Sino si Jehova?
Ang sagot ng Bibliya
Si Jehova ang tunay na Diyos ng Bibliya, ang Maylalang ng lahat ng bagay. (Apocalipsis 4:11) Sinamba siya ng mga propetang sina Abraham at Moises, gaya rin ng ginawa ni Jesus. (Genesis 24:27; Exodo 15:1, 2; Juan 20:17) Siya ay Diyos, hindi lang ng isang bayan, kundi ng “buong lupa.”—Awit 47:2.
Jehova ang natatanging pangalan ng Diyos gaya ng isinisiwalat sa Bibliya. (Exodo 3:15; Awit 83:18) Galing ito sa isang pandiwang Hebreo na nangangahulugang “maging,” at sinasabi ng maraming iskolar na ito ay nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Bagay na bagay ang kahulugang ito sa papel ni Jehova bilang ang Maylalang at Tagatupad ng kaniyang layunin. (Isaias 55:10, 11) Tinutulungan din tayo ng Bibliya na makilala ang Persona sa likod ng pangalang Jehova, lalo na ang pangunahing katangian niya—ang pag-ibig.—Exodo 34:5-7; Lucas 6:35; 1 Juan 4:8.
Ang pangalang Jehova ay isang saling Ingles ng pangalang Hebreo para sa Diyos—ang apat na letrang יהוה (YHWH), na kilala bilang ang Tetragrammaton. Hindi na alam kung paano binibigkas sa sinaunang Hebreo ang pangalan ng Diyos. Pero ang anyong “Jehovah” ay matagal nang ginagamit sa wikang Ingles, at unang lumitaw sa salin ng Bibliya ni William Tyndale noong 1530. a
Bakit hindi na alam kung paano binibigkas sa sinaunang Hebreo ang pangalan ng Diyos?
Ang sinaunang Hebreo ay isinusulat nang walang mga patinig, puro katinig lang ang ginagamit. Madali lang para sa mambabasang nagsasalita ng Hebreo na isuplay ang angkop na mga patinig. Pero nang makumpleto na ang Hebreong Kasulatan (“Lumang Tipan”), sinunod ng ilang Judio ang pamahiin na maling bigkasin ang personal na pangalan ng Diyos. Kapag bumabasa sila nang malakas ng isang kasulatan na may pangalan ng Diyos, pinapalitan nila ito ng mga pananalitang gaya ng “Panginoon” o “Diyos.” Sa paglipas ng daan-daang taon, lumaganap ang pamahiing ito at tuluyan nang nakalimutan ang sinaunang bigkas sa pangalan ng Diyos. b
Para sa ilan, ang pangalan ng Diyos ay binibigkas na “Yahweh,” pero may ibang mga bigkas din na iminumungkahi ang iba. Sa isang Dead Sea Scroll na naglalaman ng isang bahagi ng Levitico sa wikang Griego, ang pangalan ng Diyos ay tinumbasan ng transliterasyong Iao. Iminungkahi rin ng sinaunang mga manunulat na Griego ang mga bigkas na Iae, I·a·beʹ, at I·a·ou·eʹ, pero walang katibayan na isa sa mga ito ang bigkas na ginamit sa sinaunang Hebreo. c
Mga maling akala tungkol sa pangalan ng Diyos sa Bibliya
Maling akala: Ang pangalang “Jehova” ay idinagdag ng mga salin na gumagamit ng pangalang ito.
Ang totoo: Ang salitang Hebreo para sa pangalan ng Diyos na nasa anyong Tetragrammaton ay mga 7,000 ulit na lumilitaw sa Bibliya. d Sinadyang alisin ng karamihan sa mga salin ang pangalan ng Diyos at pinalitan ito ng titulong gaya ng “Panginoon.”
Maling akala: Hindi kailangan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang isang natatanging pangalan.
Ang totoo: Kinasihan mismo ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya na gamitin ang kaniyang pangalan nang libo-libong ulit, at inutusan niya ang mga sumasamba sa kaniya na gamitin ang pangalan niya. (Isaias 42:8; Joel 2:32; Malakias 3:16; Roma 10:13) Sa katunayan, hinatulan ng Diyos ang mga bulaang propeta na nagtangkang ipalimot sa mga tao ang kaniyang pangalan.—Jeremias 23:27.
Maling akala: Bilang pagsunod sa tradisyon ng mga Judio, dapat alisin ang pangalan ng Diyos sa Bibliya.
Ang totoo: Talagang may mga eskribang Judio na tumangging bigkasin ang pangalan ng Diyos. Pero hindi naman nila ito inalis sa mga kopya ng kanilang Bibliya. Anuman ang nangyari, ayaw ng Diyos na sundin natin ang mga tradisyon ng tao na iba sa kaniyang mga utos.—Mateo 15:1-3.
Maling akala: Hindi dapat gamitin sa Bibliya ang pangalan ng Diyos dahil hindi naman alam kung paano ito binibigkas sa Hebreo.
Ang totoo: Ipinahihiwatig ng ganitong pangangatuwiran na inaasahan ng Diyos na bibigkasin nang pare-pareho ng mga tao ang kaniyang pangalan kahit iba-iba ang kanilang wika. Pero ipinakikita ng Bibliya na iba-iba ang bigkas ng mga mananamba ni Jehova noon, na nagsasalita ng iba’t ibang wika, sa mga pangalang pantangi.
Bilang halimbawa, isaalang-alang natin ang hukom ng Israel na si Josue. Malamang na Yehoh·shuʹaʽ ang magiging bigkas ng mga unang-siglong Kristiyano na nagsasalita ng Hebreo sa kaniyang pangalan, samantalang I·e·sousʹ naman ang sasabihin ng mga nagsasalita ng Griego. Ang saling Griego ng pangalang Hebreo ni Josue ang iniuulat ng Bibliya, na nagpapakitang ang ginagamit ng mga Kristiyano noon ay ang anyo ng mga pangalang pantangi na karaniwan sa kanilang wika.—Gawa 7:45; Hebreo 4:8.
Puwede ring ikapit ang simulaing ito sa pagsasalin sa pangalan ng Diyos. Ang higit na mahalaga kaysa sa pagpili ng wastong bigkas ay ang pagsasauli sa pangalan ng Diyos sa tamang dako nito sa Bibliya.
a Ginamit ni Tyndale ang anyong “Iehouah” sa kaniyang salin ng unang limang aklat ng Bibliya. Sa paglipas ng panahon, nagbago ang wikang Ingles, at ang ispeling ng pangalan ng Diyos ay ginawang moderno. Halimbawa, noong 1612, ginamit ni Henry Ainsworth ang anyong “Iehovah” sa pagsasalin niya sa aklat ng Mga Awit. Nang nirebisa niya ang salin na iyan noong 1639, ginamit niya ang anyong “Jehovah.” Sa katulad na paraan, ginamit ng mga tagapagsalin ng Bibliyang American Standard Version, na inilathala noong 1901, ang anyong “Jehovah” kung saan lumilitaw ang pangalan ng Diyos sa tekstong Hebreo.
b Ang New Catholic Encyclopedia, Ikalawang Edisyon, Tomo 14, pahina 883-884, ay nagsasabi: “Mga ilang panahon pagkatapos ng Pagkatapon, sinimulang ituring na napakasagrado ng pangalang Yahweh para bigkasin, at naging kaugalian nang palitan ito ng salitang ADONAI o ELOHIM.”
c Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Appendix A4, “The Divine Name in the Hebrew Scriptures,” sa New World Translation of the Holy Scriptures.
d Tingnan ang Theological Lexicon of the Old Testament, Tomo 2, pahina 523-524.