May Asawa ba si Jesus? May mga Kapatid ba si Jesus?
Ang sagot ng Bibliya
Nililinaw ng Bibliya na walang asawa si Jesus, bagaman wala itong espesipikong sinasabi tungkol sa kaniyang pag-aasawa. a Suriin ang sumusunod.
Madalas banggitin sa Bibliya ang pamilya ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kaniya sa ministeryo at naroon nang siya ay patayin, pero wala itong binabanggit na may asawa siya. (Mateo 12:46, 47; Marcos 3:31, 32; 15:40; Lucas 8:2, 3, 19, 20; Juan 19:25) Ang pinakaposibleng dahilan kung bakit walang binanggit ang Bibliya tungkol dito ay dahil hindi kailanman nag-asawa si Jesus.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa pananatiling walang asawa para higit na makapaglingkod sa Diyos: “Siya na makapaglalaan ng dako para rito [pagiging walang asawa] ay maglaan ng dako para rito.” (Mateo 19:10-12) Nagbigay siya ng parisan sa mga nagpasiyang huwag nang mag-asawa para mas makapagpokus sa paglilingkod sa Diyos.—Juan 13:15; 1 Corinto 7:32-38.
Bago mamatay si Jesus, ipinagbilin niya ang pangangalaga sa kaniyang ina. (Juan 19:25-27) Kung nag-asawa si Jesus o nagkaanak, dapat tiniyak niya na may maglalaan din para sa kanila.
Ginamit ng Bibliya si Jesus bilang halimbawa sa mga asawang lalaki, pero hindi ito tumutukoy sa paraan ng pakikitungo niya sa isang asawang babae. Sa halip, sinasabi nito: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efeso 5:25) Kung talagang nag-asawa si Jesus noong narito siya sa lupa, hindi ba dapat lang na ang sakdal na halimbawa niya bilang asawang lalaki ang ginamit sa talatang iyan?
May mga kapatid ba si Jesus?
Mayroon. Hindi kukulangin sa anim ang kapatid ni Jesus. Kasama rito sina Santiago, Jose, Simon, Judas, at mga kapatid na babae. (Mateo 13:54-56; Marcos 6:3) Sila ay tunay na mga anak nina Jose at Maria, ang ina ni Jesus. (Mateo 1:25) Tinawag ng Bibliya si Jesus na ang “panganay” ni Maria, ibig sabihin, may iba pa siyang anak.—Lucas 2:7.
Mga maling akala tungkol sa mga kapatid ni Jesus
Para suportahan ang ideya na nanatiling birhen si Maria sa buong buhay niya, iba-iba ang ibinigay na kahulugan sa terminong “mga kapatid.” Halimbawa, inaakala ng ilan na ang mga kapatid ni Jesus ay mga anak na lalaki ni Jose sa unang asawa. Pero ipinakikita ng Bibliya na minana ni Jesus ang legal na karapatan sa pagkahari na ipinangako kay David. (2 Samuel 7:12, 13; Lucas 1:32) Kung may mga anak si Jose bago si Jesus, dapat sana ang pinakamatanda sa mga ito ang naging legal na tagapagmana ni Jose.
Ang tinutukoy kayang “mga kapatid” ni Jesus ay ang mga alagad niya, o espirituwal na mga kapatid? Ang ideyang ito ay salungat sa itinuturo ng Kasulatan, yamang sinasabi ng Bibliya na may panahon na “ang kaniyang mga kapatid, sa katunayan, ay hindi nananampalataya sa kaniya.” (Juan 7:5) Ipinakikita ng Bibliya na ang mga kapatid ni Jesus ay iba sa kaniyang mga alagad.—Juan 2:12.
Ayon sa isa pang teoriya, ang mga kapatid ni Jesus ay mga pinsan niya. Pero magkakaibang salita ang ginamit ng Griyegong Kasulatan para sa “kapatid,” “kamag-anak,” at “pinsan.” (Lucas 21:16; Colosas 4:10) Kinikilala ng maraming iskolar sa Bibliya na ang mga kapatid na lalaki at babae ni Jesus ay talagang mga kapatid niya. Halimbawa, sinasabi ng The Expositor’s Bible Commentary: “Ang pinakasimpleng kahulugan ng salitang ‘kapatid’ . . . ay na tumutukoy ito sa mga anak na lalaki nina Maria at Jose at kung gayon, sa mga kapatid ni Jesus sa ina.” b
a Tinutukoy ng Bibliya si Kristo na isang kasintahang-lalaki, pero malinaw na ipinakikita ng konteksto na ito ay makasagisag.—Juan 3:28, 29; 2 Corinto 11:2.
b Tingnan din ang The Gospel According to St. Mark, Ikalawang Edisyon, ni Vincent Taylor, pahina 249, at ang A Marginal Jew—Rethinking the Historical Jesus, ni John P. Meier, Tomo 1, pahina 331-332.