Dapat Bang Ipangilin ng mga Kristiyano ang Sabbath?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi hinihiling sa mga Kristiyano na ipangilin ang lingguhang sabbath. Ang mga Kristiyano ay nasa ilalim ng “kautusan ng Kristo,” at hindi kasama rito ang pangingilin ng Sabbath. (Galacia 6:2; Colosas 2:16, 17) Paano tayo nakatitiyak? Una, isaalang-alang ang pinagmulan ng Sabbath.
Ano ang Sabbath?
Ang salitang “sabbath” ay galing sa salitang Hebreo na nangangahulugang “magpahinga; maglikat.” Una itong lumitaw sa Bibliya sa mga utos na ibinigay sa sinaunang Israel. (Exodo 16:23) Halimbawa, sinasabi ng ikaapat sa Sampung Utos: “Bilang pag-alaala sa araw ng sabbath upang ituring itong sagrado, ikaw ay maglilingkod at gagawin mo ang lahat ng iyong gawain sa anim na araw. Ngunit ang ikapitong araw ay sabbath kay Jehova na iyong Diyos. Huwag kang gagawa ng anumang gawain.” (Exodo 20:8-10) Ang araw ng Sabbath ay nagsisimula sa paglubog ng araw ng Biyernes hanggang sa paglubog ng araw ng Sabado. Sa panahong iyon, ang mga Israelita ay hindi maaaring lumabas ng kanilang lugar, magpaningas ng apoy, manguha ng kahoy, o magdala ng pasan. (Exodo 16:29; 35:3; Bilang 15:32-36; Jeremias 17:21) Ang paglabag sa Sabbath ay kasalanang may parusang kamatayan.—Exodo 31:15.
Tinatawag ding sabbath ang iba pang araw sa kalendaryong Judio, gayundin ang ika-7 at ika-50 taon. Sa mga taon ng Sabbath, hindi bubungkalin ang lupa at hindi maaaring pilitin ang mga Israelita na magbayad ng utang.—Levitico 16:29-31; 23:6, 7, 32; 25:4, 11-14; Deuteronomio 15:1-3.
Bakit hindi kapit sa mga Kristiyano ang kautusan ng Sabbath?
Ang kautusan ng Sabbath ay kapit lang sa bayan na nasa ilalim ng Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises. (Deuteronomio 5:2, 3; Ezekiel 20:10-12) Hindi kailanman hiniling ng Diyos sa ibang bayan na sundin ang isang sabbath na kapahingahan. Bukod diyan, kahit ang mga Judio ay ‘pinalaya mula sa Kautusan’ ni Moises, kasali na ang Sampung Utos, sa pamamagitan ng hain ni Jesu-Kristo. (Roma 7:6, 7; 10:4; Galacia 3:24, 25; Efeso 2:15) Sa halip na manghawakan sa Kautusan ni Moises, sinusunod ng mga Kristiyano ang nakahihigit na kautusan ng pag-ibig.—Roma 13:9, 10; Hebreo 8:13.
Mga maling akala tungkol sa Sabbath
Maling akala: Itinatag ng Diyos ang Sabbath nang magpahinga siya noong ikapitong araw.
Ang totoo: Sinasabi ng Bibliya: “Pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado, sapagkat noon ay nagpapahinga na siya mula sa lahat ng kaniyang gawa na nilalang ng Diyos upang gawin.” (Genesis 2:3) Ang talatang ito ay hindi kautusan para sa tao, kundi sinasabi lang nito kung ano ang ginawa ng Diyos noong ikapitong araw ng paglalang. Walang binabanggit ang Bibliya na sinuman na nangilin sa araw ng Sabbath bago ang panahon ni Moises.
Maling akala: Ang mga Israelita ay nasa ilalim na ng kautusan ng Sabbath bago pa nila tinanggap ang Kautusan ni Moises.
