Pinapatibay ang Iba Kahit May Problema sa Kalusugan
Si Clodean ay isang Saksi ni Jehova na nakatira sa South Africa. Na-admit siya sa ospital at kinailangang maoperahan. Marami siyang komplikasyon sa kalusugan, at kailangan niyang mamili ng paraan ng paggagamot sa kaniya. Bago at pagkatapos ng operasyon, nakaranas siya ng pagkapagod, mga iniindang sakit, at stress. Kahit mga 10 linggo na siyang nakauwi sa bahay nila, hindi niya pa rin kayang bumangon. At dahil sa COVID-19 pandemic, hindi siya madalaw ng iba.
Ayaw ni Clodean na maawa na lang sa sarili niya kaya nanalangin siya sa Diyos na magkaroon siya ng lakas para patibayin ang iba. Kaya noong nakakabangon na siya, kinontak niya agad ang kapatid ng kapitbahay niya na dating Bible study na ng mga Saksi. Napatibay ang babae at nagpasiyang ituloy ang Bible study niya dahil sa sinabi ni Clodean mula sa salita ng Diyos. Ipinaliwanag din ni Clodean kung paano siya makikinabang kapag dumalo siya sa mga Kristiyanong pagpupulong. Tinulungan din niya ang Bible study niya kung paano makaka-connect sa pulong sa pamamagitan ng videoconference. Kumonek ang Bible study niya at nakapagkomento pa nga sa pulong.
Kinausap din ni Clodean ang mas batang kapatid nito na gusto ring mag-Bible study. At sinabi nito kay Clodean na may mga kakilala siya na baka gusto ring magpa-Bible study. Dahil dito, nagkaroon si Clodean ng apat pang Bible study na babae. Pero hindi lang iyan!
Dahil talagang nagmamalasakit si Clodean sa iba, nagkaroon pa siya ng 10 Bible study na babae. Lahat ito, sa panahon lang ng pandemic. Kaya mayroon na siyang 16 na Bible study ngayon! Ang ilan sa mga ito ay regular nang dumadalo sa mga pulong sa pamamagitan ng videoconference. Dahil abalang-abala si Clodean sa mga bagay na ito, nakakalimutan na niya ang sarili niyang sitwasyon. Para sa kaniya, nagagawa niyang aliwin ang iba dahil inaliw siya ni Jehova, “ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.”—2 Corinto 1:3, 4.
Ano ang masasabi ng mga Bible study ni Clodean sa mga natutuhan nila? Isa sa kanila ang nagsabi: “Marami akong nagustuhan sa mga natutuhan ko. Pero ang pinakagusto ko ay n’ong malaman ko ang pangalan ng Diyos. Natulungan ako nitong maging malapít kay Jehova.” Kumusta naman ang babaeng unang kinontak ni Clodean? Pinag-iisipan na niya ngayong magpabautismo. Dahil sa mga karanasang ito ni Clodean, naging masaya siya. Ngayon, naka-recover na siya sa operasyon niya.