Mag-set ng panahon na hindi ka gagamit ng gadyet mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “May takdang panahon para sa lahat ng bagay.”—Eclesiastes 3:1.
Pag-isipan: Madalas ka bang nadi-distract ng text message o notification kapag kausap mo ang asawa mo?
Tip: Sikaping makasama siyang kumain nang kahit isang beses sa bawat araw—at ilayo n’yo ang cellphone n’yo. Kapag magkasama kayong kumakain, magandang pagkakataon iyon para pag-usapan ang mga nangyari sa inyo sa buong araw.
Kung posible, gawin nang magkasama ang mga kailangan ninyong asikasuhin at ang mga gawaing-bahay.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa dahil may mas malaking pakinabang ang pagsisikap nila.”—Eclesiastes 4:9, talababa.
Pag-isipan: Madalas ba kayong magkaniya-kaniya ng asawa mo sa mga bagay na kailangan ninyong asikasuhin?
Tip: Gawin nang magkasama ang mga gawain kahit na kaya naman itong gawin nang mag-isa.
“Imbes na isiping trabaho ang pamamalengke, paghuhugas ng plato, pagtutupi ng damit, at paglilinis sa bakuran—isiping magandang pagkakataon ang mga iyon na makasama ang isa’t isa.”—Nina.
Maging makatotohanan
Prinsipyo sa Bibliya: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.”—Filipos 4:5.
Pag-isipan: Paano mo maipapakita na makatuwiran ka sa inaasahan mo sa asawa mo?
Tip: Pag-usapan kung paano ninyo maibibigay ang pangangailangan ng isa’t isa. Tiyakin na pareho kayong magiging masaya sa napagkasunduan ninyong paggamit ng inyong panahon.
“Malakas ang asawa ko, samantalang ang bilis ko namang mapagod. Madalas sinasabi ko sa kaniyang mag-enjoy lang siya sa labas at okey lang na maiwan ako sa bahay. Kaya nakakapagpahinga ako habang nag-e-exercise siya. Pareho naming nagawa ang gusto naming gawin kaya pareho kaming masaya.”—Daniela.
Ang dapat ninyong pag-usapan
Una, pag-isipan ng bawat isa sa inyo ang sumusunod na tanong. Pagkatapos, pag-usapan ang sagot ninyo nang magkasama.
Masasabi mo bang may sapat na panahon kayo sa isa’t isa?
Anong magagandang bagay ang nagawa ng asawa mo tungkol dito na puwede mong pasalamatan?
Anong mga bagay ang gusto mo pa sanang gawin ng asawa mo?
Madalas ka bang ma-distract ng gadyet habang kinakausap ka ng asawa mo?
Paano kayo magiging makatuwiran sa inaasahan ninyo sa isa’t isa?
Anong mga pagbabago ang puwede ninyong gawin sa linggong ito para mas makapagpokus kayo sa isa’t isa?