Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Ipakipag-usap sa mga Anak ang Tungkol sa Diskriminasyon

Ipakipag-usap sa mga Anak ang Tungkol sa Diskriminasyon

 Sa murang edad, baka mapansin ng anak mo na hindi maganda ang trato ng iba sa ilang mga tao dahil sa kulay ng balat nila o lahi. Paano mo tutulungan ang anak mo para hindi sila maimpluwensiyahan ng mga ito? Ano ang puwede mong gawin kapag naging biktima ng diskriminasyon ang anak mo?

Sa artikulong ito

 Kung paano ipapakipag-usap sa mga anak ang tungkol sa lahi

 Ang puwede mong ipaliwanag. Iba-iba ang hitsura at kultura ng mga tao sa buong mundo. Dahil sa pagkakaiba-ibang ito, hindi maganda ang trato ng ilan sa ibang tao dahil sa kanilang hitsura o pagkilos.

 Pero itinuturo ng Bibliya na iisa lang ang pinagmulan ng lahat ng tao. Kaya masasabing parang magkakamag-anak tayo.

“Mula sa isang tao, ginawa [ng Diyos] ang lahat ng bansa.”Gawa 17:26.

 “Napansin namin na kapag nakakasama ng mga anak namin ang mga tao mula sa iba’t ibang kultura, nakikita nila mismo na ang bawat isa ay dapat mahalin at irespeto.”—Karen.

 Kung paano ipapaliwanag sa mga anak ang diskriminasyon

 Siguradong makakarinig ang mga anak mo ng mga balita tungkol sa hate crime o iba pang insidente ng diskriminasyon. Paano mo ipapaliwanag ang mga nangyayaring ito? Depende iyan sa edad ng anak mo.

  •   Preschooler. “Alam na alam ng maliliit na bata kung ano ang patas at di-patas,” ang sabi ni Dr. Allison Briscoe-Smith, mula sa magasing Parents. “Napakagandang pagkakataon nito para ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa kawalang-katarungan.”

“Hindi nagtatangi ang Diyos, kundi tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.”Gawa 10:34, 35.

  •   Preteen. Maraming tanong ang mga batang edad 6 hanggang 12, at ang hirap pa nga ng mga tanong nila kung minsan. Sagutin ito sa abot ng makakaya mo. Tanungin sila kung ano ang nakikita nila sa school, telebisyon, at Internet. Gamitin ang pagkakataong ito para ipaliwanag na mali ang diskriminasyon.

“Magkaisa [kayo] sa pag-iisip, magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, maging mahabagin at magiliw, at maging mapagpakumbaba.”1 Pedro 3:8.

  •   Teenager. Kapag teenager na ang anak mo, mas naiintindihan na nila ang mahihirap at komplikadong mga bagay. Ito ang pinakamagandang panahon para pag-usapan ninyo ang mga balita tungkol sa diskriminasyon.

“Ang matigas na pagkain ay para sa mga maygulang; sa paggamit sa kanilang kakayahang umunawa, sinanay nila itong makilala ang tama at mali.”—Hebreo 5:14.

 “Pinag-uusapan namin ng mga anak namin ang tungkol sa diskriminasyon, dahil darating ang panahon na makikita at mararanasan nila ito saanman sila nakatira. Kung hindi namin iyon gagawin, baka maimpluwensiyahan sila ng kaisipan ng ibang tao. Maraming maling impormasyon ang puwedeng ituro ng iba sa mga anak namin at pagmukhaing ito ang tama.”—Tanya.

 Kung paano magiging magandang halimbawa

 Natututo ang mga bata sa halimbawa ng mga magulang, kaya mahalagang pag-isipang mabuti ang mga sinasabi at ginagawa mo. Halimbawa:

  •   Ginagawa mo bang katatawanan ang lahi ng iba o minamaliit sila? “Nakikita ka at naririnig ng mga anak mo at siguradong gagayahin nila ang mga sinasabi at ginagawa mo,” ang sabi ng American Academy of Child and Adolescent Psychiatry.

