Paglilingkod kay Jehova sa Mahirap na Panahon sa Venezuela
Nitong nakaraang mga taon, naranasan ng Venezuela ang pinakamalalang problema sa lipunan at ekonomiya. Sinabi ni Edgar, isang Saksi ni Jehova, “Sa loob lang ng ilang taon, biglang bumagsak ang halaga ng pera kaya napakahirap ng buhay. Para kaming lumipat ng ibang bansa nang hindi naman kami umaalis ng bahay.”
Ano ang nakatulong kay Edgar? Sinabi niya: “Pinag-isipan namin ng asawa kong si Carmen ang halimbawa ng mga misyonerong lumipat sa mahihirap na bansa. Natuto silang mabuhay kung ano lang ang mayroon doon. Napatibay kami nito na pasimplehin ang buhay namin at sumubok ng mga bagong bagay, gaya ng pagtatanim ng sarili naming pagkain.”
Pero hindi lang iyon ang ginawa nina Edgar at Carmen. Tumulong din sila sa iba pang kapatid, pati na sa mga nade-depress. (1 Tesalonica 5:11) Sinabi ni Edgar, “Hindi lang namin sila pinatibay, pinasigla din namin sila na tulungan ang iba para maranasan din nila ang saya sa pagtulong sa mga nangangailangan.”—Gawa 20:35.
Pinagpala ang mga Pagsisikap sa Ministeryo
Nang magsimula ang COVID-19 pandemic, sinikap ni Argenis na magpatotoo sa mga kamag-anak niya. Pumayag ang ilan sa kanila na magpa-Bible study gamit ang telepono.
May mga kamag-anak si Argenis na walang Internet connection, pero gusto niya na makapanood din sila ng 2020 regional convention. May isang Saksi sa kabilang bayan na nagbigay sa kanila ng kopya ng programa ng kombensiyon. Pagkatapos, nanghiram ang mga kamag-anak ni Argenis ng malaking TV at mga speaker. Tinawagan naman sila ni Argenis para manalangin bago manood ng programa. Apat sa mga kamag-anak niya at 15 iba pa ang nakapanood ng kombensiyon.
Napakilos ng Pananampalataya at Pag-ibig
Ang mag-asawang Jairo at Johana lang ang may sasakyan sa kongregasyon nila, kaya iyon ang ginagamit nila sa pagtulong sa iba. Pero ang problema, mahirap makabili ng gasolina sa Venezuela. Sinabi ni Jairo, “Ilang oras kaming pumipila, minsan pa nga inaabot kami nang magdamag para lang makapagpagasolina.”
Para kay Jairo, sulit na sulit ang pagsisikap na tumulong. Sinabi niya: “Ang saya-saya namin kapag naghahatid kami ng mga suplay sa mga kapatid kasi nagpapasalamat sila kay Jehova. Nakikita nila na inilalaan ni Jehova ang lahat ng pangangailangan nila.”—2 Corinto 9:11, 14.
Makakatulong ang Lahat
Kahit 28 years old na si Sister Norianni, naiisip niya na baka napakabata pa niya para makatulong sa iba. Pero nabasa niya ang 1 Timoteo 4:12: “Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo. Kaya maging halimbawa ka sa mga tapat.”
Napatibay siya ng tekstong ito na tulungan ang mga may-edad nang kakongregasyon niya. Tinulungan niya sila sa pagle-letter writing at isinasama pa nga niya sila sa mga Bible study niya. Tinatawagan din niya sila at pinapadalhan ng nakakapagpatibay na mga text message. Sinabi ni Norianni, “Ipinakita sa akin ni Jehova na marami akong puwedeng gawin.”
Napapaharap ang mga kapatid natin sa Venezuela sa napakaraming problema. Pero masipag pa rin sila sa ministeryo at “talagang napalalakas” nila ang isa’t isa.—Colosas 4:11; 2 Timoteo 4:2.