Pagbabalik-Tanaw sa Nakaraan
Isang eksibit tungkol sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ang binuksan noong Oktubre 2012 sa aming pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York. * Ang mga bisita ay makapaglilibot dito nang walang tour guide. Itinatampok ng eksibit ang pagpupunyagi, panganib, at tagumpay na naranasan ng ilan na nagsikap mamuhay bilang Kristiyano.
Ang mga bisita ay makababalik sa nakaraan, simula sa panahon ng mga Kristiyano noong 33 C.E. hanggang sa kasalukuyan. Ang eksibit ay may apat na seksiyon na may kani-kaniyang tema batay sa Kasulatan at pinagdurugtong ng time line. Sa pagpasok sa bawat seksiyon, may maikling video na mapakikinggan sa Ingles, at may subtitle sa anim na karagdagang wika—French, Italian, Japanese, Korean, Portuguese, at Spanish.
Mga Pangunahing Seksiyon ng Eksibit
Ang unang seksiyon na “Men Have Loved the Darkness” (“Inibig ng mga Tao ang Kadiliman”) ay batay sa mga salita ni Jesus sa Juan 3:19. Inihula ng Bibliya na may balakyot na mga tao na “babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit.” (Gawa 20:30) Makikita sa seksiyong ito ang maraming napakalungkot na alaala ng mga ginawa ng mga lalaking ito.
Ang ikalawang seksiyon ay may temang “Let the Light Shine” (“Pasikatin ang Liwanag”) na mababasa sa 2 Corinto 4:6. Ang time line para dito ay mula sa huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang sa unang bahagi ng ika-20 siglo. Ang seksiyong ito ay nagsisimula sa istorya ng masisigasig na lalaking muling nagsuri ng Kasulatan at nagsisiwalat sa pagsulong ng kanilang kaalaman at pagdami ng kanilang miyembro bago ang Digmaang Pandaigdig I.
Itinatampok ng kasunod na bahagi ng ikalawang seksiyong ito ang kilaláng produksiyon na tinatawag na “Photo-Drama of Creation.” Noong 1914, pinasimulan ng mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova) ang pagpapalabas ng pambihirang presentasyong ito, na pinagsama-samang larawan, pelikula, at audio recording. Mga ilang taon pagkatapos itong ilabas, milyun-milyon na ang nakapanood ng programang ito. Kasama sa eksibit ang ilan sa orihinal na ipinintang larawan, isang maikling video ng ilang bahagi ng introduksyon ng programa, at mahigit 500 slide na may kulay.
Ang ikatlong seksiyon ay may temang “The Dragon Grew Wrathful” (“Ang Dragon ay Napoot”), batay sa Apocalipsis 12:17. Ipinakikita rito ang pag-uusig na dinanas ng mga tagasunod ni Kristo noong unang bahagi ng ika-20 siglo at itinatampok ang nakaaantig na kuwento ng mga Kristiyano na nanatiling neutral sa panahon ng digmaan. Ipinakikita ng isang video clip ang kuwento ni Remigio Cuminetti, isang Saksi na tumangging magsuot ng uniporme ng militar ng Italy o makipaglaban noong Digmaang Pandaigdig I. Mayroon ding tungkol kay Alois Moser na taga-Austria. Tumanggi siyang magsabi ng “Heil Hitler!” kaya sinesante siya sa trabaho at nang maglaon ay ikinulong sa kampong piitan sa Dachau.
Sa seksiyon ding ito, may replika ng bilangguan na mapanglaw at bahagyang naiilawan. Sa loob nito ay may mga larawan ng mga Saksi ni Jehova mula sa mga bansang gaya ng Greece, Japan, Poland, at Serbia na ibinilanggo dahil sa kanilang pananampalataya.
Ang huling seksiyon ay may temang “Good News for All Nations” (“Mabuting Balita Para sa Lahat ng Bansa”) na batay sa Mateo 24:14. Ipinakikita rito ang gawain ng mga Saksi ni Jehova mula 1950 hanggang sa kasalukuyan. May mga larawang nagpapakita ng mabilis na pagsulong, matiyagang pangangaral, at pag-ibig na pangkapatid na pagkakakilanlan ng mga Saksi ni Jehova.
Sa bandang dulo ng eksibit, may mga touch-screen monitor na puwedeng gamitin ng mga bisita para makita ang mga larawan at drowing ng iba’t ibang bahagi ng Bible House at Brooklyn Tabernacle, mga gusaling ginamit ng mga Saksi ni Jehova mahigit 100 taon na ang nakalilipas.
Bakit May Eksibit?
Isang taóng pinlano at ilang buwang itinayo ang eksibit na ito. Ibinigay ng ilang Saksi mula sa iba’t ibang bansa ang mga bagay na minana nila bilang kontribusyon sa eksibit.
Bakit ginawa ang eksibit na ito? Nang tanungin ang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova kung ano ang magiging pakinabang ng mga Saksi ni Jehova sa tour na ito, binanggit niya ang isang kilaláng kasabihan sa Ingles: “Para malaman natin kung saan tayo patungo, kailangan nating malaman kung saan tayo nanggaling.”
^ par. 2 Ang eksibit ay nasa 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York, at bukás mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. Libre ang tour.