Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Mabubuhay bang muli ang mga patay?
Ang Diyos na Jehova ang Bukal ng buhay. (Awit 36:9) Hindi ba makatuwirang maniwala na puwedeng buhaying muli ng Diyos ang mga namatay na? Tinitiyak sa atin ng Bibliya na gayon nga ang gagawin niya sa hinaharap. (Basahin ang Gawa 24:15.) Ngunit bakit niya gagawin iyon?
Nilayon ng ating Maylalang na ang tao ay mabuhay magpakailanman sa lupa. (Genesis 1:31; 2:15-17) Iyan pa rin ang gusto niya para sa mga tao. Nasasaktan siya kapag nakikita niya ang nararanasan natin ngayon—isang napakaikling buhay na punô ng problema.—Basahin ang Job 14:1, 14, 15.
Saan titira ang mga bubuhaying muli?
Nilalang ba ng Diyos ang tao para mabuhay sa langit? Hindi. Ang mga anghel ang nilalang ng Diyos para tumira sa langit. Ginawa niya ang mga tao para mabuhay sa lupa. (Genesis 1:28; Job 38:4, 7) Dahil diyan, pansinin ang mga pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus. Binuhay niyang muli ang mga tao dito mismo sa lupa. Kaya karamihan ng mga bubuhaying muli sa hinaharap ay mabubuhay rin dito mismo sa lupa.—Basahin ang Juan 5:28, 29; 11:44.
Gayunman, pumili ang Diyos ng ilang tao na bubuhayin niyang muli sa langit, kung saan magkakaroon sila ng katawang espiritu. (Lucas 12:32; 1 Corinto 15:49, 50) Ang mga bubuhaying muli sa langit ay mamamahala sa lupa bilang mga hari kasama ni Kristo.—Basahin ang Apocalipsis 5:9, 10.