PATULOY NA MAGBANTAY!
2023: Taon ng Pag-aalala—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Nitong 2023, kitang-kita na nabubuhay na tayo sa panahon na tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw” dahil sa mga nangyayari sa mundo. (2 Timoteo 3:1) Pansinin ang mga hula sa Bibliya na nangyayari na ngayon.
Ang Bibliya at ang mga nangyayari sa mundo
“Digmaan at . . . mga ulat ng digmaan.”—Mateo 24:6.
“Dumarami ang mararahas na labanan sa iba’t ibang parte ng mundo.” a
Tingnan ang mga artikulong “Sino ang Magliligtas sa mga Inosente?” at “Lumampas sa $2 Trilyon ang Ginastos ng Buong Mundo Para sa Militar.”
‘Lindol sa iba’t ibang lugar.’—Marcos 13:8.
“Nang magsimula ang 2023, may naitalang 13 lindol na may lakas na magnitude 7 pataas. Isa ito sa pinakamaraming naiulat mula nang simulan ang pagrerekord.” b
Tingnan ang artikulong “Niyanig ng Malalakas na Lindol ang Turkey at Syria.”
“Nakakatakot na mga bagay.”—Lucas 21:11.
“Tapos na ang panahon ng global warming; nagsimula na ang panahon ng global boiling.”—António Guterres, UN secretary-general. c
Tingnan ang artikulong “Heat Wave sa Buong Mundo Ngayong Summer 2023.”
“Taggutom.”—Mateo 24:7.
“2023: Isang taon ng sobrang pag-aalala para sa mga taong nahihirapang pakainin ang pamilya.” d
Tingnan ang artikulong “Krisis sa Pagkain sa Buong Mundo Dahil sa Digmaan at Climate Change.”
‘Mapanganib at mahirap na kalagayan.’—2 Timoteo 3:1.
“Sa buong mundo, isa sa walong tao ang may problema sa mental na kalusugan.” e
Tingnan ang artikulong “Nakakabahalang Pagbagsak ng Mental na Kalusugan ng mga Kabataan.”
Ano kaya ang mangyayari sa 2024?
Hindi natin alam. Pero dahil sa mga nangyayari sa mundo ngayon, lumilitaw na malapit nang palitan ng Kaharian ng Diyos, o gobyerno niya sa langit, ang gobyerno ng tao. Tatapusin nito ang lahat ng dahilan ng paghihirap at pag-aalala ng mga tao.—Daniel 2:44; Apocalipsis 21:4.
Pero sa ngayon, kung nag-aalala tayo, puwede tayong humingi ng tulong sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya:
“Kapag natatakot ako, sa iyo ako nagtitiwala.”—Awit 56:3.
Paano natin maipapakita na nagtitiwala tayo sa Diyos? Gusto naming malaman mo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mangyayari sa hinaharap kung saan wala nang maghihirap. Subukan ang libreng pag-aaral ng Bibliya para makita mo at ng pamilya mo kung paano kayo matutulungan ng mga pangako ng Bibliya.
a Foreign Affairs, “A World at War: What Is Behind the Global Explosion of Violent Conflict?” ni Emma Beals at Peter Salisbury, Oktubre 30, 2023.
b Earthquake News, “Year 2023: Number of Major Earthquakes on Course for Record,” Mayo, 2023.
c United Nations, “Secretary-General’s Opening Remarks at Press Conference on Climate,” Hulyo 27, 2023.
d World Food Programme, “A Global Food Crisis.”
e World Health Organization, “World Mental Health Day 2023,” Oktubre 10, 2023.