Ang totoo: Sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Si Jehova na ating Diyos ay nakipagtipan sa atin sa Horeb,” ang lugar sa palibot ng Bundok Sinai. Kasama sa tipang ito ang kautusan ng Sabbath. (Deuteronomio 5:2, 12) Ipinakikita ng karanasan ng mga Israelita na bago sa kanila ang Sabbath. Kung ang mga Israelita ay nasa ilalim na ng kautusan ng Sabbath samantalang nasa Ehipto pa sila, paano ipaaalaala ng Sabbath ang kanilang kaligtasan mula sa Ehipto gaya ng sinabi ng Diyos na gagawin nito? (Deuteronomio 5:15) Bakit kinailangan silang sabihan na huwag mamulot ng manna sa ikapitong araw? (Exodo 16:25-30) At bakit hindi nila alam kung ano ang gagawin sa kaso ng unang tao na lumabag sa kautusan ng Sabbath?—Bilang 15:32-36.
Maling akala: Ang Sabbath ay isang walang-hanggang pakikipagtipan kaya dapat pa rin itong sundin.
Ang totoo: Binabanggit sa ilang salin ng Bibliya ang Sabbath bilang isang “walang hanggang pakikipagtipan.” (Exodo 31:16, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Pero ang salitang Hebreo na isinaling “walang hanggan” ay maaari ding mangahulugang “tumatagal hanggang sa walang takdang panahon sa hinaharap,” anupat hindi laging nangangahulugan na magpakailanman. Halimbawa, ginagamit ng Bibliya ang salitang ito para ilarawan ang pagkasaserdote sa Israel, na winakasan ng Diyos mga 2,000 taon na ang nakalipas.—Exodo 40:15; Hebreo 7:11, 12.
Maling akala: Dapat ipangilin ng mga Kristiyano ang Sabbath yamang ipinangilin ito ni Jesus.
Ang totoo: Ipinangilin ni Jesus ang Sabbath dahil Judio siya. At bilang isang Judio, obligado siyang sundin ang Kautusan ni Moises. (Galacia 4:4) Pagkamatay ni Jesus, inalis ang tipang Kautusang ito, pati na ang Sabbath.—Colosas 2:13, 14.
Maling akala: Ipinangilin ni apostol Pablo ang Sabbath bilang isang Kristiyano.
Ang totoo: Pumupunta si Pablo sa mga sinagoga kung Sabbath, pero hindi para ipangilin ang Sabbath gaya ng mga Judio. (Gawa 13:14; 17:1-3; 18:4) Sa halip, bilang kaugalian, ipinangaral niya ang mabuting balita sa mga sinagoga, dahil maaari namang mag-anyaya ng tagapagsalita para magpahayag sa mga nagkakatipon doon para sumamba. (Gawa 13:15, 32) Nangaral si Pablo “bawat araw,” hindi lang kung Sabbath.—Gawa 17:17.
Maling akala: Ang Sabbath ng mga Kristiyano ay Linggo.
Ang totoo: Walang iniuutos ang Bibliya sa mga Kristiyano na italaga ang Linggo, ang unang araw ng sanlinggo, para magpahinga at sumamba. Para sa unang mga Kristiyano, ang Linggo ay isang araw ng trabaho gaya ng iba pang araw. Sinasabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Noon lamang ika-4 na siglo na ang Linggo ay naging sabbath, nang ipag-utos ni Constantino [paganong emperador ng Roma] na hindi dapat gawin ang ilang uri ng gawain kung Linggo.” a
Kumusta naman ang mga talata na waring nagpapahiwatig na isang pantanging araw ang Linggo? Sinasabi ng Bibliya na si apostol Pablo ay kumaing kasama ng mga kapananampalataya noong Linggo, ang “unang araw ng sanlinggo,” pero makatuwiran lang ito yamang aalis si Pablo kinabukasan. (Gawa 20:7) Sa katulad na paraan, ang ilang kongregasyon ay sinabihang magbukod ng pera kung Linggo, ang “unang araw ng sanlinggo,” para sa gawaing pagtulong. Pero praktikal na mungkahi lang ito para sa personal na pagbabadyet. Ang mga kontribusyon ay itinatago sa bahay, at hindi ibinibigay sa dakong pinagpupulungan.—1 Corinto 16:1, 2.
Maling akala: Maling magtalaga ng isang araw bawat sanlinggo para magpahinga at sumamba.
Ang totoo: Ipinauubaya ng Bibliya ang pasiyang iyan sa bawat Kristiyano.—Roma 14:5.
a Tingnan din ang New Catholic Encyclopedia, Ikalawang Edisyon, Tomo 13, pahina 608.