Paglalakbay Papunta sa Maroni River
Malayo sa abalang buhay sa lunsod, maraming tao na iba’t iba ang tribo, wika, at lahi ang nakatira sa maulang kagubatan ng Amazon sa South America. Kaya noong Hulyo 2017, naglakbay ang isang grupo, na binubuo ng 13 Saksi ni Jehova, papunta sa Maroni River at sa sakop nitong mga lugar sa silangan sa French Guiana. Bakit? Para maipangaral ang pag-asang nasa Bibliya sa mga tao na nakatira sa mga nayon sa kahabaan ng ilog.
Paghahanda Para sa Paglalakbay
Isang buwan bago ang 12-araw na paglalakbay, nagpulong ang mga sasama para magplano. “Pinag-aralan namin ang pupuntahan namin, pati na ang kasaysayan nito. Inisip din namin kung paano kami maghahanda sa paglalakbay,” ang sabi ni Winsley. Lahat sila ay nagdala ng lalagyang hindi mapapasok ng tubig at doon nila inilagay ang kanilang duyan at kulambo. Sa buong paglalakbay, kailangan nilang sumakay ng eroplano nang dalawang beses at maglakbay nang ilang oras sakay ng maliliit na bangka.
Ano ang naramdaman ng mga naimbitahan sa paglalakbay na ito? Ang imbitasyon ay agad na tinanggap nina Claude at Lisette, na parehong mga 65 anyos na. “Tuwang-tuwa ako, pero medyo natatakot din,” ang sabi ni Claude. “Sabi nila, delikado raw ang mga ilog doon.” Iba naman ang inaalala ni Lisette: “Iniisip ko kung paano ako makikipag-usap sa mga Amerindian,” ang sabi niya.
Ganiyan din ang naramdaman ni Mickaël. “Wala kaming masyadong alam tungkol sa tribo ng Wayana,” ang sabi niya, “kaya nag-research kami sa Internet para matuto ng ilang salita at pagbati sa wika nila.”
Si Shirley, na kasama ang mister niyang si Johann sa paglalakbay, ay gumawa naman ng listahan ng mga wika ng mga taong nakatira sa kahabaan ng ilog. “Nag-download kami sa jw.org ng mga video sa mga wikang iyon, at nakakuha kami ng isang phrase book sa wikang Wayana,” ang sabi niya.
Pagdating sa Lugar ng mga Amerindian
Noong Martes, Hulyo 4, sumakay ang grupo sa isang eroplano sa Saint-Laurent du Maroni papunta sa Maripasoula, isang maliit na bayan sa loob ng French Guiana.
Makalipas ang apat na araw, sumakay ang grupo sa maliliit na bangkang de-motor na tinatawag na pirogue para mapangaralan ang mga taganayon sa Upper Maroni. “Nakita namin na talagang interesado ang mga Amerindian sa mga paksa sa Bibliya,” ang sabi ni Roland, isa sa mga miyembro ng grupo. “Ang dami nilang tanong, at gusto ng ilan na magpa-Bible study.”
Sa isang nayon, nakilala naman nina Johann at Shirley ang isang mag-asawang may kamag-anak na nagpakamatay kamakailan lang. “Ipinapanood namin sa kanila ang video na Nakilala ng Isang Katutubong Amerikano ang Kaniyang Maylalang,” na nasa JW Broadcasting, ang sabi ni Johann. “Na-touch sa video ang mag-asawa. Ibinigay nila sa amin ang kanilang e-mail address para mapanatili ang komunikasyon namin.”
Ang pinakamalayong nayon na napuntahan ay ang Antécume Pata. Doon, pumayag ang pinuno ng nayon na ilagay ng pagód na mga Saksi ang kanilang mga duyan sa pampublikong lugar. Naligo rin sila sa ilog, gaya ng ginagawa ng mga Amerindian.
Mula roon, pumunta ang grupo sa nayon ng Twenké, kung saan nadatnan nila ang mga tagaroon na nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay. “Pinayagan kami ng ‘Grand Man,’ ang pinuno ng tribo nila, na puntahan at tulungan ang mga nagdadalamhati,” ang sabi ni Éric, isa sa mga nag-organisa ng paglalakbay. “Nagustuhan ng pinuno at ng pamilya niya ang mga teksto na binasa namin sa kanila gamit ang isang Wayana Bible. Ipinapanood din namin sa kanila ang mga video tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli.”
Papuntang Grand-Santi at Apatou
Ang kasunod ay kalahating oras na paglalakbay sakay ng eroplano mula Maripasoula papunta sa maliit na bayan ng Grand-Santi. Noong Martes at Miyerkules, ibinahagi ng grupo sa mga tao roon ang mensahe ng Bibliya. Noong Huwebes naman, naglakbay ang mga Saksi nang lima at kalahating oras papunta sa nayon ng Apatou.
Bago ang huling araw ng paglalakbay, bumisita ang grupo sa magubat na nayon ng mga Maroon, na ang mga ninuno ay mga aliping African na dinala sa South America noong kolonya pa ang kalapit na bansang Suriname. Inimbitahan sila ng mga Saksi sa isang pulong sa kagubatan kung saan may isang malaking tolda na para talaga sa okasyong iyon. “Nakakataba ng puso na makita na ang daming dumalo,” ang sabi ni Claude. “Noong umaga lang namin sila inimbitahan!” Si Karsten, na unang beses pa lang nakasama sa paglalakbay sa loob ng French Guiana, ang nagbigay ng pahayag pangmadla sa wikang Aukan na may temang “Ganito na Lamang ba ang Buhay?” Ang dumalo ay 91 katao mula sa iba’t ibang nayon.
“Gusto Na Naming Bumalik!”
Matapos ang paglalakbay, umuwi na ang grupo sa Saint-Laurent du Maroni. Tuwang-tuwa ang lahat dahil sa positibong pagtugon ng mga tao. Napakarami nilang naipamahaging publikasyon at marami rin silang naipapanood na mga video ng mga Saksi ni Jehova.
“Sobrang saya ko na sumama ako sa paglalakbay na iyon,” ang sabi ni Lisette. Sumang-ayon si Cindy: “Kung mauulit ito, kahit magmakaawa pa ako para lang makasama ulit. Kung gusto mong maranasan kung gaano kasaya, kailangang sumama ka!”
Dahil sa paglalakbay na iyon, gustong-gusto ng mga kapatid na bumalik. “Gusto na naming bumalik!” ang sabi ni Mickaël. Si Winsley ay lumipat sa Saint-Laurent du Maroni. Sina Claude at Lisette, na parehong halos 65 anyos na, ay lumipat naman sa Apatou.