Kailan ang Katapusan ng Mundo?
Ang sagot ng Bibliya
Para malaman kung kailan ang katapusan ng mundo, mahalagang maunawaan kung paano ginagamit ng Bibliya ang terminong “mundo” o “sanlibutan.” Ang salitang Griego na koʹsmos, na karaniwang isinasalin na “sanlibutan,” ay kadalasang tumutukoy sa sanlibutan ng sangkatauhan, lalo na sa mga taong hiwalay sa Diyos at salungat sa kaniyang kalooban. (Juan 15:18, 19; 2 Pedro 2:5) Kung minsan, ang koʹsmos ay tumutukoy sa sistema ng lipunan ng tao.—1 Corinto 7:31; 1 Juan 2:15, 16. a
Ano ang “katapusan ng mundo”?
Ang pananalitang “katapusan ng mundo,” na lumilitaw sa maraming salin ng Bibliya, ay maaari ding isalin na “katapusan ng sistemang ito,” o “katapusan ng panahon.” (Mateo 24:3; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Hindi ito nangangahulugan ng pagkapuksa ng lupa o ng lahat ng tao, kundi ng katapusan ng sistema ng lipunan ng tao.—1 Juan 2:17.
Itinuturo ng Bibliya na “ang masasama ay lilipulin” upang magkaroon ng masayang buhay sa lupa ang mabubuting tao. (Awit 37:9-11) Ang pagkapuksang ito ay mangyayari sa “malaking kapighatian,” na magtatapos sa digmaan ng Armagedon.—Mateo 24:21, 22; Apocalipsis 16:14, 16.
Kailan ang katapusan ng mundo?
Sinabi ni Jesus: “Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama lang.” (Mateo 24:36, 42) Sinabi pa niya na ang pagdating ng wakas ay biglaan, “sa oras na hindi ninyo inaasahan.”—Mateo 24:44.
Kahit na hindi natin alam ang eksaktong araw at oras, nagbigay si Jesus ng “tanda,” o mga pangyayari, na magpapakilala sa yugto ng panahon na hahantong sa katapusan ng mundo. (Mateo 24:3, 7-14) Tinatawag ng Bibliya ang yugtong ito bilang ang “panahon ng wakas” at “mga huling araw.”—Daniel 12:4; 2 Timoteo 3:1-5.
May matitira pa ba makalipas ang katapusan ng mundo?
Mayroon. Naririto pa rin ang lupa, sapagkat sinasabi ng Bibliya na “hindi ito magagalaw sa lugar nito magpakailanman.” (Awit 104:5) At ang lupa ay mapupunô ng mga tao, gaya ng pangako ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Ibabalik ng Diyos ang mga kalagayan ayon sa kaniyang orihinal na layunin:
Paraiso.—Isaias 35:1; Lucas 23:43.
Katiwasayan at kasaganaan.—Mikas 4:4.
Makabuluhan at kasiya-siyang gawain para sa lahat.—Isaias 65:21-23.
Wala nang magkakasakit at tatanda.—Job 33:25; Isaias 33:24.
a Ang salitang Griego na ai·onʹ ay isinasalin din sa ilang Bibliya bilang “sanlibutan.” Kapag ganito ang pagkakasalin, ang ai·onʹ ay katulad ng kahulugan ng koʹsmos na tumutukoy sa sistema ng lipunan ng tao.