TAMPOK NA PAKSA
Malapit Na Ba ang Wakas?
Hahayaan ba ng Diyos na patuloy na supilin ng tao ang isa’t isa at isapanganib ang kinabukasan ng lahat ng tao? Hindi. Gaya ng nakita natin, kikilos siya at wawakasan ang pagdurusa at paniniil na nararanasan ng tao sa loob ng daan-daang taon. Gusto ng Maylalang ng tao at ng lupa na malaman mong malapit na siyang kumilos. Paano niya ipinaaalam ang mahalagang kaalamang iyan?
Isaalang-alang ang ilustrasyong ito: Kung maglalakbay ka sakay ng iyong kotse, maaaring titingin ka muna sa mapa, sa Internet, at sa mga brosyur para sa direksiyon. At habang nakikita mo ang mga palatandaan ng lugar na katugma ng sinasabi sa direksiyon, alam mong malapit ka na sa iyong pupuntahan. Sa katulad na paraan, ibinigay sa atin ng Diyos ang kaniyang Salita, na naglalarawan ng kapansin-pansing mga pangyayari sa buong mundo. Habang nakikita nating nagaganap ang mga iyon, kumbinsido tayo na nasa yugto na nga tayo ng panahon na hahantong sa wakas.
Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang kasaysayan ng daigdig ay sasapit sa isang naiiba at napakahalagang yugto ng panahon na magtatapos sa wakas. Sa panahong iyon, masasaksihan ang iba’t ibang pangyayari at kalagayan sa daigdig na hindi pa nararanasan sa kasaysayan ng tao. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito na binabanggit sa Salita ng Diyos.
1. KAGULUHAN SA BUONG DAIGDIG Inihula sa Mateo kabanata 24 ang mga pangyayari sa lupa na bubuo ng isang tanda. Iyon ang tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na hahantong sa panahon kung kailan “darating ang wakas.” (Talata 3, 14) Kasama rito ang malalaking digmaan, kakapusan sa pagkain, mga lindol sa iba’t ibang dako, paglago ng katampalasanan, kawalan ng pag-ibig, at tusong mga pagsisikap ng mga lider ng relihiyon na iligaw ang mga tao. (Talata 6-26) Sa paano man, nakita na nating nagaganap ang mga iyan sa nakalipas na daan-daang taon. Pero habang papalapit ang wakas, ang lahat ng iyan ay mangyayari sa iisang yugto ng panahon. Kasama rin diyan ang susunod na tatlong babalang tanda.
2. SALOOBIN NG MGA TAO Sinasabi ng Bibliya na makikita sa “mga huling araw”—ang yugto ng panahong hahantong sa wakas—ang pagsamâ ng saloobin ng mga tao. Mababasa natin: “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Totoo, hindi na bago ang kawalang-galang sa kapuwa, pero sa “mga huling araw” lang titindi ang saloobing ito anupat angkop na mailalarawan ang yugtong ito bilang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Napansin mo ba ang pagsamâ ng saloobin ng mga tao?
3. PAGKASIRA NG LUPA Sinasabi ng Bibliya na ipapahamak ng Diyos ang “mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Sa ano-anong paraan ipinapahamak, o sinisira, ng tao ang lupa? Gaya ito ng pagkakalarawan sa panahon ni Noe: “Ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan. Kaya nakita ng Diyos ang lupa at, narito! ito ay sira.” Kaya sinabi ng Diyos sa masamang lipunang iyon: “Lilipulin ko sila.” (Genesis 6:11-13) Nakikita mo ba ang dumaraming ebidensiya na ang lupa ay napupuno ng karahasan? Bukod diyan, ang tao ay sumapit na sa naiibang yugto sa kasaysayan: Kaya na nilang literal na sirain ang lupa sa pamamagitan ng paglipol sa lahat ng tao. May mga sandata silang magagamit. Sinisira din nila ang lupa sa ibang paraan. Ang mga sistema na sumusuporta sa buhay sa lupa—ang hanging ating nilalanghap, ekosistema ng hayop at halaman, ang karagatan—ay patuloy na nasisira dahil sa maling pangangalaga ng tao.
