Naniniwala ba ang mga Saksi ni Jehova sa Matandang Tipan?
Oo. Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang buong Bibliya ay “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Timoteo 3:16) Kasama riyan ang Matandang Tipan at ang Bagong Tipan, gaya ng karaniwang tawag dito. Tinatawag ng mga Saksi ni Jehova ang mga bahaging ito ng Bibliya na Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa gayon, naiiwasan namin na magbigay ng impresyon na ang ilang bahagi ng Bibliya ay lipas na sa panahon o di-mahalaga.
Bakit kailangan ng mga Kristiyano ang Matandang Tipan at ang Bagong Tipan?
Sa patnubay ng Diyos, sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo.” (Roma 15:4) Kaya may mahalagang impormasyon para sa atin sa Hebreong Kasulatan. Naglalaan din ito ng makasaysayang mga ulat at praktikal na payo.
Makasaysayang mga ulat. Ang Hebreong Kasulatan ay naglalaman ng detalyadong ulat tungkol sa paglalang at pagkakasala ng tao. Kung wala ang impormasyong ito, hindi natin malalaman ang kasiya-siyang sagot sa mga tanong na gaya ng: Saan tayo nagmula? Bakit namamatay ang mga tao? (Genesis 2:7, 17) Higit sa lahat, iniuulat ng Hebreong Kasulatan ang pakikitungo ng Diyos na Jehova sa mga tao na nakadarama ng kagalakan at dumaranas ng mga problemang gaya ng sa atin.—Santiago 5:17.
Praktikal na payo. Ang mga aklat ng Bibliya na Kawikaan at Eclesiastes, na bahagi ng Hebreong Kasulatan, ay naglalaman ng di-kumukupas na karunungan para sa buhay. Nagbibigay ang mga ito ng payo kung paano magkakaroon ng maligayang buhay pampamilya (Kawikaan 15:17), timbang na pangmalas sa trabaho (Kawikaan 10:4; Eclesiastes 4:6), at kung paano gagamitin ng mga kabataan ang kanilang kalakasan sa pinakamainam na paraan (Eclesiastes 11:9–12:1).
Karagdagan pa, makikinabang tayo sa pag-aaral ng Kautusang Mosaiko gaya ng nakaulat sa Torah (ang unang limang aklat ng Bibliya). Bagaman wala na sa ilalim ng Kautusang iyon ang mga Kristiyano, naglalaman ito ng mahahalagang simulain na makatutulong sa atin na magkaroon ng maligayang buhay.—Levitico 19:18; Deuteronomio 6:5-7.