Nagsasagawa Ba ng Interfaith ang mga Saksi ni Jehova?
Bilang mga Saksi ni Jehova, natutuwa kaming ipakipag-usap sa mga tao ng lahat ng relihiyon ang mga bagay na may kaugnayan sa pananampalataya, pero hindi kami nagsasagawa ng interfaith sa pamamagitan ng pagsambang kasama ng mga may ibang paniniwala. Ipinakikita ng Bibliya na ang mga tunay na Kristiyano ay “magkakasuwatong pinagbubuklod,” at ang pagkakaisa ng paniniwala ay isang tampok na bahagi ng pagkakasuwatong ito. (Efeso 4:16; 1 Corinto 1:10; Filipos 2:2) Higit pa ito sa basta pagkakasundo sa mga katangiang gaya ng pag-ibig, pagkamahabagin, at pagpapatawad. Ang aming relihiyosong paniniwala ay batay sa tumpak na kaalaman mula sa Bibliya, anupat kung wala ito, ang aming pananampalataya ay magiging walang kabuluhan.—Roma 10:2, 3.
Ikinukumpara ng Bibliya ang pagsambang kasama ng mga tao na may ibang paniniwala sa pagpasan ng pamatok na hindi pantay, na makapipinsala sa pananampalataya ng isang Kristiyano. (2 Corinto 6:14-17) Kaya hindi pinayagan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na magsagawa ng interfaith. (Mateo 12:30; Juan 14:6) Sa katulad na paraan, pinagbawalan ng Kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang sinaunang mga Israelita na sumama sa pagsamba ng mga bayang malapit sa kanila. (Exodo 34:11-14) Nang maglaon, tinanggihan ng tapat na mga Israelita ang tulong na maaaring lumikha ng relihiyosong pakikipag-alyansa sa mga may ibang pananampalataya.—Ezra 4:1-3.
Nakikipag-usap ba ang mga Saksi ni Jehova sa mga taong may ibang pananampalataya?
Oo. Gaya ni apostol Pablo, interesado kaming maunawaan ang iniisip at paniniwala ng “pinakamaraming tao” sa aming ministeryo. (1 Corinto 9:19-22) Sa aming pakikipag-usap, sinisikap naming ikapit ang payo ng Bibliya na magpakita ng “matinding paggalang” sa iba.—1 Pedro 3:15.