TAMPOK NA PAKSA | PUWEDE MONG MAUNAWAAN ANG BIBLIYA
Bakit Magandang Maunawaan ang Bibliya?
“Ang Bibliya ay isang kilaláng aklat tungkol sa relihiyon. Pero isa itong banyagang aklat na walang kaugnayan sa aming mga Tsino.”—LIN, CHINA.
“Hindi ko nga maintindihan ang banal na mga aklat naming mga Hindu, gaano pa kaya ang Banal na Bibliya?”—AMIT, INDIA.
“Iginagalang ko ang Bibliya bilang isang matandang aklat, at pinakamabiling aklat daw ito. Pero hindi pa ako nakakita nito.”—YUMIKO, JAPAN.
Lubhang iginagalang ng maraming tao sa buong mundo ang Bibliya. Pero baka kakaunti lang, kung mayroon man, ang alam nila tungkol sa nilalaman nito. Totoo ito sa milyon-milyong nakatira sa Asia, ngunit totoo rin ito sa maraming tao sa mga bansang malawakang ipinamamahagi ang Bibliya.
Pero baka maitanong mo, ‘Bakit dapat akong maging interesado na maunawaan ang Bibliya?’ Kapag naunawaan mo ang sinasabi ng banal na aklat na ito, matutulungan ka nito na:
-
Maging kontento at maligaya
-
Maharap ang mga problema sa pamilya
-
Mapagtagumpayan ang mga kabalisahan
-
Mapaganda ang kaugnayan sa iba
-
Maging matalino sa paggamit ng pera
Kuning halimbawa ang babaeng si Yoshiko, na taga-Japan. Nagtataka siya kung ano ang nilalaman ng Bibliya, kaya ipinasiya niyang basahin ito. Ang resulta? “Dahil sa Bibliya, may layunin na ang buhay ko at nagkaroon ako ng pag-asa sa hinaharap,” ang sabi niya. “May kabuluhan na ang buhay ko,” dagdag pa niya. Ang lalaking si Amit, na binanggit kanina, ay nagdesisyon ding suriin ang Bibliya. “Namangha ako,” ang sabi niya. “Ang Bibliya ay naglalaman ng praktikal na impormasyon para sa lahat.”
Ang Bibliya ay nakatulong nang malaki sa buhay ng milyon-milyon. Bakit hindi mo subukang suriin ito at tingnan kung ano ang maitutulong nito sa iyo?