Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapaimbabaw! Magwawakas Pa Ba?

Pagpapaimbabaw! Magwawakas Pa Ba?

SI Panayiota ay lumaki sa isang isla sa Mediteraneo. Nahilig siya sa politika noong dalagita siya. Nang maglaon, naging kalihim siya sa isang politikal na partido sa kanilang nayon. Nagbahay-bahay pa nga siya upang mangalap ng pondo para sa partido. Pero sa paglipas ng panahon, nadismaya si Panayiota. Kitang-kita pa rin kasi ang nepotismo, ambisyon, alitan, at inggitan sa kabila ng pagtuturingan nila bilang magkakapartido.

Si Daniel ay pinalaki sa isang napakarelihiyosong pamilya sa Ireland. Nakalulungkot, hindi maalis sa isip niya ang pagpapaimbabaw ng mga paring nagsesermong masusunog siya sa impiyerno kapag nagkasala siya, pero sila naman itong manginginom, sugarol, at nagnanakaw mula sa koleksiyon.

Matagal na nagtrabaho si Jeffery sa marketing and sales ng isang internasyonal na kompanya ng mga cargo ship na nakabase sa United Kingdom at United States. Naaalaala niya ang maraming pagkakataon kung saan ang mga kliyente at kakompetensiya ay nandaraya kapag nakikipagnegosasyon sa mga opisyal ng gobyerno. Mapanlinlang silang nangangakong gagawin ang lahat makuha lang ang kontrata.

Nakalulungkot, karaniwan na lang sa ngayon ang gayong pagpapaimbabaw sa halos lahat ng gawain ng tao—sa politika, relihiyon, at komersiyo. Ang salitang Ingles na isinaling “mapagpaimbabaw” ay galing sa salitang Griego na tumutukoy sa isang tagapagsalita o artista sa entablado na nakamaskara. Nang maglaon, ginamit na ang salitang ito para tukuyin ang sinumang nagkukunwari para madaya ang iba o maisulong ang sakim na hangarin.

Ang mga nabibiktima ng pagpapaimbabaw ay maaaring sumamâ ang loob, magalit, at maghinanakit. Sa pagkadismaya, baka masabi nila: “Pagpapaimbabaw! Magwawakas pa ba?” Mabuti na lang, tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na magwawakas nga ito.

PAGPAPAIMBABAW—ANG TINGIN NG DIYOS AT NG KANIYANG ANAK

Ayon sa Bibliya, ang pagpapaimbabaw ay nagsimula, hindi sa tao, kundi sa isang di-nakikitang espiritung nilalang. Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, ginamit ni Satanas na Diyablo ang isang ahas na parang maskara at ipinakita sa unang babae, si Eva, na nagmamalasakit siya para madaya niya ito. (Genesis 3:1-5) Mula noon, maraming tao na rin ang nagkukunwari para dayain ang iba at makamit ang kanilang sakim na layunin.

Nang mahulog ang sinaunang bansa ng Israel sa bitag ng huwad at paimbabaw na pagsamba, paulit-ulit silang binabalaan ng Diyos tungkol sa mga ibubunga nito. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ng Diyos na Jehova: “Lumapit ang bayang ito sa pamamagitan ng kanilang bibig, at niluwalhati nila ako sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi, at lubusan nilang inilayo sa akin ang kanilang puso.” (Isaias 29:13) Nang hindi nagbago ang bansang Israel, pinahintulutan ng Diyos na wasakin ng makapangyarihang mga bansa ang sentro ng kanilang pagsamba—ang Jerusalem at ang templo nito—sa pamamagitan ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E. at ng mga hukbong Romano noong 70 C.E. Maliwanag, hindi habang-panahong pahihintulutan ng Diyos ang pagpapaimbabaw.

Sa katunayan, malaki ang pagpapahalaga ng Diyos at ng Kaniyang Anak, si Jesus, sa mga taong tapat at taimtim. Halimbawa, sa pasimula ng ministeryo ni Jesus, lumapit sa kaniya si Natanael. Pagkakita sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita, na sa kaniya ay walang panlilinlang.” (Juan 1:47) Si Natanael, na kilala ring Bartolome, ay naging isa sa 12 apostol ni Jesus.—Lucas 6:13-16.

Noong kasama ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod, itinuro niya sa kanila ang kaisipan ng Diyos. Dapat na walang dako sa gitna nila ang pagpapaimbabaw. Bilang babala, hinatulan ni Jesus ang pagpapaimbabaw ng mga lider ng relihiyon nang panahong iyon. Pansinin ang ilan sa kanilang mga gawa.

Pakitang-tao lang ang pagsasagawa nila ng katuwiran. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Pakaingatan ninyo na huwag isagawa ang inyong katuwiran sa harap ng mga tao upang mamasdan nila . . . , gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw.” Sinabi rin niya sa kanila na ang pagbibigay ng mga kaloob ng awa ay dapat na “maging lihim,” o hindi na dapat ipaalam sa iba. Dapat silang manalangin nang pribado, hindi lang para makita ng iba. Kung gagawin nila iyon, tunay ang kanilang pagsamba at pahahalagahan ito ng kaniyang Ama.—Mateo 6:1-6.

Mapamintas sila. Sinabi ni Jesus: “Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan mula sa iyong sariling mata, at kung magkagayon ay makikita mo nang malinaw kung paano aalisin ang dayami mula sa mata ng iyong kapatid.” (Mateo 7:5) Kung itinatawag-pansin ng isa ang mga pagkakamali ng iba samantalang mas masahol pa roon ang ginagawa niya, mapagpaimbabaw siya. Dahil ang totoo, “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23.

