Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Epekto ng Alak sa Pagsasama ng Mag-asawa

Epekto ng Alak sa Pagsasama ng Mag-asawa

 Kinausap ka na ba ng asawa mo tungkol sa pag-inom mo ng alak? Kung oo, may mga bagay kang dapat pag-isipan.

Sa artikulong ito

 Masamang epekto ng alak sa pagsasama ng mag-asawa

 Ang sobrang pag-inom ng alak ay puwedeng maging dahilan ng maraming sakit gaya ng cancer, o sakit sa puso o sa atay. Pero hindi lang sakit ang puwedeng maging problema. Nagiging problema din ito ng mag-asawa dahil puwede itong mauwi sa karahasan sa pamilya, problema sa pera, pagtataksil, at diborsiyo.

 Sinasabi ng Bibliya na kapag inabuso ang alak, “nanunuklaw itong gaya ng ahas at naglalabas ng lason na gaya ng ulupong.” (Kawikaan 23:32) Paano mo malalaman kung nakadepende ka na sa alak?

 Hinahanap-hanap mo ba ang alak?

 Ang sumusunod na mga tanong ay makakatulong sa iyo na malaman ang sagot:

  •   Hindi mo ba mapigilan ang pag-inom?

  •   Lagi mo bang iniisip kung kailan ka uli iinom?

  •   Umiinom ka pa rin ba kahit alam mong nagiging dahilan ito ng mga problema, pati na sa pagsasama ninyong mag-asawa?

  •   Kapag sinubukan mong ihinto ang pag-inom, sumasama ba ang pakiramdam mo?

  •   Nagiging dahilan ba ng away ninyong mag-asawa ang pag-inom mo?

  •   Mas malakas ka na bang uminom ng alak ngayon?

  •   Patago ka bang umiinom ng alak sa bahay ninyo o sa trabaho?

 Kung oo ang sagot mo sa isa o sa ilang tanong na iyan, baka nga nakadepende ka na sa alak, o alkoholiko ka na.

 Ayaw mong aminin na may problema ka sa alak

 Kinausap ka na ba ng asawa mo tungkol sa pag-inom mo? Kung oo, baka sabihin mong hindi naman talaga problema iyon o magdahilan ka pa nga. Baka sisihin mo ang iba, pati na ang asawa mo. Baka sabihin mo:

  •   “Kung maganda lang sana ang trato mo sa ’kin, hindi ko na kailangang uminom.”

  •   “Kung alam mo ang stress ko sa trabaho, mapapainom ka rin.”

  •   “Mas malakas pa ngang uminom sa ’kin ang iba.”

 Kung nasabi mo na iyan, hindi kaya mas mahalaga na sa iyo ang pag-inom kaysa sa pagsasama ninyong mag-asawa? Alin ba talaga ang mas mahalaga?

 Prinsipyo sa Bibliya: “Laging iniisip ng lalaking may asawa . . . kung paano niya mapasasaya ang asawa niya.”—1 Corinto 7:33.

Kapag ayaw mong aminin na may problema ka, para kang naglalagay ng pader sa pagitan ninyong mag-asawa. Pero kung makikinig ka sa asawa mo, pinapalitan mo ng bintana ang pader, kasi nakikita mo ang pag-aalala niya

 Ang puwede mong gawin

  •   Pakinggan ang asawa mo. Kahit parang sobra ang pag-aalala ng asawa mo, baka puwede ka pa ring mag-adjust. Pero kung tuloy ka pa rin sa pag-inom mo—kahit sinabihan ka na niya—baka nga may problema ka talaga sa alak.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”—1 Corinto 10:24.

  •   Mag-research. Para manalo sa labanan ang isang sundalo, dapat na alam niya kung paano umaatake ang kalaban niya. Ganiyan din sa pag-inom. Para malabanan ito, kailangang alam mo kung ano ang epekto ng alak at kung bakit natutukso ang iba na uminom. Dapat na alam mo rin ang mga puwede mong gawin para maitigil mo ang pag-inom at hindi na ito maulit sa hinaharap.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Patuloy na umiwas sa mga pagnanasa ng laman, na nakikipaglaban sa inyo.”—1 Pedro 2:11.

  •   Humingi ng tulong. May mga recovery program, treatment center, ospital at iba pa na tumutulong sa mga may problema sa pag-inom. Puwede mo ring kausapin ang isang mature na kaibigan para makita mo kung may iba pang dahilan kung bakit lagi kang naghahanap ng alak. Pagkatapos, tawagan mo siya kapag natutukso kang uminom uli.

    Puwede kang magpatingin sa doktor

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.

 Hindi simpleng problema ang sobrang pag-inom ng alak. Hindi ito malulutas ng basta pagbabasa lang ng maikling artikulo tungkol dito o basta pagsasabi, “Babawasan ko na ang pag-inom.” Pero tandaan, anuman ang ginagawa mo tungkol dito, may epekto ito hindi lang sa kalusugan mo, kundi lalo na sa pagsasama ninyong mag-asawa.

 Para sa higit pang impormasyon: Basahin ang sumusunod na mga artikulo para makita kung paano naitigil ng iba ang sobrang pag-inom.

 “Hindi Na Ako Marahas”

 “Hindi Ko Na Ikinahihiya ang Sarili Ko”

 “Naging Palaboy Ako”

 Panoorin din ang video na ‘Sawang-sawa Na Ako sa Buhay Ko’