TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Kung Paano Magiging Mapagpasensiya
“Ang pasensiya ng mag-asawa ay nasusubok araw-araw. Kapag single ka, baka isipin mong hindi gano’n kahalaga ang pagpapasensiya, pero mahalaga ito para maging matagumpay ang pag-aasawa.”—John.
Bakit mo kailangang maging mapagpasensiya?
Mas nakikita mo ang mga pagkakamali ng asawa mo kapag mag-asawa na kayo.
“Kapag matagal-tagal na kayong mag-asawa, mas madali nang makita ang mga kapintasan ng asawa mo. Kapag nangyari iyan, mabilis nang maubos ang pasensiya mo.”—Jessena.
Makakapagsalita ka nang hindi pinag-iisipan kapag nawalan ka ng pasensiya.
“Padalos-dalos akong magsalita. Pero kung mag-iisip muna ako, malamang na hindi ako makakapagsalita ng mga bagay na hindi dapat sabihin.”—Carmen.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait.” (1 Corinto 13:4) Parang madali lang magpasensiya kapag nagmamahalan ang dalawang tao. Pero hindi laging ganito. “Katulad ng ibang magagandang katangian,” sabi ni John, na nabanggit kanina, “ang pasensiya ay mas madaling mawala kaysa malinang. Kailangan ng pagsisikap para patuloy itong mapasulong.”
Paano ka magpapakita ng pasensiya?
Kapag may pangyayaring susubok sa iyong pasensiya.
Halimbawa: May sinabing hindi maganda sa iyo ang asawa mo. Naiisip mong gumanti.
Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag kang maghinanakit agad, dahil tanda ng kamangmangan ang pag-iipon ng hinanakit sa dibdib.”—Eclesiastes 7:9, talababa.
Kung paano ka magpapasensiya: Mag-isip muna. Bago sumagot, sikaping isipin na hindi naman sinasadya ng asawa mo na saktan ka. “Karamihan sa atin ay nagre-react depende sa pagkakaintindi natin sa sinabi ng asawa natin, hindi sa kung ano talaga ang gusto niyang sabihin,” ang sabi ng aklat na Fighting for Your Marriage.
Kahit gusto ka talagang galitin ng asawa mo, ang pagpapasensiya at hindi pagganti ay tutulong para gumaan ang sitwasyon. “Kapag walang kahoy, namamatay ang apoy,” ang sabi ng Bibliya.—Kawikaan 26:20.
“Kapag parang kaaway na ang tingin mo sa iyong asawa, huminto at isipin kung bakit mo siya mahal at subukang gumawa ng bagay na magugustuhan niya.”—Ethan.
Pag-isipan:
Paano ka nagre-react kapag may sinabi o ginawa ang asawa mo na hindi mo nagustuhan?
Paano mo maipapakita ang pagpapasensiya kung maulit uli iyon?
Kapag paulit-ulit na nangyayari ang sumusubok sa pasensiya mo.
Halimbawa: Palaging late ang asawa mo, naghihintay ka at inis na inis.
Prinsipyo sa Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.”—Colosas 3:13.
Kung paano ka magpapasensiya: Mas pahalagahan ang inyong relasyon kaysa sa iyong sarili. Tanungin ang sarili, ‘Kung gagawin kong isyu ang isang bagay, makakatulong kaya ito sa relasyon namin o makakasira?’ Tandaan din na “lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Ibig sabihin, may dapat ka ring baguhin sa sarili mo.
“Minsan mas napapagpasensiyahan ko pa ang mga kaibigan ko kaysa sa asawa ko. Siguro dahil palagi ko siyang kasama at lagi kong nakikita ang mga pagkukulang niya. Pero ang pagpapasensiya ay pagpapakita ng pag-ibig at respeto. At napakahalaga nito sa pagsasama namin.”—Nia.
Pag-isipan:
Napapagpasensiyahan mo ba ang mga pagkukulang ng asawa mo?
Paano mo maipapakita ang higit na pasensiya sa hinaharap?