GEORGIY PORCHULYAN | KUWENTO NG BUHAY
“Pinalakas Ako ng Pag-ibig Ko kay Jehova”
Nang ipadala ako sa labor camp sa napakalamig na rehiyon ng Magadan, sa Siberia, 23 lang ako noon. Isang taon na akong bautisado bilang Saksi ni Jehova nang panahong iyon. Kulang pa ako sa karanasan noon at hindi ako maingat, kaya muntik na akong mapaaway nang subukan kong mangaral sa kasama ko sa bilangguan.
Dati akong Komunista, kaya bakit ako napasama sa isang grupo ng relihiyon na itinuturing na kumakalaban sa Estado? At paano nakatulong ang pag-ibig at pagsasanay ni Jehova sa akin para mapasulong ko ang mga katangian ko noong nandoon ako sa labor camp at noong tapon ako?
Paghahanap ng Katarungan at Kapayapaan ng Isip
Ipinanganak ako noong 1930, sa Tabani, isang mahirap na nayon sa hilaga ng Moldova. Napakasipag ng mga magulang ko, nagtatrabaho sila sa isang farm para mapakain nila kaming anim na magkakapatid. Mahirap lang ang pamilya namin. Miyembro ng Russian Orthodox Church si Nanay, at Katoliko naman si Tatay. Lagi nilang pinagtatalunan ang masasamang ugali ng mga pari.
Pagka-graduate ko sa edad na 18, sumali ako sa Komsomol, isang organisasyon ng mga kabataan na nagpapakalat ng mga turong Komunista. Tunguhin nito na hubugin ang mga kabataan para maging miyembro sila ng Partido Komunista. Bandang huli, ibinoto ako bilang secretary ng isang grupo. Nagustuhan ko ang turo nila na magkakapatid ang lahat ng tao at pantay-pantay. Pero nalungkot ako nang makita ko ang nangyayaring kawalang-katarungan at korapsiyon doon.
Dahil aktibong miyembro ako ng Komsomol, wala akong magawa kundi sundin ang utos ng Soviet Union a na isara ang mga simbahan at buwagin ang mga grupo ng relihiyon. May kilala akong mga Saksi ni Jehova sa lugar namin. Kahit napapansin ko na tapat sila at mapagpayapa, panatiko pa rin ang turing ko sa kanila. Ang hindi ko alam, isa pala sa kanila ang makakasagot sa maraming tanong ko sa buhay.
Isa sa mga Saksi ni Jehova sa lugar namin ang tito kong si Dimitriy. Minsan, mga bandang Mayo ng 1952, tinanong niya ako, “Ano’ng plano mong gawin sa buhay mo, Georgiy?” Natuwa ako, kasi nakita kong ganoon na lang ang pagmamalasakit niya sa akin. Ang totoo, ang dami ko talagang tanong sa isip ko. Halimbawa, lagi kong iniisip, ‘Kung may Diyos, bakit niya hinahayaang magdusa ang lahat ng tao?’ Mula noon, walong araw kaming nag-usap at sinagot ni Tito Dimitriy ang lahat ng tanong ko gamit ang Bibliya. Minsan nga inaabot kami nang hanggang alas-tres ng umaga!
Pagkatapos ng mga pag-uusap na iyon, nagpasiya akong pag-aralang mabuti ang Bibliya. Nalaman ko na mayroon akong Ama sa langit na talagang nagmamahal sa akin. (Awit 27:10) Kaunti lang ang alam ko sa Bibliya noon, pero mahal ko na si Jehova kaya nagdesisyon akong iwan ang Partido Komunista kahit pinagbabantaan ako ng chairman namin. Makalipas ang apat na buwan, mula nang mag-Bible study ako, inialay ko ang sarili ko kay Jehova noong Setyembre 1952, at nagpabautismo ako.
