Bakit Nangyari ang Holocaust? Bakit Hindi Ito Pinigilan ng Diyos?
Marami sa nagtatanong nito ay nawalan ng mga ari-arian at mahal sa buhay. Hindi lang sila naghahanap ng kasagutan kundi gusto rin nilang maibsan ang sakit na nararamdaman nila. Para sa iba, ang Holocaust ang pinakamasamang ginawa ng tao, at dahil dito ay nahihirapan silang maniwalang may Diyos.
Maling mga paniniwala tungkol sa Diyos at sa Holocaust
Maling akala: Hindi dapat magtanong kung bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ang Holocaust.
Ang totoo: May mga taong matibay ang pananampalataya pero nagtanong kung bakit hinahayaan ng Diyos ang kasamaan. Halimbawa, tinanong ng propetang si Habakuk ang Diyos: “Bakit mo ipinahihintulot na ang karahasan, katampalasanan, krimen, at kalupitan ay lumaganap kahit saan?” (Habakuk 1:3, Contemporary English Version) Sa halip na sawayin si Habakuk, ang mga tanong niya ay ipinasulat ng Diyos sa Bibliya para mabasa nating lahat.
Maling akala: Walang pakialam ang Diyos sa pagdurusa ng tao.
Ang totoo: Nasusuklam ang Diyos sa kasamaan at sa pagdurusang idinudulot nito. (Kawikaan 6:16-19) Noong panahon ni Noe, ang Diyos ay “nasaktan sa kaniyang puso” dahil sa laganap na karahasan sa lupa. (Genesis 6:5, 6) Siguradong napakasakit din sa Diyos ang nangyaring Holocaust.—Malakias 3:6.
Maling akala: Ang Holocaust ay parusa ng Diyos sa mga Judio.
Ang totoo: Hinayaan ng Diyos na wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong unang siglo. (Mateo 23:37–24:2) Pero mula noon, hindi na pumipili ang Diyos ng isang partikular na lahi para pagpalain o parusahan. Sa paningin ng Diyos, “walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego.”—Roma 10:12.
Maling akala: Kung may Diyos na mapagmahal at makapangyarihan-sa-lahat, tiyak na pinigilan niya ang Holocaust.
Ang totoo: Hindi mula sa Diyos ang mga pagdurusa. Pero kung minsan, pansamantala niya itong hinahayaang mangyari.—Santiago 1:13; 5:11.
Bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ang Holocaust?
Gaya ng lahat ng pagdurusa ng tao, hinayaan ng Diyos na mangyari ang Holocaust para masagot ang mahahalagang isyu na ibinangon matagal na panahon na ang nakalilipas. Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang Diyablo, at hindi ang Diyos, ang namamahala ngayon sa daigdig. (Lucas 4:1, 2, 6; Juan 12:31) May dalawang saligang katotohanan sa Bibliya na makatutulong para masagot kung bakit hinayaan ng Diyos ang Holocaust.
Nilalang ng Diyos ang tao na may kalayaang magpasiya. Sinabi ng Diyos sa unang mga tao, sina Adan at Eva, ang mga dapat nilang gawin, pero hindi niya sila pinilit na sumunod. Sa halip na sundin ang Diyos, sila ang nagpasiya kung ano ang mabuti at masama para sa kanila, at dahil sa maling pasiya nila—at gayundin ng mga tao sa buong kasaysayan—dumanas ang sangkatauhan ng matinding pagdurusa. (Genesis 2:17; 3:6; Roma 5:12) Gaya nga ng sinasabi ng aklat na Statement of Principles of Conservative Judaism: “Karamihan ng pagdurusa sa daigdig ay dahil sa maling paggamit natin sa ipinagkaloob sa ating kalayaang magpasiya.” Sa halip na bawiin ang ating kalayaang magpasiya, binigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang hiwalay sa kaniya.
Kayang alisin ng Diyos ang lahat ng pinsalang idinulot ng Holocaust at gagawin niya iyon. Ipinangangako ng Diyos na milyun-milyon ang bubuhayin niyang muli, kasama na ang mga biktima ng Holocaust. Papawiin din niya ang sakit na nadarama ng mga nakaligtas sa Holocaust. (Isaias 65:17; Gawa 24:15) Dahil mahal ng Diyos ang mga tao, tiyak na tutuparin niya ang kaniyang mga pangako.—Juan 3:16.
Napanatili ng marami sa mga biktima ng Holocaust ang kanilang pananampalataya at naging makabuluhan ang buhay nila dahil nauunawaan nila kung bakit hinahayaan ng Diyos ang kasamaan at na aalisin niya ang lahat ng idinulot nito.