Sino si Juan Bautista?
Ang sagot ng Bibliya
Si Juan Bautista ay isang propeta ng Diyos. (Lucas 1:76) Ipinanganak siya noong 2 B.C.E. at namatay noong 32 C.E. Inatasan siya ng Diyos na ihanda ang daan para sa Mesiyas, o Kristo. Ginawa niya ito nang ipangaral niya ang mensahe ng Diyos sa mga kapuwa niya Judio para tulungan silang manumbalik sa Diyos.—Marcos 1:1-4; Lucas 1:13, 16, 17.
Natulungan ng mensahe ni Juan ang mga tapat-puso na kilalanin si Jesus ng Nazaret bilang ang ipinangakong Mesiyas. (Mateo 11:10) Pinakilos ni Juan ang mga tagapakinig niya na magsisi sa mga kasalanan nila at magpabautismo bilang sagisag ng kanilang pagsisisi. (Lucas 3:3-6) Marami siyang binautismuhan kaya tinawag siyang Juan Bautista o Juan na Tagapagbautismo. Ang pinakamahalagang bautismong ginawa ni Juan ay ang bautismo ni Jesus. a—Marcos 1:9.
Sa artikulong ito
Bakit naiiba si Juan Bautista?
Inihula ang mga gagawin niya: Nang mangaral si Juan, tinupad niya ang hula tungkol sa mensahero ni Jehova. (Malakias 3:1; Mateo 3:1-3) Napatunayan niyang siya ang isa na ‘maghahanda sa mga tao para kay Jehova.’ Ibig sabihin, natulungan niya ang mga kapuwa niya Judio na tanggapin ang mensahe ng pangunahing kinatawan ng Diyos na Jehova, si Jesu-Kristo.—Lucas 1:17.
Mga nagawa niya: Sinabi ni Jesus na “walang mas dakila kaysa kay Juan Bautista, pero ang pinakamababa sa Kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya.” (Mateo 11:11) Dahil si Juan ay hindi lang naging isang propeta kundi siya rin ang naging inihulang “mensahero,” walang lingkod ng Diyos na nabuhay bago niya ang masasabing mas dakila kaysa sa kaniya. Ipinapakita rin ng mga sinabi ni Jesus na si Juan ay hindi aakyat sa Kaharian sa langit, b kasi namatay ang tapat na propetang ito bago buksan ni Kristo ang daan patungo sa langit. (Hebreo 10:19, 20) Pero magiging sakop si Juan ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa, at may pag-asa siyang mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso.—Awit 37:29; Lucas 23:43.
Sino ang mga magulang ni Juan Bautista?
Ang mga magulang ni Juan ay ang mag-asawang Zacarias at Elisabet. Si Zacarias ay isang saserdoteng Judio. Isang himala nang ipanganak si Juan, kasi baog ang nanay niya. Bukod diyan, sina Elisabet at Zacarias ay parehong “matanda na.”—Lucas 1:5-7, 13.
Sino ang pumatay kay Juan Bautista?
Iniutos ni Haring Herodes Antipas na pugutan ng ulo si Juan. Ginawa niya iyon dahil sa kahilingan ng asawa niyang si Herodias. Galit ito kay Juan dahil sa sinabi niya kay Herodes, na nag-aangking Judio. Sinabi niya na ang pagsasama nilang mag-asawa ay labag sa kautusang Judio.—Mateo 14:1-12; Marcos 6:16-19.
Magkaribal ba si Juan Bautista at si Jesus?
Walang ipinapahiwatig o sinasabi ang Bibliya na magkaribal sila. (Juan 3:25-30) Ang totoo, sinabi pa nga mismo ni Juan na ang pananagutan niya ay ihanda ang daan para sa Mesiyas, at hindi makipagkompetensiya sa kaniya. Sinabi niya: “Nagbabautismo ako sa tubig para makilala siya ng Israel.” Idinagdag pa niya: “Siya nga ang Anak ng Diyos.” (Juan 1:26-34) Kaya masayang-masaya si Juan na marinig ang tagumpay ng ministeryo ni Jesus.
a ‘Hindi nagkasala’ si Jesus. (1 Pedro 2:21, 22) Kaya binautismuhan siya hindi dahil kailangan niyang magsisi, kundi para iharap ang sarili niya na gawin ang kalooban ng Diyos. Kasama diyan ang pagbibigay ng buhay niya para sa atin.—Hebreo 10:7-10.
b Tingnan ang artikulong “Sino ang Aakyat sa Langit?”