Ano ang Kaban ng Tipan?
Ang sagot ng Bibliya
Ang kaban ng tipan ay isang sagradong pahabang kahon na ginawa ng sinaunang mga Israelita ayon sa utos at disenyo ng Diyos. Dito inilagay at iningatan ang “Patotoo,” ang Sampung Utos na nakasulat sa dalawang tapyas na bato.—Exodo 25:8-10, 16; 31:18.
Pagkakagawa. Ang Kaban ay may haba na 2.5 siko, lapad na 1.5 siko, at taas na 1.5 siko (111 × 67 × 67 sentimetro; 44 × 26 × 26 na pulgada). Ito ay gawa sa kahoy ng akasya, binalutan ng ginto sa loob at labas, at nilagyan ng artistikong sinepa, o border, sa palibot nito. Sa takip nito, na gawa sa purong ginto, ay may nakapatong na dalawang ginintuang kerubin, isa sa magkabilang dulo. Magkaharap ang mga ito, nakayukod ang mga ulo, at ang mga pakpak ay nakaunat nang paitaas at lumililim sa ibabaw ng takip. May apat na argolyang hinulmang ginto sa ibabaw ng mga paa ng Kaban. Ang mahahabang pingga na gawa sa kahoy ng akasya na binalutan ng ginto ay nakasuot sa mga argolya para sa pagbuhat sa Kaban.—Exodo 25:10-21; 37:6-9.
Lokasyon. Noong una, ang Kaban ay nasa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo, isang naililipat-lipat na tolda ng pagsamba na ginawa kasabay ng Kaban. Ang Kabanal-banalan ay may tabing at hindi nakikita ng mga saserdote at ng ibang mga tao. (Exodo 40:3, 21) Ang mataas na saserdote lamang ang nakakakita sa Kaban kapag pumapasok siya sa silid na ito, minsan isang taon sa Araw ng Pagbabayad-Sala. (Levitico 16:2; Hebreo 9:7) Nang maglaon, ang Kaban ay inilipat sa Kabanal-banalan sa templo ni Solomon.—1 Hari 6:14, 19.
Layunin. Ang Kaban ay nagsilbing lalagyan ng sagradong mga bagay na magpapaalaala sa mga Israelita tungkol sa pakikipagtipan, o pakikipagkasundo, sa kanila ng Diyos sa Bundok Sinai. May mahalagang papel din ito sa seremonya kapag Araw ng Pagbabayad-Sala.—Levitico 16:3, 13-17.
Mga Bagay na Nasa Kaban. Ang mga tapyas ng bato kung saan isinulat ang Sampung Utos ang unang inilagay sa Kaban. (Exodo 40:20) Nang maglaon, inilagay rin doon ang isang ginintuang banga na may manna at ang “tungkod ni Aaron na nag-usbong.” (Hebreo 9:4; Exodo 16:33, 34; Bilang 17:10) Maliwanag na ang banga at ang tungkod ay inalis sa kalaunan, dahil wala na ang mga iyon sa Kaban nang ilipat ito sa templo.—1 Hari 8:9.
Pagbuhat. Ang Kaban ay dapat pasanin ng mga Levita sa kanilang balikat sa pamamagitan ng mga pingga na gawa sa kahoy ng akasya. (Bilang 7:9; 1 Cronica 15:15) Hindi inaalis sa Kaban ang mga pingga, kaya hindi ito kailangang hawakan ng mga Levita. (Exodo 25:12-16) Ang “tumatabing na kurtina” na nasa pagitan ng Banal at Kabanal-banalan ang ipinantatakip sa Kaban kapag pinapasan ito.—Bilang 4:5, 6. a
Simbolo. Ang Kaban ay iniuugnay sa presensiya ng Diyos. Halimbawa, ang ulap na lumitaw sa itaas ng Kaban sa Kabanal-banalan at sa mga kampamento ng mga Israelita ay tanda ng presensiya at pagpapala ni Jehova. (Levitico 16:2; Bilang 10:33-36) Sinasabi rin ng Bibliya na si Jehova ay “nakaupo sa trono niya sa ibabaw ng mga kerubin,” na tumutukoy sa dalawang kerubin na nasa takip ng Kaban. (1 Samuel 4:4; Awit 80:1) Kaya ang mga kerubing ito ay “kawangis ng karo” ni Jehova. (1 Cronica 28:18) Dahil sa isinasagisag ng Kaban, maaaring isulat ni Haring David na si Jehova ay “tumatahan sa Sion” pagkatapos ilipat doon ang Kaban.—Awit 9:11.