Nasubok ang Pag-ibig Ko kay Jehova
Ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova noon. Pero gusto kong ipakita sa gawa na mahal ko si Jehova, kaya nagboluntaryo ako na maghatid ng mga literatura sa Bibliya sa mga Saksing nakatira sa nayon namin. Delikado iyon, kasi kapag pinaghinalaan kami ng mga tagaroon, puwede nila kaming ireport sa awtoridad. Sa katunayan, pinaghihinalaan nga ako pati ng ilang Saksi, iniisip kasi nila na baka isa ako sa mga secret police na nagmamanman sa kongregasyon. Pero bandang huli, napatunayan din na hindi ako espiya. Dalawang buwan lang pagkatapos ng bautismo ko, naaresto ako at nakulong dahil sa paghahatid ng ipinagbabawal na mga literatura.
Halos isang taon ako sa pretrial detention. Maraming beses akong pinagtatatanong ng mga opisyal at talagang pursigido sila na sirain ang katapatan ko. Pero malalim na talaga ang pag-ibig ko sa Diyos na Jehova. Bandang huli, dininig ang kaso ko sa lunsod ng Odessa, Ukraine. Ipinatawag din sa korte ang mga magulang ko at mga kapatid na hindi pa mga Saksi ni Jehova noon.
Sa paglilitis na iyon, sinasabi nila na na-brainwash ako kaya ako umanib sa isang mapanganib na sekta. Ginagawa ng awtoridad ang lahat para papaniwalain ang mga magulang ko at mga kapatid ko na nababaliw na ako. Takot na takot ang mga magulang ko. Umiiyak silang nakikiusap sa akin na tumigil na ako sa pagiging Saksi ni Jehova. Pero nanatili akong kalmado. Sinabi ko kay Nanay: “Huwag po kayong mag-alala. Hindi ako nababaliw. Ang tagal ko na pong naghahanap ng sagot sa mga tanong ko sa buhay, at ngayong natagpuan ko na ito, hinding-hindi ko po ito iiwan.” (Kawikaan 23:23) Kaunti lang ang alam ko sa Bibliya noon, pero sapat na ang alam ko tungkol kay Jehova para manatili akong tapat sa kaniya. Makalipas ang mga anim na taon, nalaman din ng mga magulang ko ang katotohanan, at naging mga Saksi ni Jehova rin sila.
Sinentensiyahan ako ng 15-taóng sapilitang pagtatrabaho at sakay ng tren ipinadala ako sa rehiyon ng Kolyma, sa Siberia. Napakaraming labor camp sa lugar na iyon. At para mapasunod nila ang mga bilanggo, lagi kaming binubugbog at ginugutom ng mga guwardiya at mga opisyal. Iniisip ko noon kung makakatagal ba ako doon.
Naramdaman Ko ang Pagsasanay at Pag-ibig ng Diyos
Pagkarating ko roon, mayroon nang 34 na Saksi na nakakulong sa kampo. Maingat akong tinanong ng ilan sa kanila: “May kasama ba kayong Jonadab sa grupo ninyo?” Alam ko na agad na mga kapatid ko sila. Sila lang kasi ang gagamit ng ganoong termino sa Bibliya! Makaranasan ang mga kapatid na ito, at hindi lang nila ako tinuruan na isabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya sa mahihirap na sitwasyon, tinulungan din nila ako na magkaroon ng magagandang katangian gaya ng kaunawaan.
Naging tagaayos ako ng mga makina sa kampo. Minsan, ipinagyayabang ng katrabaho kong si Matphey na saulado niya ang pangalan ng 50 santo. Nang magsabi ako ng negatibong bagay tungkol sa mga santo na sinasabi niya, nainsulto si Matphey at nang susuntukin na niya ako, tumakbo ako palayo. Mayamaya, nakita kong pinagtatawanan ako ng mga kapatid, inis na inis ako. Ang sabi ko: “Ano’ng nakakatawa doon? Gusto ko lang namang mangaral!” Ipinaalala nila na ang tunguhin natin ay ipangaral ang mabuting balita, hindi ipahiya ang iba. (1 Pedro 3:15) Kahit kontra si Matphey sa gobyerno, hangang-hanga pa rin siya sa ipinapakitang respeto ng mga Saksi sa mga guwardiya at sa mga nasa awtoridad. Bandang huli, nagpakita rin siya ng interes sa mensahe ng Bibliya. At hindi ko makakalimutan ang gabing palihim siyang binautismuhan sa isang dram ng malamig na tubig.
