Paano Ako Makaiiwas sa Sexual Harassment?
Ang sagot ng Bibliya
Isaalang-alang ang mga praktikal na mungkahing ito mula sa Bibliya:
Maging pormal. Maging palakaibigan at magalang sa mga katrabaho mo, pero iwasang magbigay ng impresyon na tinatanggap mo ang ipinapakita nilang seksuwal na interes.—Mateo 10:16; Colosas 4:6.
Manamit nang mahinhin. Ang pagsusuot ng mapang-akit na damit ay nagbibigay ng maling impresyon. Ang payo ng Bibliya ay manamit nang “may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”—1 Timoteo 2:9.
Maging matalino sa pagpili ng mga kaibigan. Kung sumasama ka sa mga taong pumapayag sa flirting o pananantsing, malamang na gawin din iyon sa iyo.—Kawikaan 13:20.
Huwag sumali sa maruruming usapan. Magpaalam ka na kapag napunta ang usapan sa “kalaswaan, mga usapang walang kabuluhan o malaswang pagbibiro.”—Efeso 5:4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Iwasan ang mga alanganing sitwasyon. Halimbawa, huwag basta-basta pumayag kapag niyaya kang huwag munang umuwi pagkatapos ng trabaho nang walang makatuwirang dahilan.—Kawikaan 22:3.
Maging matatag at prangka. Kapag may nambastos sa iyo, deretsahan mong sabihin sa kaniya na hindi mo gusto ang ginawa niya. (1 Corinto 14:9) Halimbawa, puwede mong sabihin: “Dikit ka nang dikit, nakakaasiwa ka. Itigil mo ’yan.” Puwede mo rin siyang sulatan. Sabihin mo kung ano ang ginawa niya, ano ang datíng nito sa iyo, at ano ang gusto mong mangyari. Linawin mo sa kaniya na naninindigan ka sa iyong moral at relihiyosong paniniwala.—1 Tesalonica 4:3-5.
Humingi ng tulong. Kung hindi pa rin siya tumigil sa pambabastos, sabihin mo ito sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan, kapamilya, o katrabaho o sinumang nakaaalam kung paano tutulong sa isang biktima. (Kawikaan 27:9) Maraming biktima ng sexual harassment ang natulungan ng panalangin. Kahit hindi mo pa nasubukang manalangin, makapagtitiwala ka na tutulungan ka ni Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan.”—2 Corinto 1:3.
Dahil sa sexual harassment, napakahirap ng kalagayan sa trabaho ng milyun-milyon, pero maaaring makatulong ang Bibliya.