Pumunta sa nilalaman

Mga Larawang Pantulong sa Aming mga Mambabasa

Mga Larawang Pantulong sa Aming mga Mambabasa

Maraming publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ang may makukulay na larawang nagsisilbing pantulong sa mga artikulo, pero hindi dating ganoon. Halimbawa, ang unang isyu ng Zion’s Watch Tower na inilathala noong 1879 ay walang larawan. Sa loob ng maraming dekada, puro letra lang ang makikita sa aming mga publikasyon, na may pailan-ilang larawan o litratong black and white.

Sa ngayon, punô na ng larawan ang marami sa aming mga publikasyon. Sarili naming mga artist at photographer ang naglalaan ng karamihan sa artwork, larawan, at litrato na makikita sa aming mga publikasyon at sa website na ito. Kailangan ang maingat at masusing pagre-research para makalikha ng mga larawang nagtuturo ng mahahalagang katotohanan mula sa kasaysayan at sa Bibliya.

Halimbawa, tingnan ang larawang kasama ng artikulong ito na unang lumitaw sa kabanata 19 ng aklat na ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos.’ Ang tagpo ay sa sinaunang Corinto. Gaya ng inilalarawan sa kabanata 18 ng aklat ng Bibliya na Mga Gawa, si apostol Pablo ay nakatayo sa harap ng bema, o luklukan ng paghatol. Ang mga researcher ay nagbigay sa artist ng impormasyon tungkol sa mga tuklas sa arkeolohiya may kinalaman sa posisyon at kulay ng mga istrakturang marmol na makikita sa lugar kung saan malamang na humarap si Pablo kay Galio. Nagbigay rin ang mga researcher ng impormasyon tungkol sa Romanong kasuutan noong unang siglo. Ito ang dahilan kung kaya ang proconsul na si Galio, na nasa gitna ng larawan, ay makikitang nakamaharlikang kasuutan. May suot siyang tunika at toga na may malapad na purpurang payping at sapatos na calcei. Itinawag-pansin ng mga researcher na kung nakatayo si Galio sa bema, malamang na nakaharap siya sa hilagang-kanluran. Sa gayon, nagkaideya ang artist tungkol sa lighting ng eksenang ito.

Organisado at Maayos

Gumagawa kami ng listahan ng mga larawan para maidokumento ang mga ito at magamit uli sa susunod. Sa loob ng maraming taon, ang artwork at mga larawan ay ipina-file namin sa malalaking envelope ayon sa publikasyong pinaggamitan sa mga ito. Ang mga litrato ay naka-file ayon sa paksa. Nang dumami ang mga file, naging mas mahirap nang hanapin o gamitin uli ang mga larawan.

Noong 1991, nakabuo kami ng isang searchable database na tamang-tama sa aming pangangailangan. Tinatawag itong Image Services System at nakapagtala na ito nang mahigit 440,000 larawan. Bukod sa mga larawang lumabas na sa ating mga publikasyon, libu-libo pang litrato ang nakalista rito na magagamit sa hinaharap.

Nakarekord ang lahat ng detalye—kung kailan at saan ginamit ang larawan, ang pangalan ng mga taong nasa larawan, ang yugto ng panahong ipinakikita roon, at iba pa. Kapag naghahanda ng mga bagong publikasyon, malaking tulong kung madaling makita ang angkop na mga larawan.

Kung minsan, humihingi kami ng permiso na magamit ang ilang litratong pag-aari ng iba. Halimbawa, baka kailangan namin ng litrato ng mga ring ng Saturn para sa isang artikulo sa Gumising! Maghahanap ng angkop na litrato ang aming staff at kokontakin nila ang may-ari nito para humingi ng permiso. Bilang pagkilala sa aming pandaigdig na gawaing pagtuturo sa Bibliya, ang ilan ay nagbibigay agad ng permiso. Hinihiling naman ng iba na magbayad tayo o maglagay ng credit line. Kapag nagkasundo, ang larawan ay puwede nang gamitin sa aming publikasyon at itatala ito sa aming database.

Sa ngayon, ang ilan sa aming publikasyon ay halos punô ng larawan. Halimbawa, sa website na ito ay may mga Isinalarawang Kuwento sa Bibliya; dito at sa inimprentang publikasyon, mayroon ding makukulay na brosyur, gaya ng Listen to God, na nagtuturo ng mahahalagang aral gamit ang iilang salita. Ang mga ito at ang iba pa naming inimprentang publikasyon at online media ay nagtataguyod sa Bibliya.