TAMPOK NA PAKSA | POSIBLE BANG MABUHAY KAPAG NAMATAY NA?
Ano ang Nangyayari Kapag Namatay ang Isa?
“Dati, iniisip ko na tatlong lugar lang ang pupuntahan ng tao kapag namatay: langit, impiyerno, o purgatoryo. Alam kong hindi ako ganoon kabait para pumunta sa langit, pero hindi rin naman ako ganoon kasamâ para mapunta sa impiyerno. Hindi rin malinaw sa akin kung ano ang purgatoryo. Hindi ko ’yon nabasa sa Bibliya. Sabi lang iyon ng mga tao.”—Lionel.
“Itinuro sa akin na pumupunta sa langit ang lahat ng tao pagkamatay nila, pero hindi ako kumbinsido. Akala ko kamatayan ang wakas ng lahat ng bagay—na wala nang pag-asa para sa mga patay.”—Fernando.
Naitanong mo na ba: ‘Ano nga ba ang nangyayari kapag namatay ang isa? Pinahihirapan ba sa ibang lugar ang mga namatay nating mahal sa buhay? Makikita pa ba natin silang muli? Paano tayo makatitiyak?’ Pakisuyong pag-isipan kung ano talaga ang itinuturo ng Kasulatan. Una, suriin natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan. Pagkatapos, talakayin natin ang pag-asang ibinibigay ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Ano ang kalagayan ng mga patay?
ANG SAGOT NG BIBLIYA: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran, sapagkat ang alaala sa kanila ay nalimutan. Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.” *—Eclesiastes 9:5, 10.
Ang Sheol ay isang makasagisag na lugar o kalagayan kung saan wala nang malay o magagawa ang isa, at dito napupunta ang mga namatay. Para sa tapat na lalaking si Job, ano ang Sheol? Sa loob lang ng isang araw, nawala ang lahat ng kaniyang pag-aari at mga anak. Nagkaroon din siya ng napakasakit na mga bukol sa buong katawan. Nakiusap siya sa Diyos: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol, [“sa impiyerno,” Catholic Douay Version] na ingatan mo nawa akong lihim.” (Job 1:13-19; 2:7; 14:13) Maliwanag, hindi iniisip ni Job na isang maapoy na impiyerno ang Sheol, kung saan lalo pa siyang pahihirapan. Sa halip, iniisip niyang ito ay isang lugar ng kaginhawahan.
May isa pang paraan para malaman ang kalagayan ng mga patay. Puwede nating suriin ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa walong tao na binuhay-muli.—Tingnan ang kahong “ Walong Pagkabuhay-Muli na Nakaulat sa Bibliya.”
Walang isa man sa walong iyon ang nagkuwento tungkol sa pagpunta sa isang lugar ng kaligayahan o pagpapahirap. Kung nagpunta sila sa gayong lugar nang mamatay sila, hindi kaya nila ikukuwento iyon? At hindi ba ito isasama sa Bibliya para mabasa ng lahat? Walang napaulat na gayon sa Kasulatan. Tiyak na walang masasabi tungkol dito ang walong taong iyon. Bakit? Dahil wala silang malay noon; para silang mahimbing na natutulog. Kung minsan, inilalarawan ng Bibliya ang kamatayan na parang pagtulog. Halimbawa, ang tapat na si David at si Esteban ay parehong “natulog sa kamatayan.”—Gawa 7:60; 13:36.
Kung gayon, ano ang pag-asa ng mga patay? Puwede ba silang gisingin mula sa pagkakatulog?
^ par. 7 Ang salitang Hebreo na “Sheol” at ang salitang Griego na “Hades” ay tumutukoy sa libingan ng tao sa pangkalahatan. Ginamit naman ng ilang bersiyon ng Bibliya ang salitang “hell” (o, impiyerno), pero hindi itinuturo ng Kasulatan ang ideya ng maapoy na lugar para pahirapan ang mga patay.