Umiiral ba ang Diyablo?
Ang sagot ng Bibliya
Oo, talagang umiiral ang Diyablo. Siya ang “tagapamahala ng sanlibutan,” isang espiritung nilalang na naging napakasama at nagrebelde sa Diyos. (Juan 14:30; Efeso 6:11, 12) Isinisiwalat ng Bibliya ang personalidad ng Diyablo sa pamamagitan ng mga pangalan at paglalarawang ito:
Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang.”—Job 1:6.
Diyablo, na nangangahulugang “Maninirang-puri.”—Apocalipsis 12:9.
Serpiyente, na ginagamit sa Bibliya upang mangahulugang “Mandaraya.”—2 Corinto 11:3.
Manunukso.—Mateo 4:3.
Sinungaling.—Juan 8:44.
Hindi isang ideya ng kasamaan
Iniisip ng ilan na si Satanas na Diyablo ay isa lamang ideya ng kasamaan na nasa loob natin. Pero iniuulat ng Bibliya ang isang pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Satanas. Ang Diyos ay sakdal, kaya hindi siya maaaring makipag-usap sa kasamaang nasa loob niya. (Deuteronomio 32:4; Job 2:1-6) Gayundin, tinukso ni Satanas si Jesus, isa na walang kasalanan. (Mateo 4:8-10; 1 Juan 3:5) Kaya, ipinakikita ng Bibliya na ang Diyablo ay umiiral at hindi lamang isang personipikasyon ng kasamaan.
Dapat ba nating ipagtaka na maraming tao ang hindi naniniwalang umiiral ang Diyablo? Hindi, sapagkat sinasabi ng Bibliya na gumagamit si Satanas ng panlilinlang upang isagawa ang kaniyang mga layunin. (2 Tesalonica 2:9, 10) Ang isa sa kaniyang pinakaepektibong panlilinlang ay bulagin ang maraming tao at papaniwalain sila na hindi siya umiiral.—2 Corinto 4:4.
Iba pang maling akala tungkol sa Diyablo
Di-totoo: Lucifer ang isa pang pangalan ng Diyablo.
Ang totoo: Ang salitang Hebreo na isinaling “Lucifer” sa ilang Bibliya ay nangangahulugang “nagniningning.” (Isaias 14:12) Ipinakikita ng konteksto na ang terminong ito ay tumutukoy sa dinastiya, o linya ng mga hari, ng Babilonya na hihiyain ng Diyos dahil sa labis na kapalaluan nito. (Isaias 14:4, 13-20) Ang paglalarawang “nagniningning” ay ginamit upang tuyain ang dinastiya ng Babilonya pagkatapos itong mapabagsak.
Di-totoo: Si Satanas ay naglilingkod sa Diyos bilang “abogadong tagausig.”
Ang totoo: Hindi lingkod ng Diyos ang Diyablo kundi kaaway. Sinasalansang at may-kabulaanang inaakusahan ni Satanas na Diyablo ang mga taong naglilingkod sa Diyos.—1 Pedro 5:8; Apocalipsis 12:10.