Bakit Kinakausap Uli ng mga Saksi ni Jehova ang mga Tao na Nagsabi Nang “Hindi Ako Interesado”?
Dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, gustong ibahagi ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng Bibliya sa lahat ng tao, pati sa mga nagsabi nang “Hindi ako interesado.” (Mateo 22:37-39) Pag-ibig sa Diyos ang nagpapakilos sa amin na sundin ang utos ng kaniyang Anak na “lubusang magpatotoo.” (Gawa 10:42; 1 Juan 5:3) Kaya naman paulit-ulit naming dinadala ang mensahe ng Diyos gaya ng ginawa ng sinaunang mga propeta ng Diyos. (Jeremias 25:4) Mahal namin ang aming kapuwa, kaya sinisikap naming sabihin ang nagliligtas-buhay na ‘mabuting balita ng kaharian’ sa lahat ng tao, pati na sa mga dating hindi interesado rito.—Mateo 24:14.
Sa maraming pagkakataon, kahit wala kaming nakausap na interesado sa bahay, may naaabutan kaming interesadong makinig pagbalik namin doon. Pansinin ang tatlong dahilan:
Lumilipat ang mga tao.
Ang ibang nakatira sa bahay ay interesado sa aming mensahe.
Nagbabago ang mga tao. Dahil sa mga pangyayari sa daigdig o sa personal na mga kalagayan, ang ilan ay nagiging mas “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” at handa nang makinig sa mensahe ng Bibliya. (Mateo 5:3) Kahit ang mga salansang ay maaaring magbago ng isip gaya ng nangyari kay apostol Pablo.—1 Timoteo 1:13.
Pero hindi namin ipinipilit sa iba ang aming mensahe. (1 Pedro 3:15) Naniniwala kami na kung pagsamba ang pag-uusapan, ang bawat tao ay dapat magpasiya para sa kaniyang sarili.—Deuteronomio 30:19, 20.