Alam Mo Ba?
Sinusuportahan ba ng arkeolohiya ang ulat ng Bibliya?
Ayon sa isang artikulo sa Biblical Archaeology Review, ang pag-iral ng “di-kukulangin sa 50” taong binabanggit sa Hebreong Kasulatan ay mapatutunayan na ngayon sa pamamagitan ng mga natuklasan ng mga arkeologo. Kabilang dito ang 14 na hari ng Juda at Israel, pati na ang mga kilaláng tao gaya nina David at Hezekias, at ang mga di-gaanong kilala gaya nina Menahem at Peka. Kasama rin dito ang 5 Paraon at 19 na hari ng Asirya, Babilonia, Moab, Persia, at Sirya. Pero hindi lang mga monarka ang lumilitaw sa ulat ng Bibliya at arkeolohiya, nariyan din ang mataas na saserdote, eskriba, at iba pang opisyal.
Sinabi sa artikulo na maraming iskolar ang nagpapatunay na umiral nga ang mga taong iyon. Siyempre pa, binabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang maraming iba pang kilaláng tao sa kasaysayan, at pinatutunayan din ng arkeolohiya ang ilan sa kanila—gaya nina Herodes, Poncio Pilato, Tiberio, Caifas, at Sergio Paulo.
Kailan naglaho ang mga leon sa mga lupain sa Bibliya?
Bagaman wala nang mga leon ngayon sa ilang ng Holy Land, ipinakikita ng mga 150 pagbanggit ng Kasulatan sa hayop na ito na pamilyar dito ang mga manunulat ng Bibliya. Makasagisag ang marami sa mga pagbanggit na iyon; pero iniuulat ng ilang teksto sa Bibliya na may mga taong aktuwal na napaharap sa mga leon. Halimbawa, sina Samson, David, at Benaias ay pumatay ng leon. (Hukom 14:5, 6; 1 Samuel 17:34, 35; 2 Samuel 23:20) Ang iba naman ay pinatay ng mga leon.—1 Hari 13:24; 2 Hari 17:25.
Noong sinaunang panahon, ang Asiatic lion (Panthera leo persica) ay makikita mula sa Asia Minor at Gresya hanggang sa Palestina, Sirya, Mesopotamia, at hilagang-kanluran ng India. Kinatatakutan at iginagalang ang hayop na ito at madalas itong makita sa sinaunang mga sining ng Near East. Makikita sa Processional Way ng sinaunang Babilonya ang kahanga-hangang larawan ng mga leon na gawa sa makintab na laryo.
Iniulat na may mga krusado na nanghuhuli ng mga leon sa Palestina sa pagtatapos ng ika-12 siglo C.E. Di-nagtagal matapos ang 1300, ang mga leon ay parang naglaho na roon. Pero may mga ulat na nakita pa ang mga ito sa Mesopotamia at Sirya hanggang noong ika-19 na siglo; sa Iran at Iraq naman, hanggang noong unang bahagi ng ika-20 siglo.