Masama ang kanilang motibo. Minsan, nagtanong kay Jesus may kaugnayan sa buwis ang mga alagad ng mga Pariseo at mga tagasunod sa partido ni Herodes. May-pambobola nilang sinabi kay Jesus: “Guro, alam naming ikaw ay tapat at nagtuturo ng daan ng Diyos sa katotohanan.” Pagkatapos, nagpakana sila sa pamamagitan ng isang tanong: “Kaayon ba ng kautusan na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi?” Sumagot si Jesus: “Bakit ninyo ako inilalagay sa pagsubok, mga mapagpaimbabaw?” Tama lang na tawagin sila ni Jesus na mapagpaimbabaw dahil hindi naman talaga sila interesado sa isasagot niya kundi gusto lang nilang “hulihin siya sa kaniyang pananalita.”—Mateo 22:15-22.

Ang mga tunay na Kristiyano ay nagpapakita ng “pag-ibig mula sa isang malinis na puso at mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”—1 TIMOTEO 1:5

Nang itatag ang kongregasyong Kristiyano noong Pentecostes 33 C.E., kitang-kita sa mga miyembro nito ang pagiging tapat at totoo. Puspusang nagsikap ang mga tunay na Kristiyano na alisin sa kanilang sarili ang hilig na maging mapagpaimbabaw. Halimbawa, hinimok ni Pedro, isa sa 12 apostol, ang mga kapuwa Kristiyano na magpakita ng “pagkamasunurin sa katotohanan [at] walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid.” (1 Pedro 1:22) Pinayuhan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kamanggagawa na magpakita ng “pag-ibig mula sa isang malinis na puso at mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”—1 Timoteo 1:5.

ANG KAPANGYARIHAN NG SALITA NG DIYOS

Ang mga turo ni Jesus at ng mga apostol, na nasa Bibliya, ay mabisa pa rin hanggang sa ngayon. Tungkol dito, isinulat ni apostol Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Dahil nalaman nila ang mga turo ng Bibliya at nagsisikap na mamuhay ayon dito, natulungan ang marami na talikuran ang pagpapaimbabaw at maging taimtim at tapat. Pansinin ang karanasan ng tatlong indibiduwal na nabanggit sa pasimula.

“Kitang-kita ko roon ang tunay na pag-ibig at malasakit sa kapuwa.”—PANAYIOTA

Nagbago ang buhay ni Panayiota nang pumayag siyang dumalo ng pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Ang kabutihang napansin niya ay hindi pakitang-tao lang para pahangain ang iba. Sinabi niya: “Kitang-kita ko roon ang tunay na pag-ibig at malasakit sa kapuwa, isang bagay na hindi ko nakita sa loob ng maraming taon na aktibo ako sa politika.”

Nag-aral ng Bibliya si Panayiota at nabautismuhan, 30 taon na ang nakalilipas. Ganito ang sabi niya ngayon: “Nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ko, hindi noong nagbabahay-bahay ako para isulong ang politikal na partido, kundi nang ipangaral ko ang tungkol sa Kaharian ng Diyos—ang tanging paraan para magkaroon tayo ng makatarungang daigdig.”

“Hindi ko maaatim na magpanggap sa aking mga kapuwa Kristiyano.”—DANIEL

Si Daniel ay sumulong sa kongregasyong Kristiyano at nabigyan ng ilang pananagutan. Pagkaraan ng ilang taon, nakagawa siya ng pagkakamali at binagabag siya ng kaniyang budhi. “Dahil naaalaala ko ang pagpapaimbabaw na nakita ko noon sa simbahan,” ang sabi niya, “wala akong magawa kundi bitawan ang mga pribilehiyo ko. Hindi ko maaatim na magpanggap sa aking mga kapuwa Kristiyano.”

Nakatutuwa naman, makalipas ang ilang panahon, nadama ni Daniel na puwede na siyang magkaroon muli ng mga pribilehiyo taglay ang mabuting budhi, kaya masaya niyang tinanggap muli ang mga pananagutan sa kongregasyon. Ang gayong katapatan ay karaniwan na sa mga naglilingkod sa Diyos nang walang pagpapaimbabaw. Natutuhan nilang “alisin . . . muna ang tahilan” mula sa kanilang mata bago mag-alok na ‘alisin ang dayami’ mula sa mata ng kanilang kapatid.

“Hindi na ako puwedeng mambola o maging tuso. . . . Naapektuhan ang aking budhi.”—JEFFERY

Si Jeffery, na nagtrabaho nang matagal sa daigdig ng negosyo, ay nagsabi: “Habang sumusulong ako sa kaalaman sa Bibliya, natanto ko na hindi na ako puwedeng mambola o maging tuso para makuha lang ang kontrata. Naapektuhan ang aking budhi ng mga talata sa Bibliya, gaya ng Kawikaan 11:1, na nagsasabing ‘ang madayang . . . timbangan ay karima-rimarim kay Jehova.’” Oo, di-gaya ng mga nagtanong kay Jesus tungkol sa buwis, natutuhan ni Jeffery na maging tapat sa kaniyang pakikitungo sa mga kapananampalataya at di-sumasampalataya.

Milyon-milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang nagsisikap mamuhay ayon sa mga natutuhan nila sa Bibliya. Puspusan nilang sinisikap na “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:24) Hinihimok ka naming alamin kung sino ang mga Saksi ni Jehova, kung ano ang pinaniniwalaan nila, at kung paano ka nila matutulungang malaman ang tungkol sa pangako ng Diyos na bagong sanlibutan. Doon, “tatahan ang katuwiran” at mawawala na ang pagpapaimbabaw.—2 Pedro 3:13.