Di-nagtagal pagkarating namin sa kampo, inimbitahan ako kasama ng dalawa pang kapatid na dumalo sa mga klase na nagtuturo ng tungkol sa politika. Noong una, tumanggi kami. Iniisip kasi namin na kapag dumalo kami, parang hindi kami nagiging neutral. (Juan 17:16) Kaya ibinartolina kami nang dalawang linggo. Pagkalaya namin, ipinaliwanag ng mga kapatid na kapag dumalo kami sa mga klaseng iyon, hindi naman ibig sabihin na hindi na kami neutral. Puwede pa nga daw naming gawing pagkakataon iyon para makapagpatotoo sa iba. Tinulungan kami ng mapagmahal ng mga kapatid na ito na maging marunong at kung paano namin gagamitin ang mga prinsipyo sa Bibliya kapag gagawa ng desisyon.
Dahil sa matiyaga nilang pagsasanay sa akin, lalo kong naramdaman na mahal ako ni Jehova. Halimbawa, may isang bilanggong pari doon na inatasan na maging chief accountant. Sa tuwing magkakasalubong kami sa oras ng pagkain, babatiin niya ako ng, “Kumusta, anak ng Diyablo!” May isang bilanggo doon na nagsabi sa akin na sagutin ko daw ng, “Ayos naman, ’tay!” Sinunod ko iyon, kaya nabugbog ako. Nang mabalitaan ng mga kapatid ang nangyari sa akin, ipinaliwanag nila na mali ang ginawa ko. (Kawikaan 29:11) Kaya nag-sorry ako sa pari.
Bago ako dalhin sa labor camp, patago na akong dumadalo sa mga pulong kapag gabi o kapag madaling araw. Pero hindi namin iyon magawa sa labor camp. Kaya araw-araw, nagsasama-sama kami, nakatayo at nakapaikot sa isa’t isa, habang nakikita ng mga guwardiya. Pinag-uusapan namin ang ilang teksto na isinulat namin nang patiuna sa maliliit na piraso ng papel. Tunguhin namin na makapagsaulo ng maraming teksto hangga’t posible at regular na alalahanin iyon. Kapag sisitahin kami ng isang opisyal, nilulunok agad namin ang mga papel.
Isang Tapon Pero Pinagpala ng Diyos
Nang palayain ako sa kampo noong 1959, na-deport ako sa rehiyon ng Karaganda sa Kazakhstan. Dahil nasa ilalim pa ako ng probation, nagpaalam ako sa mga awtoridad na magbakasyon nang 20 araw para magpakasal. Nagpunta ako sa Tomsk, isang rehiyon sa Russia, may kilala kasi ako doong tapat at magandang sister na ang pangalan ay Maria. Lagi akong direkta sa punto magsalita. Kaya sinabi ko sa kaniya: “Maria, wala akong panahong makipag-date. Pakasalan mo na ako!” Pumayag siya, at nagkaroon kami ng simpleng kasalan. Humanga si Maria sa pagtitiis ko ng maraming pagsubok, at gusto niya akong tulungang patuloy na maglingkod kay Jehova.—Kawikaan 19:14.
Noong 1960’s, hindi kami malayang makapagbahay-bahay, pero lagi kaming naghahanap ng mga pagkakataon na makapagpatotoo nang di-pormal. Kapag may nag-iimbita sa amin o kaya kapag nasa bakasyon, madalas naming ibinabahagi sa iba ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Gumagawa rin kami ng mga paraan para makausap ang iba. Halimbawa, pumupunta kami sa mga bahay na ibinebenta at kakausapin namin ang may-ari hanggang sa nakakapagpatotoo na kami. Dahil dito, nagkaroon kami ni Maria ng anim na Bible study na naging mga Saksi ni Jehova.
