Tumutulong ba ang mga Saksi ni Jehova sa mga Biktima ng Sakuna?
Oo, ang mga Saksi ni Jehova ay tumutulong kapag may sakuna. Naglalaan kami ng praktikal na tulong sa mga Saksi at di-Saksi, kaayon ng tagubilin ng Bibliya sa Galacia 6:10: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” Sinisikap din naming tumulong sa emosyonal at espirituwal na paraan na kailangang-kailangan ng mga biktima sa gayong mga panahon.—2 Corinto 1:3, 4.
Pag-oorganisa
Pagkatapos ng isang sakuna, kinokontak ng mga elder ng mga kongregasyon sa nasalantang lugar ang lahat ng nakaugnay sa mga kongregasyong iyon para malaman kung ligtas sila at kung anong tulong ang kailangan nila. Pagkatapos, iuulat naman ng mga elder sa lokal na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang resulta ng kanilang surbey at ginawang pagtulong.
Kung hindi kayang ilaan ng mga kongregasyon sa lugar na iyon ang tulong, isinasaayos ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova na maglaan ng mga kailangan. Katulad ito ng pangangalaga ng unang mga Kristiyano sa isa’t isa nang magkaroon ng taggutom. (1 Corinto 16:1-4) Inaatasan ng tanggapang pansangay sa lugar na iyon ang mga Disaster Relief Committee para organisahin at pangasiwaan ang gawain. Ang mga Saksi mula sa ibang lugar ay naglalaan ng kanilang panahon at salapi para makatulong.—Kawikaan 17:17.
Paglalaan ng pondo
Ang isa sa mga pinaggagamitan ng donasyong ipinadadala sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ay ang pagtulong sa mga biktima ng mga sakuna. (Gawa 11:27-30; 2 Corinto 8:13-15) Yamang boluntaryo ang mga manggagawa, ang nakalaang pondo ay nagagamit para sa aktuwal na tulong at hindi sa pagpapasuweldo sa mga nangangasiwa. Maingat kami sa paggamit ng lahat ng donasyon.—2 Corinto 8:20.