Pinatutunayan ng Relyebe sa Sinaunang Ehipto ang Ulat ng Bibliya
Ang hieroglyphic na relyebeng ito na may taas na walong metro ay matatagpuan malapit sa pasukang-daan ng templo ng diyos na si Amun sa sinaunang Ehipto sa Karnak. Ayon sa mga iskolar, makikita sa relyebeng ito ang pagkubkob ni Paraon Sisak sa mga lupain sa hilagang-silangan ng Ehipto, kasama na ang Juda at ang hilagang kaharian ng Israel.
Makikita sa relyebe na inihaharap ni Amun kay Sisak, o Sheshonk, a ang mahigit 150 bihag. Ang bawat bihag ay kumakatawan sa isang bayang nasakop. Nakaukit ang pangalan ng mga bayan sa hugis biluhaba na nasa katawan ng bawat bihag. Nababasa pa rin ang maraming pangalan, at ang ilan sa mga ito ay alam na alam ng mga mambabasa ng Bibliya. Kabilang dito ang Bet-sean, Gibeon, Megido, at Sunem.
Binanggit sa Bibliya ang pagsalakay ng Ehipto sa Juda. (1 Hari 14:25, 26) Sa katunayan, nagbigay ito ng mga espesipikong detalye tungkol sa pagsalakay ni Sisak. Mababasa natin: “Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sinalakay ni Haring Sisak ng Ehipto ang Jerusalem. . . . Mayroon siyang 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo, at di-mabilang na mga sundalong sumama sa kaniya mula sa Ehipto . . . Sinakop niya ang mga napapaderang lunsod ng Juda at bandang huli ay nakarating siya sa Jerusalem.”—2 Cronica 12:2-4.
Hindi lang ang relyebeng ito sa Karnak ang nagpapatunay ng pananakop ni Sisak sa lupain ng mga Israelita. Makikita rin ang pangalang “Sheshonk” sa piraso ng batong monumento, o stela, na natagpuan sa bayan ng Megido na binanggit sa Bibliya.
Ang tumpak na ulat ng Bibliya tungkol sa pagkubkob ni Sisak sa Juda ay isang halimbawa ng katapatan ng mga manunulat ng Bibliya. Isinulat nila hindi lang ang tagumpay ng bansa nila kundi pati ang pagkatalo nito. Karaniwan nang hindi mo makikita ang gayong katapatan sa iba pang manunulat noong panahong iyon.
a Ipinapakita ng baybay ng Bibliya sa pangalang “Sisak” ang bigkas sa Hebreo ng pangalang iyan.