Minsan nakapagpatotoo kami nang panahon ng eleksiyon. Isang beses, may mga secret police na pumunta sa pabrikang pinagtatrabahuhan namin ng ilang kapatid. Sa harap ng mga 1,000 katrabaho namin, tinanong nila kami kung bakit hindi sumasali sa politika ang mga Saksi ni Jehova. Ipinagtanggol kami ng chief engineer at ng ilang katrabaho namin. Sinabi nila sa mga pulis na maaasahan kami at masipag magtrabaho. Kaya lumakas ang loob namin na ipaliwanag ang paniniwala namin gamit ang mga tekstong naaalala namin. Dahil dito, apat sa mga katrabaho namin ang naging interesado sa Bibliya at nabautismuhan sila wala pang isang taon.
Noong unang mga taon ng 1970’s, maraming tapat-puso ang naging Saksi ni Jehova sa Kazakhstan, kaya naisip namin na magkaroon ng asamblea sa unang pagkakataon. Pero paano namin magagawa iyon nang hindi nalalaman ng mga awtoridad? Napagpasiyahan namin na magkaroon ng isang-araw na asamblea kasabay ng isang kasal sa isang nayon malapit sa lunsod ng Almaty. Kaya sabay idinaos ang kasal at ang asamblea. Mahigit 300 ang nakadalo! Ang asawa ko at ilang sister ang naglagay ng mga dekorasyon sa venue at nagluto rin sila ng masarap na pagkain. Pero ang pinakanagustuhan ng mga dumalo ay ang magagandang turo sa Bibliya na ipinahayag ng iba’t ibang tagapagsalita. Nang araw na iyon, nakapagpahayag ako sa unang pagkakataon sa harap ng maraming tao.
Pinalakas Kami ng Pag-ibig ng Diyos na Maharap ang mga Pagsubok
Nanatiling tapat ang mahal kong asawa na si Maria sa buong buhay niya. Mahinahon siya at mapagpasakop, at lagi niyang inuuna ang Kaharian. Kahit malusog at malakas ang asawa ko, bigla siyang nagkaroon ng malalang osteoporosis, kaya halos 16 na taon siyang nakaratay na lang sa higaan. Kasama kong nag-alaga sa kaniya ang anak naming si Lyudmila hanggang sa mamatay si Maria noong 2014.
Wala akong magawa noong may sakit ang mahal kong si Maria. Pero hanggang noong araw na mamatay siya, magkasama pa kaming nagbabasa ng Bibliya at nakakapagpatibay na mga artikulo. Madalas naming pag-usapan ang tungkol sa bagong sanlibutan. Minsan, umiiyak ako nang tahimik sa tabi niya. Pero sa tuwing binabasa namin ang tungkol sa magagandang pangako ni Jehova, napapanatag kami at nagkakaroon ng lakas na magpatuloy.—Awit 37:18; 41:3.
Simula nang unang beses kong maramdaman ang pagmamahal ni Jehova, lagi ko nang nakikita ang suporta at pagmamalasakit niya sa akin. (Awit 34:19) Bilang isang kabataan na wala pang karanasan, naramdaman ko ang pagmamahal niya noong matiyaga akong tinutulungan ng iba para mapasulong ko ang mga katangian ko. At noong dumanas ako ng mga paghihirap sa labor camp at noong tapon ako, naramdaman ko ang suporta niya sa pamamagitan ng Salita niya. At ibinigay niya ang lakas na kailangan ko para alagaan ang mahal kong asawang si Maria, hanggang sa mamatay siya. Kaya masasabi kong sa buong buhay ko pinalakas ako ng pag-ibig ko kay Jehova.
a Ang Kazakhstan, Moldova, at Ukraine ay bahagi ng dating Soviet Union hanggang 1991.