  •   Masaya ka bang makasama ang mga tao na iba ang lahi? Sinabi ng pediatrician na si Alanna Nzoma: “Kung gusto mong magkaroon ng . . . magandang kaugnayan ang mga anak mo sa mga tao na iba ang lahi, dapat nilang makita ito sa iyo.”

“Bigyang-dangal ninyo ang lahat ng uri ng tao.”1 Pedro 2:17.

 “Sa loob ng maraming taon, nag-iimbita ang pamilya namin ng mga tao na iba-iba ang lahi. Kaya nalaman namin ang tungkol sa pagkain at musika nila at nakapagsuot pa nga kami ng tradisyonal na mga damit nila. Kapag pinag-uusapan namin ng mga bata ang ibang mga tao, hindi kami nagpopokus sa lahi nila. At iniiwasan naming iangat ang sarili naming kultura.”—Katarina.

 Kapag naging biktima ng diskriminasyon ang anak mo

 Isinusulong ng marami ang pagkakapantay-pantay ng lahi. Pero laganap pa rin ang diskriminasyon sa buong mundo. Kaya posibleng tratuhin ng iba ang anak mo nang hindi maganda, lalo na kung itinuturing siyang bahagi ng minority group. a Kung mangyari iyan . . .

 Alamin ang buong detalye. Sinadya ba ng taong iyon ang mga sinabi at mga ginawa niya, o hindi lang niya ito napag-isipan? (Santiago 3:2) Kailangan ba talagang kausapin ang nakasakit, o puwede namang palampasin ito?

 Maliwanag, kailangan nating maging makatuwiran. Maganda ang payo ng Bibliya: “Huwag kang maghinanakit agad.” (Eclesiastes 7:9) Hindi naman sa minamaliit mo ang diskriminasyon, pero kapag ininsulto ka ng iba o tinrato nang hindi maganda, hindi laging ibig sabihin nito na hate crime na iyon o galit siya sa lahi mo.

 Siyempre, iba-iba ang sitwasyon, kaya alamin kung ano talaga ang nangyari bago ka magdesisyon kung ano ang gagawin mo.

“Kapag sumasagot ang isang tao bago niya marinig ang mga detalye, kamangmangan iyon at kahiya-hiya.”Kawikaan 18:13.

 Kapag alam mo na ang buong detalye, tanungin ang sarili:

  •   ‘Makakatulong kaya sa anak ko na isiping sa tuwing iniinsulto siya ng iba, dahil ito sa kaniyang lahi?’

  •   ‘Makakatulong kaya sa anak ko kung susundin niya ang payo ng Bibliya: “Huwag . . . dibdibin ang lahat ng sinasabi ng mga tao”?’—Eclesiastes 7:21.

“Makita nawa . . . ang pagiging makatuwiran ninyo.”—Filipos 4:5.

 Paano kung parang sinasadya ito? Tulungan ang inyong mga anak na maunawaan na nakadepende sa kanilang reaksiyon kung gaganda o lalala ang sitwasyon. Kung minsan, naghahanap lang ng reaksiyon ang taong nang-aasar, nambu-bully, o kaya nang-iinsulto. Sa ganitong mga pagkakataon, baka ang pinakamagandang gawin ay huwag na lang kumibo.

“Kapag walang kahoy, namamatay ang apoy.”Kawikaan 26:20.

 Pero baka puwede siyang kausapin ng anak mo kung hindi naman siya mapapahamak kapag ginawa niya ito. Puwede niyang sabihin (sa mabait na paraan), “Hindi talaga maganda ang sinabi (o ginawa) mo.”

 Paano kung gusto mong ireport ang nangyari? Kung sa tingin mo, nanganganib ang anak mo o hindi ito dapat palampasin, ireport ito sa mga opisyal ng eskuwelahan o kahit sa mga pulis kung kailangan.

a Ang minority ay isang grupo ng mga tao na itinuturing na iba sa karamihan dahil sa kanilang relihiyon, lahi, kulay ng balat, kaugalian, o iba pang mga katangian.