Katawagan. Iba’t ibang katawagan ang ginagamit ng Bibliya para sa sagradong kaban, kasali na rito ang “kaban ng patotoo,” “kaban ng tipan,” “kaban ni Jehova,” at ‘Kaban ng lakas ni Jehova.’—Bilang 7:89; Josue 3:6, 13; 2 Cronica 6:41.
Ang takip ng Kaban ay tinatawag na “panakip na pampalubag-loob,” o “luklukan ng awa.” (1 Cronica 28:11; King James Version) Ang terminong ito ay tumutukoy sa pantanging gamit ng panakip tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala, kapag iwiniwisik ng mataas na saserdote ng Israel ang dugo ng mga haing hayop sa harap ng takip. Ang ginagawang ito ng mataas na saserdote ay pagbabayad-sala, o pagtatakip, sa mga kasalanan “para sa kaniyang sarili at para sa kaniyang sambahayan at para sa buong kongregasyon ng Israel.”—Levitico 16:14-17.
Umiiral pa ba ngayon ang kaban ng tipan?
Walang ebidensiya na umiiral pa ito. Ipinakikita ng Bibliya na hindi na kailangan ang Kaban dahil ang tipan na iniuugnay rito ay pinalitan na ng “bagong tipan,” na nakasalig sa hain ni Jesus. (Jeremias 31:31-33; Hebreo 8:13; 12:24) Kaya inihula ng Bibliya na darating ang panahon na mawawala na ang kaban ng tipan, pero hindi ito hahanapin ng mga lingkod ng Diyos.—Jeremias 3:16.
Sa isang pangitaing ibinigay kay apostol Juan noong maitatag na ang bagong tipan, nakita sa langit ang kaban ng tipan. (Apocalipsis 11:15, 19) Ang simbolikong Kaban na iyon ay kumakatawan sa presensiya ng Diyos at sa kaniyang pagpapala sa bagong tipan.
Anting-anting ba ang Kaban?
Hindi. Ang kaban ng tipan ay hindi naging garantiya ng tagumpay. Halimbawa, kahit nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban nang makipagbaka sila sa lunsod ng Ai, natalo sila dahil sa kawalang-katapatan ng isang Israelita. (Josue 7:1-6) Nang maglaon, natalo sila ng mga Filisteo kahit dala nila sa labanan ang kaban ng tipan. Iyon ay dahil sa kasamaan ng mga saserdoteng Israelita na sina Hopni at Pinehas. (1 Samuel 2:12; 4:1-11) Nabihag ng mga Filisteo ang Kaban sa labanang iyon, subalit sinalot sila ng Diyos hanggang sa ibalik nila ito sa Israel.—1 Samuel 5:11–6:5.
Taon (B.C.E.) |
Pangyayari |
---|---|
1513 |
Ginawa ni Bezalel at ng kaniyang mga katulong gamit ang mga materyales na iniabuloy ng mga Israelita.—Exodo 25:1, 2; 37:1. |
1512 |
Pinasinayaan ni Moises kasama ang tabernakulo at ang pagkasaserdote.—Exodo 40:1-3, 9, 20, 21. |
1512—Pagkatapos ng 1070 |
Inilipat sa iba’t ibang lokasyon.—Josue 18:1; Hukom 20:26, 27; 1 Samuel 1:24; 3:3; 6:11-14; 7:1, 2. |
Pagkatapos ng 1070 |
Dinala ni Haring David sa Jerusalem.—2 Samuel 6:12. |
1026 |
Inilipat sa templo ni Solomon sa Jerusalem.—1 Hari 8:1, 6. |
642 |
Ibinalik ni Haring Josias sa templo.—2 Cronica 35:3. b |
Bago 607 |
Lumilitaw na inalis sa templo. Hindi ito binanggit sa listahan ng mga gamit na dinala sa Babilonya nang wasakin ang templo noong 607 B.C.E. o sa listahan ng mga gamit na ibinalik sa Jerusalem.—2 Hari 25:13-17; Ezra 1:7-11. |
63 |
Sinabi ni Heneral Pompey ng Roma na hindi ito nakita nang lupigin niya ang Jerusalem at inspeksiyunin ang Kabanal-banalan ng templo. c |
a Matinding parusa ang daranasin ng mga Israelita kapag sinuway nila ang kautusan ng Diyos tungkol sa pagbuhat at pagtatakip sa Kaban.—1 Samuel 6:19; 2 Samuel 6:2-7.
b Hindi binabanggit ng Bibliya kung kailan ito inalis, kung bakit, o kung sino ang nag-alis.
c Tingnan ang The Histories, ni Tacitus, Book V, parapo 9.