May Pangalan ba ang Diyos?
Ang sagot ng Bibliya
Bawat tao ay may pangalan. Kaya makatuwiran lang na magkaroon din ng pangalan ang Diyos. Kung gusto mong maging kaibigan ang isang tao, napakahalagang malaman at gamitin ang pangalan niya. Hindi ba ganiyan din pagdating sa pakikipagkaibigan natin sa Diyos?
Sa Bibliya, sinasabi ng Diyos: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.” (Isaias 42:8) Kahit na marami siyang titulo gaya ng “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” “Soberanong Panginoon,” at “Maylalang,” inaanyayahan pa rin niya ang kaniyang mga mananamba na tawagin siya sa personal niyang pangalan.—Genesis 17:1; Gawa 4:24; 1 Pedro 4:19.
Makikita sa maraming salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos sa Exodo 6:3. Sinasabi nito: “Nagpakita ako noon kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ngunit may kinalaman sa aking pangalang Jehova ay hindi ako nagpakilala sa kanila.”
Daan-daang taon nang ginagamit sa wikang Ingles ang Jehovah (Jehova sa Tagalog) para tumukoy sa pangalan ng Diyos. Pinipili ng maraming iskolar ang ispeling na “Yahweh” pero mas kinikilala ng marami ang pangalang Jehova. Ang unang bahagi ng Bibliya ay hindi isinulat sa Ingles, kundi sa Hebreo, isang wikang binabasa mula kanan pakaliwa. Sa wikang iyon, ang banal na pangalan ay may apat na katinig, יהוה. Ang apat na titik na Hebreo—na may transliterasyong YHWH—ay tinatawag na Tetragrammaton.