Sulat sa Ilalim ng Washing Machine
Matapos mabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova sa Russia, umuwi si Zarina sa Central Asia, at determinado siyang palakihin sa katotohanan ang dalawa niyang anak na babae. Dahil kaunti lang ang pera niya, sama-sama sila ng kaniyang magulang, kapatid, at hipag sa bahay na may iisang kuwarto lang. Pinagbawalan siya ng mga magulang niya na turuan ang mga anak niya sa Bibliya. Sinabihan rin nila ang mga anak ni Zarina na huwag makikipag-usap sa nanay nila tungkol sa Bibliya.
Pinag-isipan ni Zarina kung paano niya matuturuan ang mga anak niya tungkol kay Jehova. (Kawikaan 1:8) Kaya nanalangin siya nang nanalangin kay Jehova para gabayan siya at tulungan. Kumilos rin si Zarina. Isinama niya sa paglalakad ang mga anak niya at tinuruan sila tungkol sa mga kamangha-manghang likha ng Diyos. Malaki ang naitulong nito para maging interesado ang mga anak niya sa Maylikha.
Pagkatapos, nag-isip pa si Zarina ng ibang paraan para higit silang maturuan gamit ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? a Isinusulat niya nang salita-por-salita sa mga piraso ng papel ang mga parapo at tanong sa aklat. Dinadagdagan niya ito ng maikling paliwanag para mas maunawaan nila ito. Pagkatapos, itatago niya ang mga sulat at ang lapis sa ilalim ng washing machine sa banyo. Doon binabasa ng mga anak niya ang mga isinulat niya at sinasagutan ang mga tanong.
Sa ganoong paraan, naturuan niya ang mga anak niya sa dalawang kabanata ng Itinuturo ng Bibliya bago sila nakahanap ng malilipatan. Nang makalipat na sila, malaya na niyang naturuan ang kaniyang mga anak. Noong Oktubre 2016, parehong nabautismuhan ang anak niya, at napakasaya nila dahil naging maingat at matalino ang nanay nila para maturuan sila sa Bibliya.
a Marami sa ngayon ang gumagamit ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.