‘Parangalan ang Iyong Ama at Ina’—Paano?
Ang sagot ng Bibliya
Ang utos na “parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina” ay madalas na lumilitaw sa Bibliya. (Exodo 20:12; Deuteronomio 5:16; Mateo 15:4; Efeso 6:2, 3) Maaari itong gawin sa apat na paraan.
Pahalagahan sila. Pinararangalan mo ang iyong ama at ina kung tumatanaw ka ng utang na loob sa lahat ng ginawa nila para sa iyo. Maipakikita mong mapagpasalamat ka kung pinahahalagahan mo ang ibinibigay nilang patnubay. (Kawikaan 7:1, 2; 23:26) Hinihimok ka ng Bibliya na ituring ang mga magulang mo bilang iyong “kagandahan,” ibig sabihin, ipinagmamalaki mo sila.—Kawikaan 17:6.
Kilalanin ang kanilang awtoridad. Lalo na habang bata ka pa, pinararangalan mo ang iyong ama at ina kapag kinikilala mo ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa kanila. Sinasabi ng Colosas 3:20 sa mga kabataan: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay lubhang kalugud-lugod sa Panginoon.” Kahit si Jesus ay handang sumunod sa kaniyang mga magulang noong bata pa siya.—Lucas 2:51.
Pakitunguhan sila nang may paggalang. (Levitico 19:3; Hebreo 12:9) Kadalasan na, maipakikita mo ito sa pamamagitan ng mga sinasabi mo at kung paano mo ito sinasabi. Totoo, kung minsan ay baka mahirap igalang ang ilang magulang dahil sa kanilang ginagawa. Sa gayong kalagayan, mapararangalan pa rin ng mga anak ang kanilang mga magulang kung iiwasan nila ang walang-galang na pananalita at pagkilos. (Kawikaan 30:17) Itinuturo ng Bibliya na ang panlalait sa ama o ina ay malubhang kasalanan.—Mateo 15:4.
Paglaanan sila. Kapag tumanda na ang iyong mga magulang, baka kailanganin nila ang praktikal na tulong. Mapararangalan mo sila kung gagawin mo ang iyong buong makakaya para mailaan ang mga pangangailangan nila. (1 Timoteo 5:4, 8) Halimbawa, bago mamatay si Jesus, isinaayos niya na may mangangalaga sa kaniyang ina.—Juan 19:25-27.
Mga maling akala tungkol sa pagpaparangal sa ama at ina
Maling akala: Bilang pagpaparangal sa iyong ama at ina, dapat na hayaan ninyong mag-asawa na kontrolin nila ang inyong pagsasama.
Ang totoo: Itinuturo ng Bibliya na priyoridad mo ang kaugnayan mo sa iyong asawa, hindi ang iyong mga kamag-anak. Sinasabi sa Genesis 2:24: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa.” (Mateo 19:4, 5) Totoo naman, ang mag-asawa ay maaaring makinabang sa payo ng kanilang mga magulang o biyenan. (Kawikaan 23:22) Gayunman, hindi dapat hayaan ng mag-asawa na labis na maimpluwensiyahan ng mga kamag-anak ang kanilang pagsasama.—Mateo 19:6.
Maling akala: Ang awtoridad ng iyong ama at ina ang dapat na laging masunod.
Ang totoo: Bagaman binigyan ng Diyos ng awtoridad ang mga magulang sa loob ng pamilya, may limitasyon ang lahat ng awtoridad ng tao—hindi ito nakahihigit sa awtoridad ng Diyos. Halimbawa, nang utusan ng mataas na hukuman ang mga alagad ni Jesus na huwag sumunod sa Diyos, sinabi nila: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:27-29) Gayundin, sinusunod ng mga anak ang kanilang mga magulang “kaisa ng Panginoon,” ibig sabihin, sa lahat ng bagay na hindi salungat sa mga batas ng Diyos.—Efeso 6:1.
Maling akala: Ang pagpaparangal sa iyong ama at ina ay nangangahulugan na dapat mong tanggapin ang kanilang relihiyosong paniniwala.
Ang totoo: Hinihimok tayo ng Bibliya na suriin kung ang itinuturo sa atin ay katotohanan. (Gawa 17:11; 1 Juan 4:1) Kapag ginawa ito ng isa, sa bandang huli ay posibleng pumili siya ng relihiyon na iba sa relihiyon ng kaniyang mga magulang. Binabanggit ng Bibliya ang maraming tapat na lingkod ng Diyos na hindi sumunod sa relihiyon ng kanilang mga magulang, gaya nina Abraham, Ruth, at apostol Pablo.—Josue 24:2, 14, 15; Ruth 1:15, 16; Galacia 1:14-16, 22-24.
Maling akala: Para maparangalan mo ang iyong ama at ina, dapat kang makibahagi sa tradisyonal na mga ritwal ng pagsamba sa ninuno.
Ang totoo: Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Lucas 4:8) Hindi kalugod-lugod sa Diyos ang taong sumasamba sa kaniyang mga ninuno. Itinuturo din ng Bibliya na ‘ang mga patay ay walang anumang kabatiran.’ Hindi na nila nalalaman na pinararangalan sila, ni maaari man nilang tulungan o saktan ang mga buháy.—Eclesiastes 9:5, 10; Isaias 8:19.