Tanungin ang iyong sarili, ‘Noong nakalipas na siglo, may kakayahan na ba ang tao na lubusang lipulin ang sarili?’ Pero ngayon ginagamit na ng tao ang kakayahang iyan sa pag-iimbak ng makabagong mga sandata at sa pagwasak sa kapaligiran. Waring nauunahan ng mabilis na pagsulong ng teknolohiya ang kakayahan ng tao na maunawaan o makontrol ang mga epekto nito. Gayunman, hindi para sa tao ang magpasiya o kumontrol sa kinabukasan ng lupa. Bago pa malipol ang lahat ng buhay sa lupa, kikilos ang Diyos para puksain ang mga sumisira sa lupa. Iyan ang pangako niya!
4. PANGANGARAL SA BUONG MUNDO Isa pang bahagi ng tanda ng wakas ang humuhula tungkol sa isang walang katulad na gawain: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang pangangaral na ito ay ibang-iba sa pangungumberte ng karamihan ng relihiyon sa nakalipas na mga siglo. Sa mga huling araw, isang mensahe ang itatampok, “ang mabuting balitang ito ng kaharian.” May alam ka bang relihiyon na nagtatampok ng mensaheng iyan? At kung mayroon mang nangangaral ng gayong mensahe, sa lugar lang ba ninyo, o naipalaganap nila ang mabuting balitang ito sa “buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa”?
Itinatampok ng website na www.isa4310.com ang tungkol sa “mabuting balitang ito ng kaharian.” Makikita sa website ang mga literatura na nagpapaliwanag sa mensaheng iyan sa mahigit 700 wika. May alam ka bang iba pang paraan kung saan gayon kalawak ipinahahayag ang mabuting balita ng Kaharian? Bago pa nagkaroon ng Internet, nakilala na ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagsisikap na ipalaganap ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Mula pa noong 1939, makikita na sa pabalat ng bawat isyu ng magasing Ang Bantayan ang mga salitang “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova.” Isang aklat tungkol sa mga relihiyon ang nagsabi na ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay “halos walang katulad kung sigasig at lawak ang pag-uusapan.” Idiniriin ng pangangaral na ito ang mabuting balita na napakalapit nang ‘dumating ang wakas’ sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos.
NAPAKAHALAGANG PANAHON SA KASAYSAYAN NG DAIGDIG
Nakita mo bang nangyayari ang lahat ng apat na babalang tanda ng Bibliya na inilarawan sa artikulong ito? Sa loob ng mahigit sandaang taon, ang magasing ito ay nagbibigay sa mga mambabasa nito ng impormasyon tungkol sa mga pangyayari sa daigdig upang tulungan silang matiyak na papalapit na tayo sa wakas. Siyempre, hindi pa rin sang-ayon ang
ilang nag-aalinlangan, anupat iginigiit na ang impormasyon at estadistika ay batay lang sa personal na opinyon at maaaring doktorin. Sinasabi rin nila na yamang patuloy na sumusulong ang komunikasyon sa buong daigdig, parang lalo lang lumalala ang mga kalagayan sa mundo. Sa kabila nito, dumarami pa rin ang ebidensiya na nasa katapusan na tayo ng isang naiibang yugto ng panahon sa kasaysayan ng tao.Ayon sa ilang eksperto, papalapit na tayo sa malalaking pagbabago sa lupang ito. Halimbawa, noong 2014, ang Science and Security Board ng Bulletin of the Atomic Scientists ay nagbabala sa United Nations Security Council tungkol sa matitinding banta sa pag-iral ng tao. Sinabi ng mga siyentipikong iyon: “Ang masusing pagsusuri sa mga bantang iyon ay aakay sa atin na isiping nariyan pa rin ang panganib na malipol ang sibilisasyon dahil sa teknolohiya.” Parami nang parami ang kumbinsidong nasa napakahalagang panahon na tayo sa kasaysayan ng daigdig. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito at ang maraming mambabasa nito ay nakatitiyak na ang naiibang panahong ito ang mga huling araw at na malapit na ang wakas. Pero sa halip na matakot sa hinaharap, maaari kang matuwa sa resulta nito. Bakit? Dahil maaari kang maligtas!