Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anton Petrus/Moment via Getty Images

PATULOY NA MAGBANTAY!

Malapit Na Bang Magkaroon ng World War?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Malapit Na Bang Magkaroon ng World War?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Nitong nakaraang 30 taon, iniisip ng marami na paganda na nang paganda ang ugnayan ng mga bansa. Pero totoo nga ba iyan? Pansinin ang mga ulat na ito:

  •   “Nag-aalala ang mga tao na madadamay ang katabing mga bansa dahil sa labanan ng Israel at Hezbollah sa border ng Lebanon habang may digmaan din sa Gaza.”—Reuters, Enero 6, 2024.

  •   “Iba’t ibang lugar ang inaatake ng mga grupong mula sa Iran, at nagsimula na namang gumawa ng mga nuclear weapon ang Iran. Kaalyado na rin nito ngayon ang Russia at China, at posible itong maging banta sa America at iba pang mga bansa.”—The New York Times, Enero 7, 2024.

  •   “Napakalaki ng pinsala sa Ukraine dahil sa walang-tigil na pag-atake ng Russia.”—UN News, Enero 11, 2024.

  •   “Gumagandang ekonomiya at lumalakas na militar ng China, tumitinding nasyonalismo sa Taiwan, at di-magandang ugnayan ng China at U.S.—handa na ang lahat para sa isang krisis.”—The Japan Times, Enero 9, 2024.

 Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga digmaang nangyayari sa ngayon? Mauuwi ba ito sa world war?

Inihula ng Bibliya ang mga nangyayari ngayon

 Hindi naman binanggit sa Bibliya ang anumang espesipikong digmaan ngayon. Pero inihula nito na darami ang digmaan at mawawala ang “kapayapaan sa lupa.”—Apocalipsis 6:4.

 Inihula sa aklat ng Daniel na “sa panahon ng wakas,” ‘magtutulakan,’ o mag-aagawan sa kapangyarihan, ang mga magkakalabang bansa. Sa pag-aagawang iyon, ipapakita nila ang militar na kapangyarihan nila at gagamit sila ng napakalaking “kayamanan.”—Daniel 11:40, 42, 43.

Isang digmaang paparating

 Ipinapakita sa Bibliya na lalala muna ang sitwasyon sa mundo bago ito bumuti. Sinabi ni Jesus na “magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo.” (Mateo 24:21) Pagkatapos ng “malaking kapighatian,” magsisimula ang digmaan ng Armagedon, o ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.”—Apocalipsis 16:14, 16.

 Gagamitin ng Diyos ang digmaan ng Armagedon para alisin ang pamamahala ng tao, na naging dahilan ng napakaraming digmaan. Kaya sa digmaang ito, maliligtas ang mga tao at hindi mapapahamak. Para malaman kung paano magkakaroon ng kapayapaan dahil sa Armagedon, basahin ang sumusunod: