Isang Kampanya na Nagligtas ng Maraming Buhay
Dahil sa mataas na bilang ng mga nagpapakamatay sa estado ng Tabasco sa Mexico, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-organisa ng dalawang-buwang espesyal na kampanya noong 2017 para muling ipamahagi ang Abril 2014 na isyu ng Gumising! na may pamagat na “Bakit Pa Kailangang Mabuhay?—May Tatlong Dahilan.” Labis na pinahalagahan ang kampanya.
Tulong sa Tamang Panahon
Nakausap ni Faustino, isang Saksi ni Jehova, ang isang babae na nababahala sa kaniyang 22-anyos na anak na lalaki na may depresyon at nagtangkang magpakamatay. Hindi alam ng babae kung paano niya matutulungan ang kaniyang anak. Pero nang ialok ni Faustino sa kaniya ang magasin, sinabi niya, “Ito ang kailangan ng anak ko.” Kinabukasan, dinalaw ni Faustino ang anak ng babae, at tinalakay nila ang payo ng Bibliya na nasa magasin. Makalipas ang ilang pagdalaw, kapansin-pansin ang pagbabago sa saloobin ng anak. Sinabi ni Faustino, “Mukha na siyang mas relaks at mas masaya ngayon.”
Bukod diyan, ibinabahagi niya ang mga natututuhan niya sa kaniyang kapatid na mayroon ding depresyon.
Tinulungan naman ni Karla, na nakatira sa lunsod ng Huimanguillo, ang isa niyang kaklase gamit ang magasin. “Napansin kong malungkot ang isa kong kaklase na 14 anyos,” ang sabi ni Karla. “Kinausap ko siya, at ikinuwento niya ang sitwasyon ng kaniyang pamilya. Habang nag-uusap kami, nakita kong may mga pilat ang kaniyang kaliwang kamay.” Hinihiwa ng babaeng ito ang kaniyang mga kamay at binti. Pakiramdam niya, pangit siya at walang halaga ang buhay niya. Binigyan siya ni Karla ng magasing Gumising! Matapos niyang basahin ito, sinabi niya kay Karla na para bang isinulat ang magasin na iyon para sa kaniya. Nakangiti niyang sinabi na naniniwala na siya na sulit ang mabuhay.
Sa lunsod ng Villahermosa, may isang problemadong lalaki. Nawalan siya ng trabaho, at iniwan siya ng kaniyang asawa at mga anak. Nanalangin siya sa Diyos para sa tulong, pero pakiramdam pa rin niya ay wala nang pag-asa. Magpapakamatay na sana siya nang biglang kumatok sa kaniyang pintuan ang dalawang Saksi ni Jehova, sina Martín at Miguel. Pagkabukas niya ng pinto, inalukan siya ng mga Saksi ng magasing Gumising! Nang makita ng lalaki ang pamagat, pakiramdam niya, dininig ng Diyos ang kaniyang panalangin. Tinulungan siya nina Martín at Miguel gamit ang Bibliya, at makalipas ang ilang araw, mas kontrolado na ng lalaki ang kaniyang emosyon at mas kalmado na rin siya. Ngayon, nagba-Bible study sila dalawang beses sa isang linggo.
Nakatanggap ng Magandang Balita ang mga Bilanggo
Kasama sa kampanyang ito ang pagbisita ng mga Saksi sa mga bilangguan sa estado ng Tabasco para tulungan ang mga bilanggo na magkaroon ng layunin sa buhay. Naghanda ang mga Saksi ng isang presentasyon na may mga video, isang pahayag sa Bibliya, at isang pagtalakay tungkol sa mga dahilan para patuloy na mabuhay na itinampok sa magasin. Pinahalagahan ito ng mga bilanggo at ng mga nagtatrabaho sa bilangguan. Halimbawa, isang bilanggo ang nagsabi: “Tatlong beses ko nang tinangkang magpakamatay. May mga nagsabi sa akin na nagmamalasakit sa akin ang Diyos, pero hindi naman nila ipinakita sa Bibliya kung totoo nga iyon. Talagang napatibay ninyo ako.”
Marami ang nakapansin sa kampanyang ito. Pinapurihan ng kalihim ng kalusugan ang mga Saksi dahil sa pagtulong nila sa komunidad, at isang artikulo tungkol sa kampanya na may pamagat na “They Go Out to Fight Suicide” ang inilathala ng isang lokal na pahayagan.